Ikapitong Episodyo

91 11 0
                                    

HULING PATAK

Ikapitong Episodyo - Karimlan

Ipinako ko ang tingin sa dalawang babaeng nagsasalita sa unahan. "Ano ang sinabi n'yo? Pakiulit. Hindi pumapasok sa isip ko. Hindi ko maiproseso"

Nilinaw ni Dinela ang kaniyang lalamunan. "Gusto naming sumama bilang volunteer sa pagkuha ng pagkain sa canteen."

Ngumiti si Cza. "Gusto naming ibalik 'yong tulong na ipinagkaloob n'yo sa amin sa gan'tong paraan. You all saved us twice. Mula ro'n sa humahabol hanggang dito sa pagpapatuloy n'yo sa amin."

Alam kong gusto nilang tumulong. Pero hindi ko maiproseso ang mga sinasabi nila. Masyadong delikado. "Mga—babae kayo."

Tumango si Dinela. "Pero sa lagay natin ngayon, wala nang linya sa pagitan ng babae at lalaki. Sa umpisa pa lang, dapat wala na ito. Kaya hayaan mo—niyo, kami na patunayang kaya rin namin 'to."

"Hindi sa minamasa namin ang salita mo, Nabi. Pero gusto naming bumawi." Tuluyang winakasan ni Cza ang kanilang pagpipilit sa simpleng pagtitig sa'king mata.

Tama sila, wala dapat na dingding sa pagitan ng lalaki at babae. Kung ano ang kaya naming gawin, t'yak na magagawa nila. Ngunit, hindi 'to ang tamang panahon upang patunayan nila 'yon. Pinagdududahan kong makakaya nilang harapin anumang humarang sa kanila. Kahit naman sino, pagdududahan ko. Ang tiwala sa kasamahan, dapat unang dumarating. Pero hindi ko kayang pilitin ang sarili nang ganoon na lamang.

"Gusto kong humingi ng tawad. Pero nagdududa ako. Subalit, kung ito ang tunay n'yong nais, wala ako sa posisyon upang hadlangan kayo. Mas kilala n'yo kung sino kayo. Ang magagawa ko na lang ay magtiwala. Susubukan ko."

Hindi mawaglit sa isip ang kapahamakan naghihintay sa ibaba. Nagdedebate ang puso at isip ko. Ngunit ako ay nakapagbigay na ng salita. At kailangan ko 'yong panindigan.

Sa mga oras na wala tayong makapitan, ang pundasyon ng pagtitiwala ang isa sa pinakamabisang sandata upang magwagi. Dahil ilang sako ng katapangan ang kailangang bitbitin upang ang isang tao ay umani ng tunay na pagtitiwala.

May umisod na silya dahilan upang gumawa ito ng tunog. "Pinipili n'yo ang kamatayan."

Lumingon ako at nakita si Rupert na napuno ng pasa dahil sa mga suntok ko. Nakangisi siyang pinagmamasdaan ang dalawa. Sigurado akong may nalalaman si Rupert sa mga nangyayari ngayon.

Inalis ng lalaki ang mga nakapalibot na gamot sa kaniyang mukha. Itinapon n'ya 'yon eksakto sa aking harap. Ngunit bigong tamaan ako. Pinasadahan ako ng titig na may malaki pa ring poot at pagkamuhi.

"E, bumaba na kayo. Nagugutom na ako."

Mapanuksong tumawa si Rupert. Siningkitan ko siya ng mata. Ano ba talaga ang gusto nito? Para bang naghahamok ng gulo.

"Basta, siguraduhin n'yo lang na may dala kayong pagkain pagbalik. Kahit huwag na siguro kayo, ang pagkain na lang. Hindi ko naman kayo kakilala."

Bumalik siya sa pagkakaupo at maangas na itinaas ang kaniyang kamay—nag-uunat ng braso. Bahagyang humakay na animo'y tamad na tamad nang mamuhay. Muli siyang tumitig sa dalawang babae.

Gayunpaman, hindi maipinta ang kanilang reaksyon. Natatakot? Nagagalit? Naiinis? Hindi rin sigurado kung nais ng umatras.

"Bukod sa naka-lock ang canteen, masisigurado n'yo bang makakabalik kayo ng buhay? At kung oo, may dala ba kayong pagkain. Dumilim na sa labas. Wala tayong flashlights maliban sa mga cellphone nating mahina namang magbigay ng ilaw."

Suminghal si Rupert pagkatapos. Pinipigil ko ang sarili na hindi magsalita.

"Sabagay, kaysa naman mamatay kami sa gutom. Ayos na ang sakripisyo, 'no? Sino ba kayo? Mga dagang kinupkop ng magaling na si Nabi."

Huling Patak (Self-Published)Where stories live. Discover now