HULING PATAK
Unang Episodyo - Hininga
Sa pagitan ng 'yong kaluluwa at katawan, naroon ang paghinga. Ito ang nagsisilbing tulay ng laman sa lupa at kamatayan sa kaliwa. Ang mismong naghahati sa dalawang nagtutunggali—naglalaban para sa iisang pithayà. Ang mithiing makuha ka. Kaya kahit anó mang mangyari, sa gitna ka manatili. Nang sa gayon, walang magwagi.
Pinilit kong labanan ang inis na idinudulot ng tsuper sa dyip. Kung sanang hindi nasira ang kotse namin na minamaneho ni Mang Isbien, komportable na ang lagay ko. Hindi mag-aabalang pakinggan ang kadugyutan ng salita ni manong sa gilid. Sumakay na lang dapat ako sa taksi, aircon pa roon.
"Anak ng tokwang mga rallyista, wala nang ginawa kung 'di magreklamo. Wala namang ambag sa lipunan." Sinabayan pa nang pag-iling ng ulo ang kaniyang pananalita. Tirik na tirik na nga ang araw, sumasabay pa ng init ng ulo ko sa matanda.
Minabuti kong isaksak ang earphone sa tainga. Pero mahina lang ang tugtog ng music. Gusto ko ring pakinggan ang tsismis ng dalawang ale sa likuran.
"Kinikilabutan nga rin ako dahil sa sinabi ni Madame Pantie. Delubyo raw ang hatid ng kasalukuyang taon."
"Oo! Lagi pa man ding tama ang hula ng matandang 'yon. Bilin ko nga sa anak ko sa abroad ay laging mag-ingat. Balita ko, buong mundo raw ang maaapektuhan ng unos."
Hindi sinasadya, lumingon ako sa gawi nila. Pero sakto rin naman noon ang mabilis na pagtapak sa preno ni manong. Nawalan ako ng balanse sa katawan at muntik nang mauntog sa may kahera ng dyip. Mahigpit ang hawak ko sa bag at mabilis ko rin itong ipinangharang sa kauuntugan.
Mahina akong napamura. Gumawa ng maliit na komusyon ang nasa loob kontra sa nagmamaneho. Pero nabaling ang atensyon ng mga 'yon sa tumatakbong babae. Nakasuot pa ng hospital gown. Pansin din ang humahabol sa kaniya.
Pinanood ng mga pasahero sa likod ang nangyaring habulan. Dagdag sa bigat ng trapiko kaya lumakas ang busina ng mga kotse at dyip. Inis akong lumingon sa kanang bahagi. Nasa may Del Gallego General Hospital na kami. Katabi nito ang mabaho at nag-iisang City Jail ng lungsod ng Del Gallego. Pinaniniwalaang siksikan sa bawat selda ang humigit-kumulang isang daang katao.
Nagklik ang dila ko nang dapuan ng masangsang na amoy ang ilong. Sumasalamin sa bulok na pamamahala ang bulok na presinto. Ang kinakalawang na rehas, kakambal ang deheneradong sistema nang pamamalakad.
Nagpasya akong bumaba ng dyip matapos makita ang maliit na banggaan sa unahan. Sa kabilang kanto, naroon na ang paaralan ko. Lalakarin ko na lang imbes na magsayang ng oras.
Masama ang loob ko habang tinatahak ang kalsada. Umagang- umaga, ganito ang bungad sa akin ng araw. Tiningnan ko ang relo, pasado alas sais y media. Nilakihan ko ang bawat hakbang hanggang sa magyelo ang aking paa.
Ang babaeng kaninang tumatakbo, nasa harap ko. Napatigil din siya nang makita ako. Lumingon siya sa aking gawi. Biglang tumigil ang aking paghinga. Ilang segundong ganoon ang posisyon namin.
Alambre ang buhok niyang may ilang puting hibla. Walang kulay ang mismong mukha. Namumuti ito maging ang labi. Kulubot ang noo at malalim ang hukay ng panga. Ang mga mata'y namumuti. Napaingos siya sa likuran at laking inis nang makita ang mga humahabol.
Kasing bilis ng kidlat ang kaniyang paglapit. "Itago mo ako!" Hinawakan niya nang mahigpit ang tig-kabila kong braso. Bumaon ang kaniyang kuko sa suot kong Monday uniform. Ngunit parang may kuryenteng dumaloy sa pagitan namin kaya kusa kaming nagkahiwalay.
Ilang segundo pa ang kinailangang lumipas para lang mapagtanto na nasa mismong harapan na ang babae. Napalunok ako at nanatiling estatwa ang katawan. Napakurap hanggang sa pigil na pigil na ang paghinga.
YOU ARE READING
Huling Patak (Self-Published)
HororMay 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapantay-pantay. Tatlong imortal na hari. Magkakaibang dugo sa kanilang mga kamay. Gamit ang marka ng demonyo, wawasakin nila ang sandaigdigan. Sa...