Ultima

244 10 5
                                    

Mainit, nakakapaso sa balat ang init ng araw gayunman, ito pa ang nagbibigay buhay sa lahat ng nilalang dito sa mundo tulad ko. Tiniis ko na lamang ang nararamdamang uhaw at ang tumatagaktak na pawis sa aking noo at likod. Suot ko naman ang salakot na bigay sa akin ng isang matandang babae sa monasterio ng San Agustin kung saan nagsasagawa ng misa si Padre Inocencio. Hindi man purong Kastila ang padre, siya ang bukod-tanging Pilipinong pari na napili ng mga Augustino para magpalaganap ng Banal na Salita.

Habang binabaybay ang mabatong daan patungong Indang, Cavite kasama ang aabot sa isang libong katipunero't katipunera, walang salitang maririnig sa bawat isa dahil na rin sa nangyari sa Tejeros na kagagawan ng Magdalo.

Ang Supremo dapat ang naging presidente ng bansang ito. Mas kilala ko siya kumpara sa mga ibinibintang sa kanya ng mga sunud-sunuran kay Aguinaldo. At hindi man ganoon kami kalapit ni May Pag-asa, ramdam ko ang pagmamahal niya sa bawat miyembro ng Katipunan.

Sa puntong ito sa buhay ng mga Pilipino, ang marapat na umuusbong ay ang pagiging makabayan hindi ang pagiging ganid sa kapangyarihan at pagkakaniya-kaniya. Sayang lamang ang ipinaglalaban kung hindi magkakaisa ang lahat dahil sa huli, tayo-tayo lang rin ang magdurusa.

Hapon na nang marating namin ang pagkakampuhan ng Katipunan sa Indang. Malugod na tinanggap ng nayon at ng parokya rito ang samahan upang pansamantalang maging panuluyan. Ipinaghanda pa nga kami ng makakain gayundin ng matutulugan ng ilan sa mga kababaihan naming kasamahan.

Ang Supremo ay nanatili sa isang bahay na bato samantalang ako at ang iba pang mandirigma ay piniling magronda sa paligid kung sakaling may kalabang sumugod.

Maraming nagsasabi na malapit nang mabuwag ang himagsikan at tuluyang maalis ang binubuong gobyerno ng Pilipinas. Para sa akin, ito ay hindi malabong mangyari dahil na rin sa nangyayaring kaguluhan - kaguluhan sa sistema at ang iilang may pansariling interes sa Pilipinas. Ito ang hindi nakikita ng karamihan sa gabinete ni Aguinaldo na tanging ang Supremo lamang ang nakakaintindi. Sa punto pa lamang na minaliit siya sa kanyang katauhan upang mamuno, isa na itong malaking sampal ng realidad na ang kalaban ay hindi lamang ang mga banyaga kundi pati na rin ang kapwa Pilipino.

Ito ang araw-araw kong dala at iniisip lalo na sa tuwing maaalala ko ang binuo kong samahan na Ultima. Hindi pa man din kami nakakapagsimula noon at agad na kaming nagkawatak-watak at nagkaniya-kaniya dahil sa iba't-ibang rason. Tulad ko, malaki ang importansya para kay Magia ang pakikipag-alyansa ngunit mali siya ng piniling kampihan. Magmula noong malaman kong dumadalo siya sa ilang sikretong pagtitipon ng mga mayayamang Pilipino bilang suporta sa pagkapresidente ni Aguinaldo, nawalan na ako ng amor sa kanya.

Hindi maikakaila na malaki ang pagkakaiba naming dalawa ni Magia. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang patagalin ang proseso bago maabot ang dulo samantalang ang kailangan lang naman ay dumiretso na sa pakay.

Mas umiiral ang demokrasya kay Magia samantalang ako, kung alam kong mali, diretso na kaagad ang sintensiya at paglilitis katulad ng ginagawa ng mga Kastila sa mga Pilipino.

Napakasakit lamang dahil hindi namin nagawang mailigtas ang doktor na si Jose. Napagplanuhan na namin iyon ng Ultima na itatakas mula sa Fuerte de Santiago si Rizal ngunit tila hindi umayon sa amin ang tadhana at nagkaroon ng hindi pagkakaunawan. Dito na ako nagdesisyong lisanin ang samahan at umanib sa Katipunan kung saan nakikilala na sa buong bansa bilang isang rebelyon laban sa Espanya.

Magmula noon, hanggang mamatay ang doktor na nagsilbi sa bansang Cuba at ipinatapon sa Dapitan, wala na akong narinig pa mula sa Ultima.

Nag-iisa man at walang kakilala, kapamilya o kaibigan sa Katipunan, mas panatag ang aking kalooban dahil alam kong nasa tama ang aking nilalandas. Sa samahang ito ay alam kong mapagtatagumpayan namin ang himagsikan at mababawi ang bansa para sa mga Pilipinong nagmamay-ari nito.

Inocencia (Filipino Sci-Fi Novel)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon