Chapter 19

109 11 8
                                    

Kung may isang bagay ang hindi ko kayang gawin bago ako lumisan sa mundo, ito ay ang sumuko. Wala sa aking katauhan ang bibitaw na lang at hayaang daigin ng kalaban o ng sinuman. Tarakan man ako ng daang espada sa aking dibdib, babangon at babangon akong muli para lumaban hangga't kaya ko.

Sa aking utak, kung ito man ang huli kong magiging laban ay ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya maipakita lang sa kalaban na kaya ko silang tapatan. Kahit na may kapangyarihan ito tulad ng aking kaharap ngayon na si Agent Damian. Nagkukulay pula ang mga mata nito habang naglalagablab ang kamao dahil sa kapangyarihang apoy.

Mabilis ko siyang sinugod habang nakaturo ang dulo ng aking espada sa kanya. Ilang hakbang na lang ay masasaksak ko na sana siya nang makaiwas siya at hinawakan ang espada ko gamit ang kamay niyang nag-aapoy. Pinilit kong agawin ang espada ko ngunit sadyang malakas siya. Binitawan ko ang pagkakahawak doon at sinubukang sakalin siya ngunit napaso ako sa napaka init niyang balat. Napaatras ako kasabay ang pagsugod ni Math sa loob ng hall. Hindi ko na napansin kung saan pumunta si Math. Siguro'y pakay niya ang Majestic Judge.

"Traydor ka! Isa kang kahihiyan para sa iba pang Red Outcast!" sigaw ko kay Agent Damian na bitbit ang aking espada. Nakangisi ito sa akin at tila nagyayabang sa kanyang kapangyarihan.

"Hindi ako traydor, Ino. Mali ka sa'yong iniisip," saad nito habang dahan-dahang lumalapit sa akin. Hindi ko siya maintindihan. Hindi ba't nakikipagsabwatan siya sa mga hukom para pumatay? Isa itong kalokohan.

"Kung sa tingin mo ay maloloko mo ako, nagkakamali ka! Kitang-kita ko ang ginagawa niyo sa lugar na ito. Sabihin mo, kanino ka ba talaga umaanib?" pang-aamok ko sa kanya. Alam kong wala akong panapat na kapangyarihan sa kanya pero tamaan ko lang siya ng aking espada ay magagawa ko nang mapuruhan siya.

"Hindi kita nililinlang, Ino. Hindi ba't nangako nga ako sa'yo na tutulungan kitang makapasok dito? Ito na, you are welcome... always welcome. Buksan mo lang 'yang isip mo at makikita mo kung bakit nangyayari ang mga ito."

Sa kanyang mga sinasabi, hindi ko alam kung ito ba ay aking paniniwalaan. Unang-una sa lahat, kailangan ko ng paliwanag kung ano ang mga nakita namin ni Math. Isa itong stronghold ng NRF at nagawa nila itong pasukin na walang kahirap-hirap pwera na lamang kung may lihim na agenda ang paksyon na ito kasabwat ang isa sa mga Majestic Judge.

"Ano, Ino? Handa ka na bang malaman kung ano ang katotohanan?" nagbago ang boses nito at tila isang demonyo ang aking kaharap at kausap. Nauubusan na ako ng pasensya at gusto ko na itong tapusin.

Susugod na sana ako nang biglang may sumigaw sa aking pangalan. Napalingon ako sa itaas ng hall kung saan nakita ko roong nakagapos at nakabitin ng patiwarik si Agent Damian. Kinurap ko pa ng isang beses ang aking mga mata dahil akala ko'y namamalikmata lamang ako pero hindi ako nagkamaling siya ang tunay na Agent Damian.

Nang ibalik ko ang aking paningin sa kaharap kong kalaban ay bigla na lamang nag-iba ang itsura nito. Tumaas ang kanyang tangkad at nakulay itim ang buo niyang mga mata habang may apoy pa rin ang kanyang mga kamay. Dito na ako naglakas ng loob na kuhanin ang aking espada mula sa kanya habang nagpapalit siya ng anyo. Mabilis ko iyong naagaw. Nagawa niya akong hawakan sa aking leeg kaya damang-dama ko ang init at paso mula sa kanyang mga kamay. Pinigilan ko iyon sa abot ng aking makakaya hanggang sa mapayuko ako at naaalalang may hawak akong espada.

Hirap man akong iangat iyon ngunit nagawa ko itong gamitin para putulin ang kamay ng demonyo saka ako lumayo dito. Nagsisisigaw siya habang hawak ang napatol na kamay. Tumutulo mula sa kanyang sugat ang kakaibang dugo na para bang magma.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa at tinarak ko ang aking espada sa kanyang dibdib at hindi pa ako nakuntento nang iangat ko ang nakasaksak na espada sa kanya pataas palabas ng bunbunan. Nagtalsikan naman ang kakaiba niyang dugo paitas habang nahating bumagsak ang kanyang ulo.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon