Chapter One

26K 270 5
                                    

"Bruha! Napauwi ka? Bakasyon?" Hinalikan siya sa pisngi ni Mary Claire, na Cha-Cha o Cha kung tawagin ng lahat - dahil kahawig ito ni Akazukin Cha-Cha noong kabataan nito at nakalakihan na ang palayaw na iyon.

Sumalampak siya ng upo sa couch sa loob ng opisina ng kaibigan. May-ari ito ng Shadow Sky, isang sikat at dinadayong club sa Metro. Kuya nito ang may-ari noon pero ng mamatay ang kapatid ni Cha-Cha dalawang taon na ang nakakaraan ay ito na ang namahala at nagmamay-ari ng club. Karamihan sa mga nagbababad doon ay mga mayayaman at mga celebrities. Pagkabalik sa Pilipinas ay doon siya dumiretso, kailangan niya ng kaibigan ngayon. Parang natatakot pa siyang harapin ang kapatid. "Biglaan ang pag-uwi ko dito."

"Bakit? Akala ko nga ay wala ka ng balak na umuwi eh. Mukhang enjoy na enjoy ka sa trabaho mo sa Singapore. Akala ko, hindi ka na babalik dito eh."

"Hindi naman dapat ako uuwi pero kailangan. Si Jemimah, nananakot na magpapakamatay."

"What?" Halos lumuwa ang mga mata nito sa gulat. "Joke ba iyan?"

Napailing siya. "Kahit nga bilang joke, hindi maganda eh. Seryoso siya kaya dali-dali akong napauwi. Buti na lang, okay kami ng boss ko at napayagan ako ng two months leave. Ngayon lang naman kasi ako humiling sa tagal ko sa trabaho eh." Six years na siya bilang programmer sa isang malaking electronics company sa Singapore. Subcontractor sila ng malalaking telecomm sa Asia. Sila ang gumagawa ng mga software applications para sa mga mobile phones.

Nagdedesign din sila para sa mga electronics equipment na nasa loob ng mga mobile phones. Graduate siya ng Computer Engineering at pagkatapos niyang magtrabaho ng isang taon sa Pilipinas ay nagtry siyang mag-apply sa ibang bansa. Ipinasok siya doon ng tito ni Cha-Cha. Lucrative ang offer at hindi niya kikitain ang sasahurin niya doon sa maliit na kumpanyang pinagtratrabahuhan niya dito kaya siya umalis at nagtrabaho sa Singapore.

"Anong pumasok sa isip ng spoiled mong kapatid?"

Huminga siya ng malalim. "Buntis daw siya at tinakbuhan ng lalaki."

"OMG! Nineteen lang ang kapatid mo. Inunahan ka pa!" Nanlalaki ang mga matang bulalas ni Cha-Cha.

Napailing siya. "I really can't believe it. Sumasakit nga ang ulo ko eh."

"As in totoong buntis siya?" Hindi makapaniwalang tanong pa nito.

"Iyon ang sinabi niya. Nakausap ko din si Yaya Lyn, bago ako pumunta dito. She gave me the pregnancy kit. Ibinigay daw ni Jemimah sa kaniya. I was really disappointed with her. Hindi ko akalaing magagawa niyang magpabuntis gayong nag-aaral pa siya ng college. Hindi ko alam kung saan ako nagkulang. I gave her everything. Ginawa ko siyang priority. Ibinuhos ko ang atensyon at panahon ko sa kaniya.

"I'm working hard for her future. It was just the two of us. Hindi ko inaasahang ganito ang gagawin niya. Alam ko namang hindi ko siya physically nagabayan simula ng umalis ako ng bansa. Pero lahat ng sakripisyo ko doon ay para sa kaniya." Hindi maiwasang mag-init ng mga mata niya. Pakiramdam niya, nabigo rin niya ang sarili niyang bigyan ng magandang buhay ang kaisa-isang kapatid.

"Sshh..." Inakbayan siya ng kaibigan. "Huwag kang umiyak. Hindi iyakin ang kilala kong Mary Jane Belardo. Ang kilala kong Mary Jane ay matibay, palaban at walang inaatrasan. Alam ko ang sakripisyo mo sa kapatid mo, sa pamilya mo. Noong mamatay ang Papa mo noong seventeen ka at nine si Jemimah, ikaw na ang sumalo ng responsibilidad sa pamilya mo, bukod pa sa ikaw na ang tumayong ina sa kaniya.

"Saksi ako na kinailangan mong magworking student para makatapos ng college at mapag-aral si Jemimah lalo pa at wala rin namang halos naiwan ang Papa mo. But you never gave up. You strived hard. Kahit working student ka, nakagraduate ka pa rin bilang Magna Cumlaude. At nakita ni Tito ang galing mo kaya tinulungan ka niya. At naitaguyod mo si Jemimah ng ikaw lang at walang katulong."

RANDY'S Sweetheart 01: My Enemy, My Dream GirlTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon