Ikatlong Episodyo

103 12 0
                                    

HULING PATAK

Ikatlong Episodyo - Buntala

Hindi lang dapat kamatayan ang kinatatakutan ng mga tao. Kung ano ang kabang nararamdaman sa tuwing maririnig ang salitang iyon ay siya ring dapat madama sa tuwing makakasaksi ng buhay. Dahil kung walang buhay, walang kamatayan. Kung walang kamatayan, walang buhay. Ito ang nagpapaikot sa mundo.

Ang kilabot sa dilim ng apoy ay kakambal ng sugat ng tagumpay. Parehong sanhi nang pag-urong at sulong ng mga namumuhay. Sila ang siyang nagpapagalaw sa sanga ng puno, nagpapaagos ng tubig sa bukal, ang naghahabi ng hangin, at ang bumabalanse sa ating lahat.

Kung kaya't sa oras na ang isa ay manaig, ang mundo ay puwedeng gumuho. Ang pantay na koordinasyon ay mawawasak. Kailangan natin ng pagkakapantay-pantay.

At ang nangyayari sa paligid ko ngayon ay isang pangitain na ang mundo ay nawawala sa gitnang linya. Tila naging mahaba ang sampung segundo na iyon. Ang animo'y walang katigilan na karimlan.

Sa hindi inaasahang pagkakataon din, may nagpakitang pitong buntala sa madilim na langit. Kapwa itong nag-aapoy na parang ningas sa pugon. Ang nagliliyab nilang katangian ang siyang naging hudyat upang bumalik sa dati ang lahat. Hindi kalayuan sa aking posisyon ay may nakitang babaeng nakasuot ng kulay lila na roba. Tanging ngisi lamang ang kaniyang ibinigay sa akin. At ang kaniyang parteng mata ay natatabunan ng saklob.

Lumiwanag ang kalangitan at natagpuan ko ang sarili na nakatitig sa kawalan. "Panaginip na naman."

Panaginip sa kalagitnaan nang pagiging gising.

Paika-ika akong lumakad patungo sa underground room. Mukhang hindi pa rin ligtas sa labas kahit na humupa na ang sigawan ng mga kabataan sa kabilang direksyon. Hindi naman ito ang unang pagkakataon na takutin kami ng mga may galit sa paaralan. Madalas na ginagawa nila ito upang mambulabog. Ngunit ngayon ko lang silang nasaksihan na handang pumatay.

Tatlong katok sa pintong bakal at agad na bumukas ang maliit at parihabang silipan dito. "Sino iyan?"

"Ako ito, Chayo."

Narinig ko ang pagkakakalas ng kadena na nagsisilbing lock ng pinto. Umawang ito pabukas at sinalubong ako ni Chayo nang nakakunot ang noo. "Hindi ako makapaniwala sa'yo, Nabi. Sana ay sinabi mo man lang sa amin. So, what is it this time? Playing heroic again?"

"Hindi ko magagawang ipahamak ang buhay ninyo. Isa pa, sapat na ang takot na idinala ko. At hindi, hindi ako nagpapakabayani rito. Ginawa ko lang ang sa tingin ko ay tama at pinakamakabubuti sa lahat." Akma akong papasok ngunit ipinangharang niya ang kaniyang braso.

"Alam kong hindi maayos ang pagsasamahan nating dalawa. But, can you please—at least once, think of yourself? This wasn't the best idea, Nabi. Hindi ito." Bahagyang kinagat ni Chayo ang kaniyang ibabang labi.

"Sabihin mo sa akin, kung hindi dahil sa naging desisyon ko ay baka nasa panganib na rin kayo. May armas ang lalaking—"

"Exactly the point."

"Hindi, Chayo. Kung ipinaalam kong may lalaking humahabol sa atin, makakapag-isip ba kayo nang tama? Makakagalaw agad kayo nang mabilis? Sa pagdami ng mga kasamahan natin na mawawala sa wisyo ay sa pagdami nang iisipin na ililigtas. At hindi natin magagawang iligtas ang lahat."

Natahimik siya nang ilang segundo. "Parang sinabi mo na rin pala na handa kang mamatay. Na parang walang nag-aalala sa iyo. You can't even trust us." Inirapan niya ako at itinagkal ang pagkakaharang sa daan.

Hindi ako nagbigay ng tugon. Nagpakawala ako ng hangin at hindi na sumagot pa. Pumasok ako sa pintuan nang paika-ika at pinaunlakan ako ng madilim na parte ng silid. Minabuti kong hawakan ang handrail ng hagdanan at bumaba.

Huling Patak (Self-Published)Where stories live. Discover now