BUWAN

39 3 0
                                    


BUWAN

Nagkita kami ng boyfriend ko sa isang kalsada sa Quezon City, sa tapat ng isang bar. Nagsusuka ako noon sa side walk dahil hindi ako sanay uminom. Siya ay nakasandal sa poste sa di kalayuan, naninigarilyo. Para siyang napapaliguan ng maputing ilaw ng poste, nakatitig sa 'kin habang parang nagsasayaw ang usok ng sigarilyo sa mukha niya. Nakangiti siya, tuwang-tuwang nakikita akong parang tangang malasing.

Alam ko na noon na call boy siya, naghihintay na may baklang maghihinto ng kotse sa tapat niya at agad siyang mag-aalok ng pekeng pag-ibig kapalit ng pera.

Pero nagsimula pa rin ang love story namin doon, at dito sa mumurahing motel sa Quezon city magtatapos ang love story na iyon ngayon.

"Para ka namang gago," sabi niya. Nakaupo ako sa kama habang palakad-lakad siya sa tapat ko. "Bigla-bigla kang makikipag-break."

"Hindi naman 'to bigla-bigla," sabi ko. "Hindi ko na lang kasi kaya na may babae ka."

Napailing siya. "Akala ko ba okay lang sa 'yo na meron akong babae?"

"Hindi pala okay," sabi ko. "Mahirap pala."

Noong una, okay naman talaga. Lalaki siya, hahanap at hahanap siya ng babae. Kaya sabi ko ayos lang na makipaglandian pa rin siya. Hanggang sa nagkaroon siya ng girlfriend. Hanggang sa hindi na niya ako halos i-chat dahil mas gusto niyang kausap 'yong babae. Hanggang sa napapadalas ang hingi niya sa 'kin ng pera para lang maregaluhan ang girlfriend niya kapag monthsary nila. Hanggang sa kapag nagme-make love kami, pumipikit siya na parang gustong burahin ang mukha ko sa harap niya, at palitan ng mukha ng girlfriend niya.

"Tang-ina mo wala kang isang salita," sabi niya.

"Bakit kasi ayaw mong hiwalayan? Kapag hiniwalayan mo naman, ayos na ko."

"Ayaw ko, eh. Paki mo," inis na sabi niya.

"Mas mabibigay ko ang lahat ng kailangan mo. Mas mahal kita."

"Mahal mo lang ako, pero babae pa rin siya, bakla ka pa rin." Hindi na ako nakapagsalita doon. Tumingin na lang ako sa mga kamay ko, kinutkot ko ang kuko ko. Walang nagsalita sa 'min kaya narinig ang malalim na hugong ng aircon.

"No'ng nagsimula tayo, ayos ka naman, a," sabi niya. "Ano'ng nangyari?"

Hindi ako nakasagot.

"Binibigay mo lahat ng gusto ko, walang kondisyon. Naalala mo paano mo ko nakuha? Paano mo ko nakumbinse na 'wag nang mag-callboy?"

Naalala ako.

***

Binalik-balikan ko siya sa posteng iyon, gabi-gabi. Lagi akong nagdadala ng pagkain para ibigay sa kanya. Kapag may lalapit sa kanyang bakla, itataboy ko. Sasabihin ko, "Lumayo ka, in the name of the Holy Spirit!" Tapos wiwisikan ko ng tubig galing sa bottled water ko.

Noong minsang nainis na siya sa 'kin, sinandal niya ko sa poste. Tinitigan. "Adik ka 'no? Ano'ng trip mo?"

"Sabi ko naman sa 'yo, ako na bahala. Ako na magbibigay sa 'yo ng pera, tumigil ka lang."

"Oo nga, nagbibigay ka nga ng pera, di ka naman nakikipag-anuhan. Misyonaryo ka ba?"

"Hindi," sabi ko. "Nag-aalala lang ako sa 'yo."

Ngumiti siya, lumitaw ang mga biloy sa magkabilang pisngi. Umiling siya. Tapos ay tinitigan niya ako nang mariin, nakikita ko na ang sarili ko sa mga mata niya. Umaabot na sa mukha ko ang mainit na hininga niya. "Ayos ka rin, eh, 'no? Ano ba pangalan mo?"

Wheel of NightmaresTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon