HULING PATAK
Ikasampung Episodyo - Ako Ang Paghinga
Wala raw dapat akong katakutan. Dahil mula nang isilang ako ni mama, naging maayos ang buhay namin. Ako ang kanilang itinuring na anghel na ipinagkaloob ng langit. Pinaniniwalaang may taglay akong kakaibang abilidad.
"All we have to fear is fear itself."
Sa murang edad, ito lagi ang ipinapaalala ni papa. Paboritong-paborito ang linya ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Franklin Roosevelt. Sa puntong ikukwento niya sa akin ang kasaysayan ng nasabing bansa sa panahon ng termino nito.
Ang pagkatakot ay nagbibigay ng limitasyon sa buhay ng tao. Ayaw niyang danasin ko iyon. Nais niyang mamuhay ako nang hindi nalilimitahan ng kung anuman o ng kung sinuman.
"Be yourself. Everyone is already taken."
Isisingit niya pa 'yan bago ako matulog sa gabi. Hahalikan ako sa noo at sasabihin kung gaano niya ako kamahal. Kung gaano siya kasaya na makuha ako bilang kaniyang anak.
Subalit, sa bawat pagkakataon na mag-uusap kami ni papa, ni minsan ay hindi ako ngumiti. Ni minsan ay hindi ko naintindihan ang kaniyang ipinupunto. Pakiramdam ko, kontrolado ako. Para bang ang gusto niya ay maging perpekto akong anak. Walang kinatatakutan at malakas palagi. Handang magpakatotoo sa bawat bagay kahit hindi naman kailangan.
"Ako lang dapat ang tatawag ng Nazaire Biel sa iyo. Pag-aari kita."
Ikapitong kaarawan, binanggit ng papa 'yan. Nainis siya sa mga kamag-aral ko na tinatawag ako bilang Nazaire Biel. Dito nagsimulang mamuo ang mas makakapal na ulap. Bawat araw, madilim ang kalangitan. Tila ako'y nawalan na ng gana. Hindi ko na nakilala ang sarili ko. Sino ba ako? Saan na napunta ang mga pangaral ni papa na pagpapakatotoo sa sarili. Kung siya mismo ang nagdidikta sa akin kung sino ako at kung ano ang dapat kong gawin.
Isa siyang malaking kasinungalingan.
Sa kabila noon, hindi ko ipinapahalata sa kaniya ang aking nararamdaman. Lagi namang narito ang mama ko. "Nagagandahan ka ba sa pangalan mo?"
Lumingon ako kay mama na naghahanda ng mga cookies na kakainin para mamaya. "Po?" Hindi rin sigurado sa tinanong niya.
"Maganda naman, 'no? Pero gusto mo ba?" Hinubad ni mama 'yung apron at lumapit sa akin sa sofa. Tinabihan niya akong manood ng Sailor Moon.
Kinagat ko ang ibaba kong labi. Sabi naman kasi nila mama, maganda nga 'yong pangalan ko. Hango raw sa pangalan ni St. Nazareth. Kaso 'di naman ako mukhang santo. Ang pagbigkas naman sa Biel ay "BI-EL" na tumatayo sa pariralang: "Be Loved."
Nanatili tuloy akong tahimik habang si mama naman ay parang nililipad ang utak.
"Nabi..." Nakatingin si mama sa kawalan. Animo'y may pinanonood doon na maganda. Nagniningning ang kaniyang mga mata habang ulit-ulit na binabanggit ang salitang nabi.
Pinanood ko siya hanggang ito ay huminto. Ikiniling ko pa 'yong ulo ko. "Ano po 'yon, 'ma?"
Pinaghandugan niya ako ng ngiti. "Nabi. Napakagandang pangalan para sa batang katulad mo."
"Po?" Isiningkit ko ang aking mata. Kung sa ibang magulang siguro, maaasar na sila sa akin dahil ang hina ng pandinig ko. Teka, ilang beses na ba akong nagpo ngayon? "Nabi po ang pangalan ko?" Inosente akong tumitig sa kaniya habang nakangisi siyang tumatango.
"Ang kahulugan niyan ay mariposa. Simbolismo ng ating kaluluwa at muling pagkabuhay." Nagagalak si mamang yakapin ako. "Mula ngayon, Nabi na ang itatawag ko sa'yo." Hinalikan niya ako sa ulo. Ngunit bakit naramdaman ko na may pinahi siyang luha mula sa kaniyang mukha?
YOU ARE READING
Huling Patak (Self-Published)
HorrorMay 25, 2021 [VOLUME I - C O M P L E T E D] *** Ang hinaharap ng tatlong kaharian ay nakapako sa pagkakapantay-pantay. Tatlong imortal na hari. Magkakaibang dugo sa kanilang mga kamay. Gamit ang marka ng demonyo, wawasakin nila ang sandaigdigan. Sa...