HULING PATAK
Ikasiyam na Episodyo - Pagsilang Sa Lahat
Paano nga ba talaga tayo totoong nananalo sa anumang uri ng digmaan? Pinangunahan ng mga squad leaders ang pagbibigay ng command sa mga kasapi. Sa hindi ko malamang rason, patuloy pa rin ang pagsisigawan ng mga halimaw. Ngunit hindi kami nito pinapansin.
Tumatakbo lang papunta sa dakong kanan. Para bang may pinagpi-piyestahan sila. Kaya naging madali ang paglabas ng ibang squad. Pinili kong mahuli kasama ang team Echo at Foxtrot.
Kauna-unahang lumabas ang Team Alpha at Charlie. Ngunit bago umalis ang squad ni Kai, nilapitan ko siya. "Tumungo kayo sa Unit ng R.O.T.C., may mga nakatagong M16 at M-1991 caliber, 0.45 pistol at 105mm howitzers. Gamitin n'yo 'yon bilang panangga. Pero hindi aatake."
"Captain, wala pa tayong proper training para sa baril. Delikado."
Minata ko ang lalaki. "Alam kong tinuruan kayo nang patago ng isang Cadet Officer buhat noong isang taon. Kasama mo noon si Kiel at ang iba pa rito. Kaya gamitin n'yo 'yon." Sandali akong huminto. "This isn't an order. This is a request."
Nakita ko pa kung paano kumibot ang labi ni Kai. Hindi siguro inasahan ang sinabi ko.
"Magkita-kita sa unang gusali patungo hilaga, limang daang metro sa kasalukuyang lokasyon. Hintayin ang bawat team! Huwag aalis hangga't hindi pa nakararating ang lahat. At hanggang kaya, hintayin nating makabalik ang tatlo nating kasamahan."
Iyan ang aking mga kataga bago sila paalisin. Dala-dala nila ang mga kandila na nakalagay sa mga supot. Bago ako lumabas ng silid, sinigurado kong walang naiwan. Pagtapak ng pasilyo, sakto noon ang biglang katahimikan.
Tumigil ang hiyawan ng mga halimaw. Tiningnan ko si Mae. "Umuna na kayo ng squad mo. Linisin ang daan. Ngunit hangga't maaari, iwasan sila. Hindi pa rin natin alam kung anong uri ng mga halimaw ito."
Tumango ang babae at pinayuhan ang mga kasapi na umuna na. Tumakbo sila papunta sa hagdanan.
Pumwesto si Santi sa'king likuran. "Hindi pa ba tayo aalis?" Kaba rin ang bumabalot sa kaniyang boses.
Umiling ako. "May kailangan lang akong makita."
Tumapat ako sa gawi ng mga halimaw na ngayon ay nakatayo lang habang dahan-dahang tinatahak ang daan. May nakapa akong matigas na bagay matapos hawakan ang loob ng isang paso. Bato ito.
Kung tama ang hula ko, hindi magiging problema ang pag-iingay.
Ibinato ko sa dingding ang hawak na bato. Kung saan-saan ito tumama at gumawa ng iba't ibang ingay. Ngunit walang ipinakitang ibang reaksyon ang mga halimaw.
Hindi hanggang sa may narinig akong tunog nang pagsinghot. Mula sa mahina, palakas nang palakas. At nang sumigaw ang mga halimaw na para bang handa ng basagin ang aming pandinig, masigasig din akong sumigaw. "TABI!"
Sinimulan ng mga kasamahan ang kanilang pagtabi. Naiwan akong nakasandal sa dingding. May ilang mga nakadapa dahil walang matinong ilaw sa paligid. Sa sobrang laki ng mga halimaw, nauna na silang nakababa ng gusali.
May ilang nagtamo ng sugat at galos dahil sa natapakan ng ilang mga halimaw ang katawan nang sila'y madapa.
Parang lumindol ulit sa buong gusali nang tumakbo ang mga 'yon. Naiwan kaming lahat sa itaas. Hinintay hanggang sa humupa ang hiyawan. Hindi rin namin magagawang makatakas mula sa sitwasyon kung makikisabay sa agos nila. Mas magiging delikado.
Nagtatakang lumapit si Santino. "Hindi ko naiintindihan. Bakit hindi nila tayo pinapansin?" Pumalibot ang aming mga kasamahan sa amin.
Napasuyod ang kaliwa kong kamay. "Kung tama ang hinuha ko, ang mga 'yon ay walang kakayanang makarinig at makakita. Base sa ginawa kong pagbato, hindi nila pinansin ang tunog na umusbong maging kung saan napunta ang bato."
YOU ARE READING
Huling Patak (Self-Published)
HorrorMay 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapantay-pantay. Tatlong imortal na hari. Magkakaibang dugo sa kanilang mga kamay. Gamit ang marka ng demonyo, wawasakin nila ang sandaigdigan. Sa...