"Yumi!" rinig kong may tumawag sa pangalan ko mula sa aking likuran kaya agad kong nilingon.
"Saan ka ba galing? Kanina pa kita hinahagilap. Alam mo bang trip na naman ako ni-" Hindi ko tinapos ang sinasabi ko nang maalala ang sinabi ni Zachary.
"Actually, ginawa namin 'yon para tigilan na ako ng mga babae dito sa university. Mayumi, pwede bang magpanggap tayo kasi...basta kung pwede lang? Don't worry, po-protektahan naman kita sa mga mananakit sa 'yo," paliwanag niya.
Umiling-iling ako dahil sa pagkairita. Bakit ba hindi tinatantanan ng Gallegos na 'yon ang isipan ko? Nakakainis!
"A-Alis na tayo?" nag-aalangang tanong ni Ely kaya napatigil ako sa ginagawa kong pag-iling na parang nababaliw.
"A-Ah! Oo! Gutom na rin ako kaya save the spot. May perang iniwan si Mama kaya ikaw naman ang ililibre ko. Tara!" masiglang pag-anyaya ko sa kanya sabay hila hawak ang palapulsuhan niya.
Katulad ng nakagawian, mga streetfoods ang aming inorder. Umupo kami sa bakanteng bench at masayang pinagsaluhan ang aming meryenda.
"Nandyan na pala ang sundo mo," wika ko sabay turo sa kotseng tumigil sa harap namin.
Ngumiti siya sa 'kin at kumaway. "Thank you for the treat. I really enjoyed it," masayang wika niya.
"Mas thankful ako kasi madalang ka lang tumanggap ng libre sa 'kin," biro ko at sabay kaming natawa.
Nagpaalam na kami sa isa't isa at nang mawala na ang sinasakyan niya sa paningin ko, naglakad na ako mula sa parke pauwi sa bahay namin na walking distance lang naman.
Matapos kong makapagpalit ng pantulog, binuksan ko ang computer ko para ituloy ang sinusulat ko sa drafts. Nang aabutin ko ang eyeglass ko na pang-anti-radiation, 'di ko sinasadyang masagi ang notebook na sinusulatan ko ng outline.
Habang pinupulot ko ito ay napansin ko ang isang lumang papel na nakatiklop pa-crosswise. Salubong ang kilay ko nang pulutin ko 'yon at bumalik ako sa pagkakaupo.
"Ano ba 'to?" naguguluhan kong tanong habang sinusuri ang lumang papel. Nang buklatin ko, wala namang nakasulat o kahit anong makikita maliban sa kalumaan niya.
Hanggang sa maalala ko ang babae na nakausap ko sa clinic kanina.
"Imposible..." usal ko habang blangkong nakatingin sa pader, sa likod ng monitor na kaharap ko.
Pilit kong inaalala ang mukha niya ngunit malabong malabo na ito. Tanging ang costume niyang dilaw na saya ang malinaw sa ala-ala ko.
Hindi ko alam kung nasosobrahan na ba ako sa kape kaya kung makapag-hallucinate ako, nadadala hanggang reality.
"Argh! Masisiraan na talaga ako ng bait!" bulalas ko sabay marahas na inipit sa notebook ko ang lumang papel.
Binuklat ko ulit isa-isa ang pahina ng outline notebook ko, gano'n pa rin. Walang kalaman-laman maliban sa mga naisulat kong characters.
"Ayan ha, malinaw na malinaw na walang nakasulat na pangalan nina Ely dito," pakikipag-usap ko sa sarili ko.
Kinuha ko ang phone ko para picturan, patunay na hallucination ko lang ang mga nadadagdag na impormasyon dito.
"Ayan ha, malinaw na blangko kaya kung gusto ko pang manatiling matino, titigilan ko na ang pagkakape ng sobra," determinado kong saad sa sarili ko saka ko itinabi ang phone at notebook matapos makuhanan ng litrato.
Pinatay ko na ang PC at walang ganang pumunta sa kama hawak ang phone ko dahil itutuloy ko na lang muna ang pagbabasa ng kwento.
'Di pa man ako nakakapag-open ng app nang tumawag si Mama.
"Hello, Ma?" bungad ko nang masagot ang tawag.
"Kumusta ka naman dyan, anak?" nag-aalalang tanong ni Mama mula sa kabilang linya.
"Okay lang po. Ma, kailan ka ba makakauwi rito? Malapit na po ang birthday ko," tanong ko sa kanya, umaasang makakauwi siya sa Sabado.
Bumuntong hininga siya bago nagsalita. "'Di ko pa alam, nak. Pero sisikapin kong makauwi bukas ng gabi," tugon niya na nakapagpabagsak ng balikat ko.
"Ma, kung ayaw nilang ibigay sa 'tin ang mamanahin ni Papa, umuwi na lang po kayo rito. Mas mag-aalala po ako sa inyo kung mapaaway pa kayo," paalala ko sa kanya.
Masakit sa part namin kasi parang hindi kami itinuturing na pamilya ng mga kapatid ni Papa. Porket wala na si Papa, tinanggalan na rin nila kami ng karapatan sa lupa nila.
"May gagastusin ka pa ba, anak?" pag-iiba ni Mama sa usapan.
Sandali kong inalala kung magkano na ang allowance kong iniwan niya.
"Kasya pa naman po," tipid kong sagot.
Sandaling natahimik ang linya at may narinig akong tumatawag kay Mama na boses ng lalaki.
"Sige na, anak. Papatayin ko na 'to kasi papakiusapan ko pa ulit sila bukas ng maaga, huling beses," paalam ni Mama kaya wala na akong nagawa kun 'di tumango kahit hindi niya ako nakikita.
"Ingat ka na lang po, Ma. Sana po makauwi kayo bukas," umaasang wika ko bago namin tapusin ang tawagan.
Napahinga ako ng malalim saka walang ganang binagsak ang sarili sa malambot kong kama.
"Pa, kung hindi mo kami iniwan, hindi sana nahihirapan ng ganito si Mama para lang sa bahagi ng lupa," wika ko na parang nasa tabi ko lang si Papa, at ilang minuto lang ay dinalaw na ako ng antok.
Dahil sa malakas na tunog ng alarm clock, gumising ako, saktong alas cinco y media.
Iritado akong nagkamot ng ulo at papikit-pikit pa pero wala akong choice kun 'di bumangon dahil may klase ako mamayang eight o'clock.
Habang humihikab patungo sa bintana ng kwarto ko para kunin ang twalya, napatigil ako sa pag-abot nito sa maiksing sampayan nang mapansin ang PC kong nakabukas.
Nagsalubong ang kilay ko at nagtatakang napaisip kung naiwan ko ba itong nakabukas kagabi.
Lumapit ako sa PC at napansing nasa writing platform ang monitor. Ang ipinagtataka ko rin ay kung bakit naka-published na ang istoryang hindi ko pa naman nire-release.

YOU ARE READING
Pahimakas
Historical FictionYumi is a college student taking Education but aside from being a teacher, she wants to be a published author someday but she never finish any of her drafts. After reading a historical fiction novel, she bacame fond of history until she started to d...