Chapter 7

178 19 23
                                    

Ipinangak tayong mga tao para magsilbi. Magsilbi sa ibang tao o para sa iyong sarili. Dedepende ito kung gaano ka kalakas at kahina. Kung mahina ka, dadaigin ka ng iba hanggang sa maging alipin ka na lang pero kung ikaw naman malakas, kaya mong magpaikot ng buhay ng iba. Kaya mo silang paglaruan at gamitin sa pansariling interes o 'di kaya'y pangkaligayahan.

Kung tatanungin ko ang aking sarili, saan nga ba ako nabibilang sa dalawang bagay na 'yan?

Marahil ay isa akong alipin ng sarili kong bayan dahil para sa kanya, ako ay lumalaban.

Siguro nga ay alipin ako - hindi alam kung paano kakawala sa sarili kong kulungan. Paano nga ako makakawala sa isang bagay na hindi ko alam kung paano nagsimula at nangyari. Para akong nakikipaglaban sa hangin. Nakikipagpaligsahan sa alikabok na wala namang buhay. Hanap ako ng hanap ng sagot kung bakit nangyayari ito pero wala rin akong makuha mula sa langit.

Sinasadya ba ito na nandito ako at muling nabuhay para makipaglaban? Bakit hindi na lang ako namatay noon sa panahong pinanggalingan ko? Kung hindi sana ako nakarating dito, baka nasa itaas na ako at kasama ang mga bayani ng bansa. Ni hindi ko man lang nakasama ang Doktor na si Rizal pati ang Dakilang Lumpo na si Mabini. Sila ang iniidolo ko lalo na ang Supremo na si Bonifacio. Kasama ko sana siya noon habang taas-taas ang itak na ipangpupugot sa mga ulo ng Kastila.

Pero kahit na paulit-ulit kong balikan ang nakaraan at piliting alalahanin ang aking pinagdaanan sa buhay, wala akong magagawa kundi ang umayon sa kasalukuyan dahil ito na ang panahon ko. Saan pa nga ako lulugar?

Malaki talaga ang pasasalamat ko kay Math dahil siya ang nakatagpo sa akin. Paano na lang kung ang EAF ang nakapulot sa katawan ko noon sa Intramuros. Abo na lang siguro ako ngayon.

Mula sa aking pag-iisip habang nakaupo sa gilid ng kama, naalala ko na naman ang mga lumang papel sa aking bayong. Ito pa rin ang sandigan ko araw-araw dahil ito ang nagbibigay sa akin ng palatandaan sa aking pinagmulan at kung paano nga ba ako napunta rito. Iisa lang ang inaasahan ko, ito ang guhit na bilog sa punit na papel at ang gintong kwintas ng mga Emperial Army Fighter.

Tumayo ako at kinuha sa cube ang nakatagong bayong doon. Bumalik ako sa kama at isa-isang inilatag sa puting kutson ang mga papel. Mag-iisang libong taon na rin ang mga ito. Buhay pa rin ngunit kailangang ingatan dahil baka tuluyan nang mapunit.

Sa mga papel na ito makikita ang iba't-ibang larawan ng gusali sa lumang Maynila noon kasama na ang monasterio na kinalakihan ko. Alam kong ako ang gumuhit ng mga ito. Ilan pa sa mga drawing ay naaalala kong si Padre Inocencio ang may gawa. Pero ang tanging naiiba talaga sa lahat ay ang kaisa-isang papel na hinati-hati at ang natitira na lang ay kapirasong bahagi nito. Sa maliit na papel na iyon, hindi ko mawari kung tama ba ang anggulong tinitignan ko. Bilog lang naman ito pero kulang talaga ang itsura dahil nga sa punit.

Pilit ko mang pagdugtungin ang iba pang mga papel kasama nito, wala akong makitang imahe na sasagot sa mga tanong.

Dahil sa pagod sa nagdaang engkwentro sa Balintawak, mabilis akong atakihin ng inis kaya naman nahawi ko ang mga papel na nagkalat na sa sahig. Napasigaw na ako at napasalampak sa lapag sabay yakap sa aking mga binti.

Ilang segundo lang nang marinig kong bumukas ang pinto ng kwarto. Hindi na ako nag-isip kung sino ang pumasok dahil si Math lang naman ang kasama ko sa vault.

Naramdaman ko naman na umupo siya sa tabi ko. Hindi siya dumikit pero sapat ang distansya namin sa isa't-isa para maramdaman ko ang kanyang presensya.

"Ino, pinakita sa'kin ni Obie ang recorded video mo dito sa loob. Nag-aalala lang kami sa'yo," ang malumanay niyang sabi na halata ngang nag-aalala sa akin. Hindi ako humarap sa kanya at nanatili lang sa pagkakayuko. Hindi ko alam pero para bang naluluha ako sa mga nangyayari at paulit-ulit kong nararanasan. Ito na ba yung senyales na pagod na ako?

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon