Chapter 15

90 12 17
                                    

Kailanman ay hindi madidiktihan ang puso. Kung ano ang maramdaman nito, bigla na lamang itong kakawala at hindi mo ito mapipigilan. Wala kang kontrol sa nais nitong ilabas, sabihin at ibunyag. Para ka lang isang tutang sunud-sunuran at makikinig dito. Ganito ang puso, traydor at pwede kang sasakin patalikod. Kahit pilitin mong hindi ito sundin, kakawala at kakawala ito para lang maihayag ang nais nito.

Bakit ganito ang puso?

Hindi ko alam kung paano o ano ang aking sasabihin sa lupa bilang bulong sa mga diyos. Hindi ko rin alam kung bakit ko ito ginagawa. Marahil ay naniniwala ako sa Punong Mandadawak at sa kanilang paniniwala sa loob ng Tribo. Ang una kong naisip na sikreto ay ang paghanga ko kay Math pero ang bagay na ito ay wala naman kasiguraduhan. Ako rin ma'y naguguluhan, ganoon din ang utak at puso ko.

Hindi ako umaamin at hindi rin ako aamin na may pagtingin ako para kay Math dahil una sa lahat, wala naman talaga. Sigurado ako rito at wala akong dapat itago kanino man maski sa mga diyos na nasa malaking puno. Kung hindi man ako biyayaan ng malakas na isipan at katawan, ayos lang basta't hindi ako aamin sa isang bagay na hindi ko naman talaga ginugusto.

Nagkuwari na lang ako na may binulong sa lupa at mabilis na tumayo. Nagmadali akong lumayo roon kung saan naiwan si Math na umupo na lang sa lupa dahil sa inasal ko. Kita ko sa mukha niya ang pagtatanong kung bakit ako umalis. Tumayo na rin ang Babaylan at sinundan ako papunta sa lawa.

Umupo ako sa isang malaking bato sa gilid at inilublob ng bahagya ang aking mga paa sa tubig. Malamig iyon sa pakiramdam at nakakagaan ng kalooban. Malakas man ang pagbagsak ng tubig mula sa talon, kapayapaan ang dulot nito sa aking isip. Kahit ngayon lang, ito ang gusto ko. Malayo sa magulong mundo at miserableng buhay sa Maynila. Dito sa tinatahanan ng Tribo Malaya, payak lang ang buhay at hindi mo nanaising lisanin ito. Sana noong napunta ako sa panahong ito, dito na lamang ako napadpad para malayo ako sa gulo. Gusto ko nga bang malayo sa gulo kung may karamay at kakampi naman ako?

Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakatulala nang tabihan ako ni Math sa batong kinauupuan ko. Napatingin ako sa kanya at bahagya akong umusod para bigyan siya ng espasyo.

"Lalim naman yata ng iniisip natin ah... bakit ka nga pala umalis? Hindi pa tayo tapos sa 'secret telling' doon... nakakahiya sa mga diyos," sabi nito pero alam kong nang-aasar lang siya. Hindi ko na lang pinansin ang sinabi ni Math.

Akala ko ay mananahimik na rin siya pero nagulat ako nang kalabitin niya ang braso ko. Doon ko siya tinignan ng masama at ngumisi lang siya pabalik.

"Asar agad? Alam mo... sabi ni Punong Mandadawak, kung hindi ka pa handang magsabi ng sikreto sa diyos ay ayos lang daw 'yon. Kasi nga 'di ba... diyos sila at alam nila ang nasa isip natin," saad ni Math, napalingon ako sa kanya at napaisip sa mga salitang binitawan.

Tama nga siya, diyos sila kaya may kakayahan silang malaman ang tumatakbo sa aming isipan. Para saan pa 'yung pagbulong sa lupa?

Hindi ko na lang 'yon inintindi at inaya si Math na bumalik sa himpilan ng Babaylan. Nakakaramdam na rin kasi ako ng pagod at gusto ko nang ipikit ang mga mata ko. Sa dami ng pinagdaanan namin ngayong araw, nararapat lang na bigyan ko ang aking sarili ng isang mahaba at masarap na tulog. Lalo na dito sa paraiso ng Tribo Malaya, walang hindi mapapaibig ng lugar na ito. Iyon nga lang, isa itong sagradong sangtwaryo para lamang sa mga diyos at katutubong Igorot na nangangalaga rin sa lugar na ito.

Nang muli naming makaharap ni Math ang Punong Mandadawak, humiling kami na dumito muna magpahinga para paghandaan ang isa pang labanan sa minahan. Mabuti na lang ay pinagbigyan kami ng Mandadawak at binigyan pa kami ng magkahiwalay na tutulugan.

Sa aming pag-uusap, gagawin ng Punong Mandadawak ang pagsisiyasat sa lugar ng hatinggabi upang hindi makatunog ang mga kalaban na naroon. Magandang ideya rin ito para makapaghanda ng husto ang buong Tribo at pati na rin kami ni Math.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon