HULING PATAK
Ikalimang Episodyo - Muhi
Pumalibot sa katawan ang malamig na tubig. Walang humpay sa pag-agos. Walang humpay sa paghampas. Ang masasakit na kuryente ng alon ay siyang gumigising sa isip. Napagtantong gusto pang mabuhay.
Sinubukang kontrahin ang daloy. Pumapalagpalag ang kamay sa ilalim. Ngunit ito'y walang silbi kahit na isabay pa ang kumpas ng paa. Masyadong malakas ang sapak ng karagatan.
Sa dinami-daming tubig dito, ang pinakanangibabaw ay ang aking luha. Aktong tanggap na ang kapalaran. Ang maling paraan nang pagkamatay. Hinayaang lumurin ang sarili pailalim sa madilim at sikip na pook. Kung saan siguro ako ay tunay na nabibilang.
Kung saan walang nakaaalam na ako ay lilisan na sa mundo. Ang huling patak ng luha sa dakong kanan ng mga namumuhay. Patungo sa malirip na kamatayan na nasa kaliwa.
Ngunit gayundin, sa wakas ay napagtantong ako ay nasa gitna ng kamatayan at buhay. Iminulat ang mata at desididong lumangoy paitaas. Siyang bilis ng liwanag ang pagsipa ng paa at paghawi ng kamay.
Ang pagkawala ng pag-asa sa buhay ang siyang naging kakampi upang galingan ang laban. Ang siyang nagturo na humanap ng rason upang mamuhay.
Kung kaya't ang taong namumuhay para sa sarili ay mas matimbang kaysa sa mga namumuhay para sa iba. Subalit hindi lahat ng tao ay kayang gawin ang nauna; darating ang tamang panahon.
Ngunit kahit gano'n, daig ng mga taong namumuhay nang may rason ang taong desidido lang. At sa puntong ito, ako'y desidido lang mamuhay.
Sa paglapit sa lupa'y pagyanig nito. Malakas na nanginig ang kabundukan. Nagsimulang bumagsak ang mga malalaking bato. At sa aking posisyon, narito parating ang tatama sa akin.
Kumakabog ang aking dibdib nang imulat ang mata. Itinaas ko ang tingin at nakita ang silid-aralan. Sinubukan kong pumitik ngunit ang kamay ay nahawakan ni Corazon. "Nananaginip ka."
Tiningnan niya ako sa mata. Aktong binabasa ako.
"Hindi 'yon panaginip. Talagang nangyari 'yon."
Inalis ni Corazon ang pagkakakapit sa aking kamay. "Pero, Nabi. Ang reyalidad ay kung nasaan ka. At sa mga pagkakataong ito, ito ang reyalidad." Umupo siya sa katabing silya. "Gano'n ang depenisyon ng reyalidad sa'kin."
Aking minata ang babae. "Sinasabi mo bang ang reyalidad ay nakabase sa kasalukuyang pinanlalagian ng tao? Kung ako ay nananaginip at nasa mundo nito, ibig sabihin ba'y 'yon ang aking realidad?"
Nagkibit-balikat si Corazon habang pasimpleng ngumingiti sa kawalan. "Ang panaginip ay reyalidad, nasabi ko na 'yan sa'yo."
Hindi ako umimik pabalik. Tiningnan ko ang silid-aralan at napansing nawawala ang mga kasamahan. "Nasaan sila?"
Bumuntong-hininga si Corazon. "Akala ko ba'y gusto mong malaman ang mga nangyayari ngayon. Hindi ka na ba interesado?" Nakapalumbaba siyang lumingon sa'kin.
Hinawi ko ang buhok. "Interesado." Bago magpakawala ng hangin. "Katulad na lang kung paano nangyaring lumipas ang sampung araw nang ganoon kabilis. Kung ano 'yong sinasabi mong pangitain. Ang alam ko, hindi 'yon totoo."
Simula't sapul, mababa na ang boses ko. Malagong ito kung malagong. Lalo na kung nasa kulong na silid. At sa pagkakataong ito, ang dagundong ng boses sa bawat salita ay naririnig nang malinaw.
"Sa simula, sadyang magulo talaga." Nagbigay ng ngiti si Corazon. Iyon ay kaniyang ipinaskil sa mukha upang bawasan ang gulo ng aking isip. "Pero hindi ba't ganoon ang buhay? Katiting lang ang alam natin. Kaya ang bawat pagtuklas ay may katumbas na pagkagimbal."
YOU ARE READING
Huling Patak (Self-Published)
TerrorMay 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapantay-pantay. Tatlong imortal na hari. Magkakaibang dugo sa kanilang mga kamay. Gamit ang marka ng demonyo, wawasakin nila ang sandaigdigan. Sa...