A faint clap of thunder
Clouded skies
Perhaps rain will come
If so, will you stay here with me?
***
Umuulan ng umagang iyon. Rainy season na and she hates rain. Ayaw niya ng feeling na nababasa ng ulan. Ayaw niya sa malamig na panahon na dala ng ulan. At dahil ayaw niya sa ulan, nagbulakbol siya. Imbes na dumiretso sa eskwelahan ay pumunta siya sa may park na malapit lang doon.
Sa may lagoon.
Sa may waiting shed.
Umupo siya roon at pumikit. Muli, ay nanariwa ang mga alaala sa kanya. Nakikita niya na naman ang mukha nito. Parang sirang-plakang paulit-ulit ang mga masasayang alaala na muli na namang nakapagpalungkot sa kanya. At ang hindi niya namalayan, ay ang muli na namang pag-agos ng mga luha. Ang muling pananariwa ng sakit sa kanyang puso.
"Miss?"
Napamulat sya at tumambad sa kanyang paningin ang nag-aalalang mukha ng isang lalaki. "Okay ka lang ba?"
Umayos siya ng upo at pinunasan ang mga luhang naglandas sa kanyang mukha. Pagkatapos ay matipid siyang ngumiti at tumango sa lalaki. Parang nag-aalangang ngumiti rin ang lalaki pagkuwa'y umupo sa kanyang tabi. Ilang sandaling tahimik lang nilang pinagmasdan ang pagpatak ng ulan hanggang sa marinig nila ang malakas na awitan ng mga bata.
Rain, rain! Go away!
Come again another day.
Little children wants to play.
Rain, rain! Go away!
"Alam mo? Hinding-hindi ko kakantahin 'yan." Napabaling siya sa nagsalitang lalaki. Nakangiti ito na nakatanaw pa rin sa ulan.
"Gustong-gusto ko kasi kapag umuulan. Sabi kasi ni Mama, blessing daw ang ulan." Sa puntong 'yon ay bumaling ito sa kanya na may ngiti pa rin sa mga labi. "Dinidilig ng ulan ang tigang na lupa. Whenever rain comes, it brought life back to earth. Kaya gusto ko ang ulan. I love rain."
Nakakahawa ang magandang ngiti nito kaya hindi niya namalayang napangiti na rin pala siya.
***
"Sana 'wag nang tumigil ang ulan."
Napalingon siya sa kararating lang na lalaki. May magandang ngiti na naman ito sa mga labi habang sinasara ang payong nito at umupo sa tabi nya.
"Good morning! Nandito ka na naman." Ngumiti lang siya bilang sagot dito.
"Hay! Ang ganda talaga ng araw ko kapag umuulan." Napangiti sya ng makita itong nakangiting nakapikit habang nakatingala. Nakakahawa ang ngiti nito at sa loob ng ilang araw na pagpunta niya rito ay parang nahahawa na rin siya sa pagkahumaling nito sa ulan.
***
"Umiiyak ka na naman."
Narinig niya ang malungkot na tinig ng lalaking mahilig sa ulan kaya napamulat siya at nakita nga niya itong malungkot na nakatunghay sa kanya. Ngumiti lang siya rito katulad ng parati niyang ginagawa at pinunasan ang kanyang pisngi.
"Alam mo? Mas maganda ka kapag ngumingiti ka. Pero sana, makita ko rin ang totoong ngiti mo." Mataman lang itong nakatingin sa kanya kaya hindi niya maiwasang mailang.
"They say that each heart has some pain. Only the way of expression is different. Some hide it in their eyes, while others hide it in their smile." At hindi niya maiwasang makita ang lungkot na sumungaw sa mga mata nito.
