Chapter 11

133 14 14
                                    

May mga pagkakataon sa buhay na tayo'y nabibigo at ito ang hindi natin mapipigilan. Hindi natin kailan man malalalaman kung darating na ba ang kabiguang ito na magpapagulantang sa iyong mundo. Kahit na ilang beses tayong maghanda, gawing matatag ang sarili, kapag sinubok na ng tadhana ay kusa ring tayong babagsak. Pero hindi lahat nang bumabagsak sa lupa ay mananatiling nasa lupa.

Tulad ng isang polen sa bulaklak; ito'y dala-dala ng mga bubuyog at ihuhulog sa lupa. Ang dating maliit na buto, unti-unti itong babaon sa lupa at tutubuan ng mga ugat. Ito naman ay kakapit ng mahigpit at saka tutubuan ng unang sanga kapag naarawan at nadiligan ng tama.

Ang dating buto, ngayon ay isa ng mayabong na bulaklak.

Kung nahihirapan man, pilit mang pinabagsak ng bawat pagkakataon, babangon at babangon pa rin dahil ang paa ay ginawa ng Diyos para tumayo.

Kaya naman natuto akong tumayo at tumindig ng diretso sa harap ng mga kalaban. Gaano man kalaki o kalakas ang mga ito, hangga't ako ay nakakatayo sa aking mga paa, lalaban ako anu't-ano pa man ang mangyari.

Marami mang sasalubong sa akin, umatras ako hindi para sumuko. Bumwelo lang ako para tantsahin kung paano ko sila isa-isa patutumbahin. Nilingon ko muna si Math na papalapit sa akin para sa backup. Hindi ko na siya hinintay sa aking tabi at kaagad na akong sumugod.

Dahil nakapahalang ang hawak ko sa aking espada, nagagasgas nito ang mga pader ng cube house na aking nadaanan patakbo.

Ilang metro na lang ang lapit sa akin ng mga lalaki ay tumalon ako pasampa sa isang barrel na nasa isang gilid. Lumagpas sa akin ang isang lalaki at patalikod ko itong tinuksok ng espada. Mabilisan lang iyon dahil may dalawa pang nasa harap ko. Tinalunan ko ang isa sa kanila na ikinatumba nito. Pagkabagsak ko ay ginawa kong tungkod pantusok ang espada na sumakto sa dibdib ng pangalawang lalaki. Hindi ko ito nahugot kaagad dahil sumabit ang talim sa ribcage nung lalaki. Dahil dito, nagawa akong masipa ng pangatlong lalaki na ikinatumba ko naman. Mabuti na lang at nasalo ko ang aking sarili gamit ang kanang braso ko.

Mabilis ang isang 'to. Nagawa niyang mahugot ang espada sa kasamahang nakahandusay. Akmang itatarak niya sa akin ang espada pero binigyan ko siya ng isang malakas na sipa sa kanyang kanang tuhod. Kitang-kita ko kung paano siya napaaray dahil pagkabali ng kanyang buto patalikod. Tumumba siya at nakita kong lumabas pala ang buto nito. Hawak niya pa ang parteng iyon ng binti. Kinuha ko mula sa kanyang kamay ang espada ko at tuluyang tinaga ang kanyang binti. Sumigaw ang lalaki ng pagkalakas-lakas. Tama 'yan sa'yo. Magdusa ka sa kasalanan mo.

Lumingon naman ako kung saan ko huling nakita sa Math. Wala na siya doon. Naisip ko na baka alam na niya kung saan ang hideout nung Master. At dahil natatandaan ko pa kung saan ako idinaan ng lalaking nagbuhat sa aking panaginip, hindi ko alam kung iyon ba ay panaginip, tumakbo na ako ng mabilis. Wala na itong atrasan pa.

Habang tumatakbo sa masisikip na eskinita, tumatakbo rin sa aking utak ang mga naranasan at nakita ko kanina. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon dahil damang-dama ko talaga ang mga suntok, tadyak ay ang pagkakasaksak sa aking leeg na akala ko'y katapusan ko na.

Napapatanong tuloy ako sa sarili ko; buhay pa ba talaga ako o isa lamang itong imahinasyon? Ito na ba ang kabilang buhay at sinasalamin lang ba nito ang naging buhay ko noon?

Heto na naman ako.

Puro pagtatanong, wala namang sagot.

Napahinto ako sa pag-iisip nang makita ko ang pulang gate. Ito na iyon, dito ako pinasok kanina ng mga lalaki.

Sarado ito at hindi ko alam kung paano bubuksan. Naalala ko naman 'yung ginawa ng isang lalaki na inilapat lang ang palad sa gate. Ginawa ko iyon pero hindi nagbukas. Muli kong sinubukan pero ayaw pa rin talaga. Dahil sa aking inis at pagkaatat na makapasok doon, pinagsisipa ko ang gate.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon