Ang Ikadalawampung Taong Anibersaryo ng Horror Maze

2 0 0
                                    

BABALA. Nakasulat sa malalaking titik at makakapal na tinta. Mapapansin ang pagtulo ng pulang pintura sa ilalim ng bawat letra. Marahil ay 'di sinadya o kaya'y ginawa. Alin man sa dalawa, hindi ko alam. Ano ba ang aking alam? Masyadong natuon ang aking isip sa nakasulat ng biglang may bumunggo sa akin. Bumalik ang aking ulirat at tinuon sa harap ang aking pansin.
"Magandang gabi sa inyong lahat," panimula ng lalakeng may hawak na mikropono. Nakasuot siya ng payaso at nakatayo sa may pinto ng horror maze. Maririnig mo ang panaka-nakang bulungan ng mga tao. May nanginginig sa takot, nangangatog sa awra ng lugar. Tumunog ng napakalakas ang speaker ng tawang mala-demonyo. Tatlong malalaking halakhak na puno ng pagnanasa at ganid.
"Oras na. Ihanda ang mga puso sa katatakutan. Pasok na sa aming Horror Maze!" Bumukas ang pinto, patuloy pa rin ang malakas na tawa at nakakasindak na mga tunog. Halo-halo ang ingay kasabay ng tili at tawanan ng mga pumapasok. Nang tuluyan ng makapasok ang lahat, sumara ang pinto at dumilim ang paligid. Lahat ay nangangapa sa dilim. Sinusubukang sanayin ang mga mata sa dilim ng kaligiran. Humina ang tunog sa speaker at ang tanging ingay na maririnig ay ang nanginginig na boses ng mga tao at panaka-nakang tili.
Makalipas ang ilang segundo, bumilis ang musika at lumabas ang mga nakakatakot na mga mukha sa bawat sulok ng kuwarto.
Sigaw.
Sigaw.
Sigaw.
Mabibilis na pagkislap ng mga ilaw.
Berde.
Pula.
Bughaw.
Iba-iba. Samu't saring ekspresyon ang matatanaw.
Ang pawis ay tumatagaktak, sigaw ang naghari sa buong Horror Maze. Ilang minuto pa ang lumipas, tuloy pa rin ang sigawan at takbuhan. May iilan na ring nakalabas at ang iba'y hinahanap pa rin ang daan.
Minuto pa ang dumaan, biglang tumunog ang orasan at lumiwanag ang buong paligid. Mababakas ang pagkadismaya ng mga nasa loob pa rin. Tapos na ang katatakutan at tanging mabigat na hininga ng mga hindi nahanap ang labasan ang maririnig.
"Sayang".
Nasa labas na ang lahat, rinig ang kuwentuhan ng mga magbabarkada sa kung ano ang kanilang mga karanasan. Mababakas ang aliw at takot. Ngunit sa gitna ng saya, may grupo na pagkabahala pa rin ang nararamdaman. Isa-isa nilang nilapitan ang mga taong pumasok sa Horror Maze.
"Mawalang-galang na po, may nakita ba kayong babaeng mahaba ang buhok, naka-pula, at maputi?" Tanong nila. Pare-pareho ang kanilang nakuhang sagot. "Hindi, e." Nilapitan nila ang mga nagbabantay sa labas ng Horror Maze. Ngunit gano'n pa rin, tanging malamig na balikat ang kanilang nakuha.
Nasaan ba siya?
Mababakas ang pagkabahala sa mga mukha nila. Takot, takot ang namuhunan sa kanila. Kung ikukumpara ang bilis ng pagdagundong ng mga puso nila kanina ay mas mabilis ito ngayon.
Umalis na ang lahat at nagsara na ang mga pintuan, subalit, ang nawawalang babae ay hindi pa rin nagpakita.
Nasaan ba siya?
Sino ba siya?
Dumungaw sa aking mata ang lungkot at paghihinagpis.
Bakit?
Ba't hindi niyo ko nakita?
Ba't 'di niyo hinalugad ang Horror Maze na iyon?
Naroon ako, naroon ang katawan ko. Nakahandusay, walang buhay. Hinablot ako ng grupo ng mga lalake at hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Dilim ang pumalibot sa akin. Pagdilat ko ang aking katawan ay nakahilata at gutay-gutay ang pananamit. Inilibing ako sa likod ng Horror Maze, walang may alam, walang humukay sa akin. Umiyak ako nang umiyak ng biglang may kamay na kumapit sa akin.
Marami kami.
Mukha ng mga nagnanais ng katarungan. Biglang tumunog ang musika sa Horror Maze at maririnig ang mala-demonyong tawa. Sabay-sabay naming tinitigan ang pagbukas ng pintuan. May bago na naman silang bibiktimahin.

Read This When Your Internet Connection SucksWhere stories live. Discover now