XV

3 1 0
                                    

Seryoso at walang mababakas na emosyon sa mukha ng babaeng may suot na itim na maskara.

Naka-upo ito sa isang sanga ng malaking puno katabi ng administration building at ang kanyang paningin ay nakapokus lamang sa building ng Desuthamu Sect.

Iniisip nito kung sino nga ba sa kanyang mga kaklase ang babaeng nakasuot ng puting maskara na walang takot na iniisa-isa ang kanyang mga kaklase.

May mas madaling paraan naman para malaman niya kung sino ito at yun ay ang tanungin ito mismo kay Marilyn. Kaya lang, hindi niya kaya ang kondisyon na nais ng babaeng iyon.

Para pangalanan ni Marilyn ang nakamaskarang puti kailangang ilantad muna niya ang tunay naman nitong pagkatao sa Desuthamu Sect.

Hindi pwedeng may makaalam sa kung sino siya dahil may iba pang mas malaking laro ang Desuthamu Sect. na kanyang pinaghahandaan at ang paglantad sa kanyang katauhan ay nangangahulugang talo na siya sa laro.

Tatlong beses itong napabuntong-hininga at naisipan nitong manmanan na lang si Marilyn baka sakaling may makalap itong impormasyon pero, madulas ito.

Nakilala nga ni Marilyn kung sino ang mga halimaw sa Desuthamu Sect. ng walang kahirap-hirap, siya pa kayang nag-iispiya lamang?

Aalis na dapat siya sa pagkakaupo sa sanga ng malaking puno ng makita nitong nagkakagulo sa clinic area.

Kumunot ang kanyang noo sa pag-iisip sa dahilan ng kaguluhan at kalaunan ay napag-isipan nitong gamitin na lang ang hawak nitong telescope para mas madali niya itong makita.

Nakita nito ang aligagang paglabas ng isang doctor at nurse kasunod nito ay ang galit na galit na itsura ni Principal Steins pagkatapos ay isang katawan ang inilabas na natatakpan ng puting kumot. Napakuyom ng kamao ang nakamaskarang itim sapagkat alam niyang si Katria ang nakita niyang bangkay.

Ito ang pinaka-ayaw niya sa lahat. Dalawang beses pa lang niyang napipigilan ang nakamaskarang puti at naiinis siya rito pagkat sinisira niya ang dapat na daloy ng laro sa Desuthamu Sect.

Itinutok nito ang hawak na telescope sa may Forbidden Garden at napangisi ito ng makita niya ang nakamaskarang puti na nakatayo roon at may hawak din na telescope at alam na alam nitong sa kanya nakatutok iyon.

Sabay silang pareho na nagtaas ng kanang kamay at itinaas ang kanilang gitnang daliri.

Nangangaliting bumaba sa malaking puno ang nakamaskarang itim at nagmartsa patungo sa building ng administration.

---------------

➕ MAYUMI ALCANTARA➕

"Ilan na sa mga estudyante mo ang namatay, Yumi? Bakit ngayon wala ka pa ring ginagawang aksyon?!" Napapikit ako sa isinigaw na iyon ni principal Steins.

Galit na galit itong nakatingin sa akin pero alam kong sa likod non ay linulukob din ito ng kakaibang kaba dala ng pangyayari sa nakaraan na pilit naming itinatago.

"Hindi sana mauumpisahan muli ang laro ng Desuthamu Sect. kung sanang inalagaan mong mabuti at binantayan si Denise at ng hindi siya namatay!" Paninisi nito sa akin dahilan para tumulo ang isang luha sa aking kaliwang mata. Hanggang ngayon pala ay ako pa rin ang kanyang sinisisi. Gusto kong matawa dahil doon. Gustong-gusto kong isigaw sa kanyang pagmumukha na ginawa ko ang lahat ng aking makakaya para iligtas si Denise.

"Huwag mo akong dramahan ngayon Mayumi! Nangako tayo na wawakasan ang laro pero tayo mismo ang dahilan kaya nagsimula muli ito." Pabulyaw muli nito sa akin kaya hindi na ako nakatiis at pabalang akong tumayo saka siya dinuro.

"Savier Steins, walang magagawa ang paninisi mo sa akin ngayon." Madiin ko itong sinabi kaya napahalakhak ito. Isang halakhak na punong-puno ng sarkasmo at pang-uuyam.

Desuthamu Sect.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon