Chapter 1

899 56 77
                                    

Malamig, sobrang lamig. Hindi ko mawari kung ako ba ay nasa ibang mundo dahil sa kakaibang nararamdaman ko.

Sumabay pa ang sakit ng aking ulo na pakiwari ko'y nadaganan ng kung ano. Ramdam ko naman na wala ako sa aking higaan at para bang magaspang ang aking kinalalagyan.

Hindi ko maidilat ang mga mata ko dahil para bang kusa itong nagsara at hindi na mabubuksan pa.

Kumapa ako sa aking paligid, dahan-dahan at pinapakiramdaman ang bawat mahihipo ng aking mga kamay. Tumagilid ako mula sa pagkakatihayang higa. Bigla naman akong nakalanghap ng alikabok. Sa puntong iyon ay napaubo ako na naging dahilan ng daglian kong pagbangon.

Nang maimulat ko na ang dalawa kong mata, isang matinding liwanag na nanggagaling sa araw ang tumama sa mga ito. Para akong nabubulag pero unti-unti, lumilinaw ang paligid.

Napaisip ako sa mga nakikita ko, nasa loob ako ng Intramuros?

"Paano ako napunta rito?" ang takang-taka kong tanong sa sarili.

Masakit ang aking tagiliran at mukhang may pilay ako sa aking mga paa. Kaya naman dahan-dahan akong naglakad papunta sa ilalim ng punong acacia.

Hindi ko man lang namalayan na may bayong pala sa aking paanan. Kinuha ko ito dahil sa akin ang bayong na iyon.

Naupo ako sa isang malaking bato at isinandal ang aking ulo sa puno. Nakagat pa ako ng hantik na nagpasigaw sa akin.

"Lintik na mga langgam na 'to! Walang hiya!" ang galit kong sabi habang pinapagpag ang aking saya.

Lumipat ako ng pwesto sa ilalim ng veranda paakyat sa pader ng magiting na Intramuros. Maayos ang aking kinalulugaran, hindi masyadong malamig at dama ko ang init ng pader.

Nabaling naman ang aking pansin sa dala kong bayong. Hindi ko alam kung bakit ito nasa akin dahil ginagamit ko lamang ito kapag namimili.

Dahil sa pagtataka sa kung ano ang laman ng bayong, tinanggal ko ang pagkakatali nito at saka dinukot ang laman.

Nabigla ako nang magkalat ang mga papel sa lupa. Sa tantsa ko ay aabot sa higit dalawampu ang bilang nito. Wala sa isip ko sa mga oras na 'yon kung ano ang nilalaman ng mga papel. Inisip ko na importante ang mga papeles kaya kaagad kong dinampot at inayos.

Sa pagpapatong-patong ko sa mga papel, kapansin-pansin ang kalumaan nito at ang pagkalagas ng ilang parte. Pero ang mas nakaagaw ng aking pansin ay ang isang papel na may guhit na kung anong bagay. Mukha itong bilog pero kalahati lang ang nakaguhit sa papel. Mukhang napunit ito dahil hindi kumpleto ang imahe.

Hinanap ko ang napunit na parte ng papel dahil baka likha ito ni Padre Inocencio na mahilig gumuhit ng kung anu-ano.

Nakailang balik na ako sa mga papel pero hindi ko mahanap ang parteng magdurugtong sa kabuaan ng imahe. Pinabayaan ko na lang ito at ibinalik sa loob ng bayong ang mga papel at saka tumayo para umuwi na sa monasterio.

Pero muli akong napaisip nang makatayo na ako. Ano ang ginagawa ko sa loob ng Intramuros na tinatahanan ng Gobernador-Heneral? Isa itong panghihimasok at paglaban sa Espanya.

Doon ako nakaramdam ng takot at nagpalinga-linga sa paligid dahil baka ako ay mahuli ng mga Guardia Sibil. Hindi pa ito ang tamang panahon para ako ay mahuli dahil magsisimula palang ang aking plano sa pakikidigma.

Marahan akong naglakad habang paika-ika papunta sa pinaka malapit na istasyon ng mga sundalo. Natanaw ko na walang tao roon. Matagal ko na ring pinag-aralan ang kabuuan ng Intramuros at alam ko ang pinakamahinang parte nito.

Alam ko rin kung saan ako makakalabas-pasok sa lugar kaya madali na lang ang gagawin kong pagtakas.

Planado na ang lahat noon pa. Binuo ko ng halos dalawang taon ang aking planong paghihiganti at pagpatay sa Gobernador. Makita at mahawakan ko lang ang leeg niya, masaya na ako at maaari na ring sumunod sa namayapa kong ama na si Padre Inocencio.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon