Matapang ang isang nilalang kung kaya nitong ipagtanggol ang nakararami kaysa sa kanyang sarili. Matapang na maituturing kung siya mismo ang sasalag at tatanggap ng mga hagupit ng latigo na dapat ay para sa iyo. Katapangan kung maituturing ang pagliligtas sa isang tao na hindi mo naman kilala at kaanu-ano. Sino ba nga ba ako para sa kanya?
Tumingin ako ng diretso sa mga mata ni Math para basahin kung anuman ang nasa loob ng kanyang isipan. Sabi nila, sa mata mo raw mababasa ang isang damdamin ng tao. Pero sa mga nakikita ko sa aking harapan, wala akong mabasang emosyon. Totoo nga ba ang mga sinabi ni Math sa akin? Isa nga ba siyang tunay na kakampi? Marahil ay oo dahil nagawa niya akong iligtas mula sa bingit ng kamatayan.
Napansin ko na nagtaas ng isang kilay si Math, siguro ay nagtataka kung bakit titig na titig ako sa kanya. Sino nga bang hindi lilingon at mapapatingin sa lalaking 'to?
"Naintindihan mo ba, Maria? Kakampi mo ako," lumapit siya sa akin at inilahad ang kanyang kanang kamay, "gusto kitang tulungan."
Sa isip-isip ko; kanino ba dapat ako magtiwala, sa kanya na sinagip ako o sa aking sarili na wala man lang maalala sa nangyari?
Una palang ay alam ko na ang kasagutan sa tanong na ito. Magtitiwala ako sa aking sarili para matutong magtiwala sa iba dahil iyon ang tama. At sa pagkakataong ito, nagtitiwala ako na dapat kong pagkatiwalaan si Math higit pa sa anumang bagay.
Tinanggap ko ang pakikipagkamay ni Math at muli, niyakap ko siya. Dama ko ang tibok ng aking puso habang nakalapat ang aking dibdib sa kanya. Alam kong nakakakaba at higit sa lahat ay nakakalito ang aking nasaksihan kanina lang pero heto ako ngayon, gigil sa pag-alam kung paano nangyari sa akin 'to - ang mapunta sa mundo na dapat ay wala ako.
Bumitaw na ako sa pagkakayakap kay Math at tinanong siya, "Miyembro ka nga ba ng La Liga, Math?" hindi siya nagsalita bagkus ay umiling lamang. Kung gan'on, sino siya?
Dahil nakakapagtaka ang kanyang katauhan at ang inusal niyang mga salita na pawang Espanyol, tinanong ko siya muli, "Kung hindi ka miyembro ng La Liga. Pwede mo bang ipaliwanag sa akin ang mga nangyayari?" ang pangungumbinsi ko sa kanya.
Sana, sa kanyang mga sasabihin, lubos kong maintindihan kung anuman ang nangyayari at paano nga ba ako napadpad sa taong ito. Kasi kung tutuusin, dapat ay patay na ako.
Yumuko si Math bago muling tumingin sa akin, "Una sa lahat Maria, kailangan ko ng isang linggo para ikwento sa'yo ang mga nangyari o pwede rin naman na ipabasa ko na lang sa'yo ang natago kong history book. Tingin mo?" sabi nito sa akin na. Hindi ko sigurado kung maiintindihan ko ba ang mga nakatala sa librong sinasabi niya kaya naman mas pinili kong ikwento na lang niya - mga mahahalagang bagay lang.
Hindi na ako nagpatagal pa dahil atat na rin akong malaman ang katotohanan. Kaya naman ang sagot ay, "Ikwento mo na lang, Math. Nais kong malaman ang lahat pero 'yong mahahalaga lamang sana," ngumiti siya at inaya ako sa labas ng kwarto.
"Doon na lang sa 'not-so-living area' ko pag-usapan ang mga bagay-bagay," sagot niya habang may pininpindot na bagay sa isang bahagi ng pader. May lumabas doon na kung ano at ito'y umuusok pa. May inabot naman sa akin si Math.
"Oh... something to drink para mas masarap ang kwentuhan natin," kinuha ko iyon at tinitigan. Nabasa ko ang mga salitang 'cola' at napaisip kung anong klaseng inumin ito.
Ilalapat ko na sana ang labi ko sa malamig na bagay na 'yon nang agawin ni Math ito sa aking kamay sabay sabing, "Hindi ganyan... ay sorry. Oo nga pala, hindi mo pala 'to naabutan. Ang tawag dito ay softdrinks. Maraming asukal 'to kaya gaganahan ka. Ako na ang magbubukas," paliwanag niya sabay angat sa isang kulay pilak na bagay. May tunog pa ito na animo'y may ahas na lalabas. Inabot niya sa akin ulit ang inumin na kaagad ko namang nilagok.
BINABASA MO ANG
Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)
Science FictionWATTYS 2021 WINNER The 1st Novel from the 'One World Empire' Series "Bakit kung sino pa ang siyang tunay na nagmamahal sa bayan, siya pa ang nililitis sa ilalim ng hindi makatarungang hustiya." Ang mga salitang ito ang tumatak sa isip ni Ino sa pana...