Nagising ako dahil sa malakas at sunod-sunod na ubo ni Papa. Maliksi akong bumangon mula sa kama at nagtungo sa kusina para magpakulo ng tubig. Ilang araw na siyang ganito kaya hindi siya nakakapasok sa trabaho.
"Sien!" tawag sa akin ni Mama mula sa kwarto nila.
"Opo, heto na po!"
Nang kumulo na ang tubig ay nagsalin ako nang kaunti sa isang tasa at hinaluan iyon ng hindi mainit na tubig para maging maligamgam. Natapunan pa ako ng kaunting tubig dahil nanginginig ang kamay ko sa pagmamadali na madaluhan sila sa kwarto.
Lumabas naman si Mama at alam kong ginawa niya iyon dahil hindi niya kayang makita na nahihirapan nang ganito si Papa. Naiintindihan ko 'yon. Ako rin naman, ayaw ko.
Inabot ko kay Papa ang baso at inalalayan siya sa pag-inom. Ngumiti siya sa akin pagkatapos, nagpipigil ng parating na ubo. "Salamat, anak."
Hinagod ko ang likod niya para mahimasmasan siya. Hindi ako sigurado kung makatutulong pero kumuha ako ng espesyal langis na ginagamit sa panghilot at binahiran na rin siya noon. Kapag kasi may masakit sa akin, ihihilot nila sa akin 'yon at bubuti ang pakiramdam ko.
"Wala ka bang pasok niyan? Bakit mo ako inaalagaan imbes na kumain at maligo na?" tanong ni Papa.
Mukhang napreskuhan ang pakiramdam niya sa hilot ko dahil ilang minuto rin siyang natigil sa pag-ubo. Buti naman, dahil ako na ang nasasaktan para sa kaniya.
Umiling ako bilang sagot sa tanong niya, "Hindi muna po ako papasok. Isang araw lang naman at unang araw ng klase ngayon... pwede kong ipagpaliban. For sure, introduce yourself lang ang gagawin tapos buong araw ay free time."
Hinawi ni Papa ang kamay ko. "Huwag mong sabihing hindi ka papasok nang dahil lang sa akin, anak. Pumasok ka! Kaya nga kami nagtatrabaho ni Mama mo para makapasok ka sa eskwela."
"Isang araw lang naman, Pa."
"Kahit na!" pagmamatigas niya.
Napalakas ang boses niya roon, siguro'y nangati na naman ang lalamunan kaya muli siyang inubo. Napapikit na lamang ako para kahit naririnig ko, hindi ko mapanood ang paghihirap niya.
"Pumunta tayo sa barangay. Libre lang ang check-up doon, Papa. Matutulungan pa tayo ng panganay ni Aling Vilma doon, kakilala tayo. Pumunta na tayo ngayong araw para lumipas na. Masyado na pong matagal ang ubo niyo."
Pumasok si Mama sa kwarto at nakita kong nakaligo na siya. Handa na siyang pumasok sa trabaho. Sa ayos niya ay hindi aakalain ng kahit sino na nakikipagtrabaho siya sa isang tindahan sa palengke dahil palaging maayos ang pagdadamit niya. Maging ako at si Papa ay hindi niya hahayaan na lumabas nang hindi presentable ang suot.
"Sige, Sienna. Samahan mo muna ang tatay ngayong araw. Ako ang liliban bukas at mag-aalaga sa makulit mong Papa." malambing ang tono ni Mama sa pagsasalita. Lumapit siya sa amin at una akong hinalikan sa pisngi, pagkatapos ay si Papa.
"Ang titigas ng ulo ninyo talaga. Huwag niyo akong aalalahanin. Simula ngayong araw na ito ay wala nang liliban sa eskwela o trabaho!" sabi pa ni Papa.
Natawa na lang ako na kami pa ang sinabihan niya na matigas ang ulo, e siya itong hindi marunong makinig sa amin na para naman sa kapakanan niya.
Wala na rin namang nagawa si Papa. Hindi niya ako mapipilit na pumasok sa eskwela kung hindi ako gagayak at hindi magbibihis ng uniporme kahit na marami pang oras.
Sumisikat pa lang ang araw sa labas. Sobrang napaaga ang pagsumpong ng ubo ni Papa ngayong araw, ah. Talaga palang ginising kami ng ubo niya sa kalagitnaan ng gabi. Kung ako ay masakit ang pakiramdam sa puyat, paano pa kaya si Papa na may sakit?
BINABASA MO ANG
As the Chains Fall
Romans[ESCADEJAS SERIES #1] Eros Jaireh Escadejas lives in a world that suits him perfectly, where everything is already laid out in front of him. He was destined to not have to worry about anything because his family is powerful enough to solve all of hi...