MAKALIPAS ANG ISANG TAON
Sa buhay na maraming pagsubok; bawat araw ay may kakaharapin kang hamon at harang sa iyong dadaanan, natutunan kong lumaban at hindi magpadaig. Kung noon ay wala akong kaalam-alam sa mga makabagong teknolohiya na mayroon sa panahong ito, ako na mismo ang gumagawa ng mga bagay na tanging palaisipan lamang sa lumang panahon.
Tulad ng espada kong ibinigay sa akin ni Padre Inocencio noon, ilang taon na rin akong pinanday ng mga labanan at araw-araw na pakikibaka para sa kalayaan. Puno na yata ng kalyo ang dalawa kong talampakan sa bawat pagtakbo, paghabol, pagtalon at paggulong sa tuwing gagawa ako ng misyon. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses ko nang nagamit pampugot ng ulo ang espada ko. Kahit ang pana na hindi ko matandaan kung ito ba'y galing sa mga kapwa ko mandirigma noon ay ilang beses na rin nakapatay ng kaaway.
Pero sa bawat pagkakataong sasabak sa isang labanan, mag-isa man o kasama ang Kapatiran, hindi pa rin nasasagot ang malaking katanungan tungkol sa aking pagkatao: bakit ako napunta sa panahong 'to?
Bawat umagang gigising ako, 'yan kaagad ang unang pumapasok sa aking isip. Ilang beses ko mang libutin ang Maynila, ang buong syudad at mga katabing bayan, wala pa rin akong nakukuhang sagot. Halos ibaliktad ko na rin ang sarili ko at piliting ipaopera ang aking utak sa mga rebeldeng doktor ng iba't-ibang paksyon mula Norte hanggang Mindanao.
Walang sagot? Ito na lang ba palagi?
Walang sagot dahil wala talagang kasagutan o walang sagot dahil may pumipigil na lumabas ang katotohanan?
Alin nga ba sa mga ito?
Habang malalim akong nag-iisip sa aking bagong palit na bedsheet, bigla na lamang nagsalita si Obie. Ang Virtual Simulation Assistant o VSA ni Math.
"Ino! Bumangon ka na d'yan! Bawal ang tamad. Tandaan, the day is a day--"
"A day for new beginning and endless battle. Oo, Obie! Alam ko! Obie, initiate shutdown." ang pagputol ko sa makulit na VSA na si Obie.Agad naman itong tumugon at umilaw ang buong vault ng yellow. Senyales ito na sasailalim sa shutdown sequence ang system ni Obie sa loob ng sampung segundo.
Nasa lima pa lang ang bilang nang biglang huminto ang sequence dahil kay Math.
"Obie! Shutdown override, power up! Ano na naman ba 'yan, Ino? Lagi ka na lang bang bad trip kay Obie?" usal nito habang naglalakad papalapit sa kinahihigaan ko. Tumalikod ako at sinadyang ipakita na naiinis talaga ako. Wala ako sa mood ngayon na lumabas ng vault dahil ilang beses na akong nagkaroon ng palpak na misyon.
"Welcome back, Sir Math! Mukha yatang may pinagdaraanan si Ino. Sa aking assessment--"
"Obie... 'wag na munang makulit, okay?" dinig kong singit ni Math sa gagawin sanang assessment sa akin ni Obie.Tumigil naman ang makulit na VSA sa pagsasalita. Naramdaman ko na lang na lumundo ang likurang bahagi ng aking kama. Nakaupo na si Math sa tabi ko.
Alam kong nakatingin siya sa akin base sa aking peripheral view. Pumikit na lang ako at nagkuwaring natutulog. Pero huli na para sa aking pagpapanggap nang hampasin ako ni Math ng unan.
"Ano ba 'yon! Wala ka bang magawa, Math? Kung hindi mo ako titigilan, baka makita mo na lang 'yang mukha mo sa labas ng vault," ang banta ko sa kanya. Seryoso ako sa sinabi ko. Huwag niya akong subukan. Pero hindi, talagang sinusubukan ako ng ungas na 'to.
"Wow ha! Wow! Talaga ba, Ino? Sige nga..." napatigil siya nang sakalin ko ang kanyang leeg at saka isinandal sa headboard ng kama. Sumampa ako sa kanyang binti at idiniin ang hita ko sa kanya para hindi siya makawala.
Nagpipiglas siya na akala mo isang bulateng inasinan sa pagkiwal. Humawak siya sa aking kamay at nagsalita, "Ta... tama na, Ino. Nasasa... saktan si Junior!" napatingin ako sa kanyang baba at nakita kong nakadagan pala ang tuhod ko doon. Dali-dali akong tumayo at hinampas siya ng unan sa mukha.
BINABASA MO ANG
Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)
Science FictionWATTYS 2021 WINNER The 1st Novel from the 'One World Empire' Series "Bakit kung sino pa ang siyang tunay na nagmamahal sa bayan, siya pa ang nililitis sa ilalim ng hindi makatarungang hustiya." Ang mga salitang ito ang tumatak sa isip ni Ino sa pana...