Chapter 8

136 15 6
                                    

Wala ng mas nakakatakot pa sa isang bagay na papasukin mo kahit hindi ka sigurado. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa umpisa, paano ito mangyayari at magtatapos. Para kang isang bulag na naglalakad sa malawak na daan habang humaharurot ang mga sasakyan. Para kang bingi na tumatawid sa riles habang nakatingin sa malayo't may paparating na tren. Anumang oras, segundo lang ang iyong ipikit ay maaari kang mamatay.

Pero sa buhay kong ito, may pagpipiliin pa ba ako?

Hindi ko rin magawang hayaan na lang si Math at misyong ito hindi dahil may utang na loob ako sa kanya. Ginagawa ko ito dahil parte na rin siya ng aking buhay. Bahagi na siya ng aking kasalukuyan habang pilit kong kinakalkal ang nakaraan. Ayaw kong masayang ang bawat sandali na mayroon ako dahil sa pag-usad ng panahon, mas nahihirapan akong hanapin ang katotohanan.

Madilim man at malamig ang kalaliman ng gabi, pinilit naming maglakbay ni Math papuntang Muntinlupa mula sa Malabon kung nasaan ang aming vault. Wala mang masakyan dahil nawawala si Obie, nagtago na lang kaming dalawa gamit ang invisble cape at sumakay sa air truck ng EAF na naghahatid ng kanilang armas at iba pang kagamitan sa bawat Command Court.

Binaybay ng sinasakyan naming truck ang EDSA papuntang Magallanes. Doon kami bumaba ng tahimik habang nakahinto ang air truck para magpahinga ang driver nito. Naghintay lang kami ng iba pang truck na dadaan papuntang Muntinlupa dahil ang una naming nasakyan ay papuntang Pasay.

Hindi kami nag-uusap ni Math at tanging senyasan lamang ang paraan namin ng komunikasyon. Maya-maya pa'y may napadaan na isang convoy. Siniyasat namin iyon ng mabuti habang mabagal na umaandar sa mababang lebel ng paglipad. Huminto ito kung saan nakahinto ang sinakyan naming air truck. May bumaba na isang Army Fighter at kinausap ang kapwa sundalo na driver ng truck.

Doon na kami kumilos ni Math at umalis sa tinataguan naming poste ng dating highway. Dali-dali ang aming paglalakad at tiniyak na hindi kami maririnig. Napansin ko naman na ang mga sasakyang nakahilera ay convoy pala ng North Luzon Commander. Bakit nandito sila?

Itinuro ko ang sasakyang ng commander kay Math at hinila lang niya ako palayo roon. Alam ko na ang pahiwatig niya sa akin. Kailangan naming bilisang makasabit sa isa sa mga convoy bago kami mahuli.

Eksakto namang air truck ang dulo ng convoy at doon kami sumampa sa bubong ng sasakyan. Nag-ala pusa kaming dalawa at walang ginawang ingay sa aming pagsakay. Dumapa kami roon at inilabas ang magnet attachment sa aming palad at mga tuhod. Ilang saglit pa ay umandar na rin ang sasakyan.

Mabilis lang ang naging biyahe namin papuntang Muntinlupa. May naisip naman akong plano na sinabi ko kay Math bago kami bumaba.

"Math, 'di ba papasok naman 'to sa loob ng Command Court? Bakit hindi na lang maghiwalay tayo? Magpapaiwan ako at ikaw naman, hanapin mo si Obie," ang suhestiyon ko, pinapakiramdaman kung aayon sa akin si Math.

"Hindi na, Ino. Delikado ka kapag ginawa mo 'yan. Paglagpas mo palang sa outer shield, ma-de-detect ka na agad at mag-se-self destruct 'tong air truck. Tara na, 'wag na muna nating isipin kung paano makapasok sa Command Court."

Hindi na ako nagpumilit pa at nakinig na lang kay Math sa kanyang paliwanag. Nauna siyang bumitaw sa bubong ng truck at saka ito tumalon. Sumunod naman ako rito at bumagsak sa isang mababaw na bangin. Nagpagulong-gulong pa ako pero mabuti na lang ay maganda ang pagkabagsak ko sa lupa.

Tinulungan ako ni Math na makatayo at saka kami lumakad palayo sa main highway kung saan dumidiretso ang daan sa entrada ng Command Court ng Muntinlupa.

Nauuna naman sa paglalakad si Math habang nakatingin sa suot niyang bracelet. Nakalabas doon ang hologram ng huling dinaan ni Obie bago ito mawalan ng signal at hindi na ma-contact pa.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon