Huling Pagsubok

26 0 0
                                        

Warning: Rated SPG.
***

Nagkikislapan ang mga bituin sa langit nang huminto siya sa gitna ng kalye at tumingala. Tila kinukutya siya ng kislap ng mga ito na sinasabing kahit kailan ay hindi siya magiging kasingkinang ng mga ito, at kahit kailan ay hindi na siya makakaalis pa sa kadilimang kinaroroonan.

"Bakit kayo nagpakita sa akin ngayon?" nakatingalang tanong niya sa dalawang nilalang na nasa magkabilang gilid niya.

Nagtataka siya. Sumusulpot lamang ang dalawa kapag may masamang nangyayari sa kanya. Iyon na ang nakasanayan niya simula noong isang taon. Magpapakita ang mga ito sa pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay at mawawala na lang bigla pagkatapos.

"Malapit na," sabay na pahayag ng dalawa na ikinatigil niya.

"Malapit na?" pabulong niyang tanong sa dalawa bilang pagkumpirma.

Kaagad namang lumipat sa harapan niya si Lucian at tumango na parang sabik na sabik. Katulad ng dati ay nakasuot na naman ito ng itim at may mapanaganib na ere sa katawan.

"Tama. Malapit na, kaya humanda ka na," tahimik namang saad ni Gabriel na nasa kanan niya at matamang nakatitig sa kanya. Ang puti nitong damit ay tila nagliliwanag sa kadiliman ng gabi at nagbibigay rito ng misteryoso at kakaibang aura.

Ibinalik niya ang tingin sa kalangitan habang pilit na pinoproseso ng kanyang utak ang sinabi ng dalawa. "Malapit na pala," bulong niya sa hangin habang nakatingala pa rin sa mga bituin. Nakakatawa.

Pilit ang tawang kumawala sa kanya, lalo na nang bumaling siyang muli sa dalawa at makitang nawala na naman ang mga ito. Napailing at napapalatak na ipinagpatuloy na lamang niya ang kanyang paglalakad hanggang sa makarating siya sa bahay kung saan siya nangungupahan. Nagtuloy-tuloy siya sa kanyang silid, binuksan ang ilaw, at patihayang ibinagsak ang katawan sa kama. Ipinikit niya ang mga mata na laman pa rin ng isip ang pagpapakita ng dalawang lalaki, hanggang sa tuluyan siyang ginupo ng antok.

Nasa mundo pa rin siya ng pagtulog nang maramdaman niya ang mabining haplos sa kanyang pisngi na tila bulak na kumikiliti sa kanyang balat.

"Tobias." Mahina ngunit malinaw niyang narinig ang boses na iyon na kaagad na gumising sa kanyang isipan. Biglaan ang ginawa niyang pagdilat ng mga mata na ikinagulat ng babaeng nabungaran niya.

"Ella?" Hindi makapaniwalang napabangon siya mula sa pagkakahiga at maang na napatingin sa kababatang kaharap. Lahat ng antok na nararamdaman niya ay biglang nawala dahil sa presensiya nito.

"Anong ginagawa mo rito? Paanong narito ka?"

"Gusto kitang makita kaya ako narito. Tobias, bumalik ka na."

Natawa siya nang mahina sa sinagot nito. Kahit kailan talaga ay napaka-inosente nito. Mula pa pagkabata nila ay wala na itong kaalam-alam sa kung anong buhay mayroon talaga siya sa lugar na pinanggalingan nila. Ignorante ito sa masalimuot niyang buhay noong bata pa sila. Wala itong alam.

"Pasensya na, Ella, pero hindi na ako babalik pa roon." Malungkot siyang ngumiti sa gawi nito. Nakita niyang umusbong ang mga luha sa mga mata nito kaya marahan niya itong kinabig payakap. Kaagad na pumalibot ang mga kamay nito sa baywang niya at nagsumiksik ang mukha sa kanyang dibdib. Marahan naman niyang hinaplos ang mahaba nitong buhok at magaang hinagkan sa sentido.

"Kahit minsan ba nagkamali ka na, Ella?" Napuno ng katanungan ang mga mata nito nang mag-angat ito ng tingin sa kanya.

"Anong ibig mong sabihin, Tobias? Isang ngiting puno ng pait ang isinagot niya rito habang hinahaplos ang malambot nitong pisngi.

Mahigit isang taon na niya itong hindi nakikita mula nang umalis siya sa kanilang lugar. Madalian ang ginawa niyang pag-alis kaya hindi man lang siya nakapagpaalam dito, at sa lahat ng mga naiwan niya ay tanging ito lamang ang pinanghinayangan niyang mawala. Si Ella lang.

Flight of DreamsMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon