HULING PATAK
Ikaanim na Episodyo - Propesiya
Boss, sigurado ka bang ayaw mong magkuwento?" Kung may isang bagay man na hindi ko gagawin, iyon ay ang pagsasabi sa mga tao tungkol sa naging karanasan ko.
Tungkol sa masalimuot kong nakaraan. May mga bagay na ako lang dapat ang nakakaalam. Ang matibay na linya para sa hangganan ng bawat bagay ay isang masusing paraan upang mapanatili ang malusog na pagsasamahan.
Hindi ako handang magbigay tugon. Binigyang tango lang.
Pasado alas kwatro ng hapon nang nagkaroon ako ng lakas ng loob upang lumabas. Buong oras, tahimik na katabi ni Dam-dam. Sinubukan niyang magpatawa o gumawa ng nakaiinis na ingay. Walang dating sa akin. Sinuko niya rin ang ideya na abalahin ako. Ang pagkatulala sa dingding pagkatapos nang matinding pag-iyak ay ganap na natapos.
Hindi ako pinagtinginan ng mga kasamahan nang ako ay bumalik. Normal lang ang kilos nila. Hindi rin nag-abalang panoorin ang mga kilos ko. May ilang pilit na ngumiti. Sunod noon ay pagkukunwaring may ginagawang iba.
Bukod sa kagagaling sa iyak, wala akong lakas dahil sa wala ng laman ang tiyan. Kumakalam na rin. Habang bising nag-iisip ng paraan kung paano makakakuha ng pagkain, nakita ko ang pagsilip ni Chayo sa gawi ko. Mabilis siyang umirap.
Siya at si Mae lang ang maaari kong kausapin tungkol sa naiisip kong plano. Mapagkakatiwalaan sila. Ngunit sa estado namin ngayon, natutuyo na agad ang lalamunan ko sa simpleng pag-iisip na pakikipag-usap sa kanila. Ang lakas ng loob ay tila hindi mahanap.
Gayunpaman, natagpuan ko ang sarili na kausap si Mae. "Mabilis lang. Mamamatay tayo sa gutom. Bilang pangulo ng klase, gusto kong humanap ng paraan."
Naiiling na nag-iiwas tingin si Mae. Hindi ako magawang tingnan nang diretso. Isang tango ang ibinigay niya kasabay nang pagpihit-tingin kay Chayo na animo'y kanina pa kami pinanonood.
Lumabas kami sa silid-aralan. Wala na. Tuyo na talaga ang lalamunan ko. Hindi na alam ang sasabihin na sunod.
"Ano? Tutunganga lang ba tayo rito?" Ipinatong ni Chayo ang kaliwa niyang braso sa kanan. "Nagsasayang tayo ng panahon. Sabihin mo na ang plano mo, Nabi. Malapit nang dumilim."
Naglakas-loob akong tumugon. Alam kong may bagay pa ako na dapat ihingi ng tawad mula sa kanila. Pero mas importante ang pagkain. "Susubukan nating pumunta ng canteen. Titingnan natin kung may mga naiwan pang mga snacks doon. O kahit mga canned goods. Maitawid lang ang gutom para sa gabing ito."
Itinaas ni Mae ang kaniyang kamay. "Pero paano natin 'yon magagawa? Hindi natin sigurado kung ligtas na sa labas." Malumanay ang kaniyang boses. Gayunpaman, naroon pa rin ang tono ng mga natural na pinuno.
Tumunog ang dila ni Chayo. "Tama siya. Delikado pa rin sa baba. Hindi natin alam, may halimaw na pala roon."
"Halimaw?" Kumunot ang noo ko. "Anong halimaw? Ang ibig mo bang sabihin ay ang virus?"
Umirap siya. "Naniniwala ka pa rin ba sa konsepto ng normal na buhay ganitong naranasan na natin ang kagimbal-gimbal na pangyayari? Nabi, naubusan ka na ba ng common sense? Sampung araw ang lumipas sa hindi natin maipaliwanag na rason, hindi tayo sigurado kung totoong mundo pa nga it—"
"Totoong mundo ito." Dumiin ang aking boses. "Kung naniniwala ka sa sarili mong eksistensya, totoong mundo ito. Minsan nang may makapagsabi sa akin, kung nasaan tayo naroroon, iyon ang ating reyalidad. At sa palagay ko, mas may kabuluhan pa 'yon kaysa sa mga nangyayari ngayon."
"...lunatic." Muling tumunog ang dila ni Chayo.
Pumagitna si Mae at muli kaming nakabalik sa pinag-uusapan. "Kung gano'n, Nabi. May naiisip ka bang kukuha ng pagkain sa canteen? Hindi natin puwedeng hayaang pababain ang lahat. Delikado."
YOU ARE READING
Huling Patak (Self-Published)
HorrorMay 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapantay-pantay. Tatlong imortal na hari. Magkakaibang dugo sa kanilang mga kamay. Gamit ang marka ng demonyo, wawasakin nila ang sandaigdigan. Sa...