Bago ako umalis sa aming probinsiya upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa syudad ay hinanap ko ang aking lola, at nandon nakita ko siyang nakaupo sa kanyang paburitong nagduduyang upuan. Nakapikit ang kanyang mga mata na para bang nilalasap ang katihimikan at amoy ng preskong kalikasan. Mahina akong lumapit sa kaniya subalit naramdaman niya ang aking presensya at unti-unti niyang minulat ang kanyang naglalabong mga mata. Tinanong niya kung sino ako. Sabi ko lola ako ito si paula lumapit ako sa kaniya at sinabing aalis na ako papuntang syudad. Nang matapos kong sabihin sa kaniya ang aking pakay, tumayo na ako upang maghanda sa aking paglisan subalit hinawakan ni lola ang aking mga kamay at pinaupo ako sa kanyang tabi. Nagsimula siya magsalita.
Apo alam mo ba na noong kabataan ko ay hindi pa nauso ang washing machine, wala pa kaming gripo upang mas mapadali ang pag gamit ng tubig, subalit kahit na maraming unkonbesiyonal na pangyayari, ni minsan hindi namin naisip na maging tamad o magpabaya sa aming mga obligasyon. Upang masmapadali ang aming paglalaba ay gumigising kami sa unang pagtawag ng tandang, nilalakad namin ang dating malinis na ilog upang makagamit ng tubig. Ginagamit namin ang aming nagkasugat-sugat na mga kamay upang linisin ang aming mga damit na narumihan sa pagsasaka ng palay. Pagkatapos naming manglaba ay uuwi kami sa bahay upang maglinis at mag luto ng almusal. Sa natitirang oras na kami ay walang ginagawa ay naglalaro kami ng habulan, nag kekwento ng aming mga nararanasan at nagpapaturo sa aming nanay ng pagtatahi at pagbuburda. Ang aming kabataan ay maraming ganap, kahit wala kaming selpon at internet na inyong kinaaadikan. Naranasan kong magtago sa mga nagliliparang fighter jets nga mga hapon, makipagpatentro sa mga bala at bomba sa pagitan nga mga pinoy at dayuhan. Naranasan kong mangaso ng baboy ramo at usa sa aming bakuran dahil masigla pa ang kalikasan at dahil tanging mayayaman lamang ang merong telebisyon, at radyo lamang ang kaya ng mga tao noong panahon kaya nagtitipon kami sa bahay ni aling Maria upang makinig tuwing hapon sa nakaka tindig balahibong mga kwento ng mundo mistiko. Ang aming kasiyahan ay napakasimple lamang, ang mga matatanda ay magagaling sa pagsalita ng ingles at wikang kastila. Uso pa noon ang pagharana sa mga dalaga, at konserbatibo pa kami noon sa aming mga kasuutan. Subalit habang patuloy ang paglabong ng teknolohiya, patuloy rin na nakakalimutan ng mga kabataan ang kasiyahan ng mga simpleng bagay na ito. Kaya nga tuwing pinipikit ko ang aking mga mata parati kong iniisip ang mga panahong ako ay bata pa
Ito ang mga salitang huling sinabi sa akin ng aking lola. Nagpatuloy ako sa aking pag-aaral, at sa gitna ng aking semester nakatangap ako ng balita sa aking ina, na ang aking lola ay namatay habang nakaupo sa kanyang paburitong nagdudyang upuan na nakapikit at merong ngiti sa kanyang mga labi. Na animoy nilalasap niya ang huling yugto ng kanyang pakikipagsapalaran.
YOU ARE READING
Read This When Your Internet Connection Sucks
PoetryThis is a collection of short stories and poems written in English and Filipino as our entry for the SOX Zine Fest 2020. With the collaboration of my two friends, we made this compilation with all our whims, fears, and musings into. I hope you like...