Ang Kwento ng Sinungaling sa Puno ng Acacia

1 0 0
                                    

Ang Kuwento ng Sinungaling sa Puno ng Acacia

sabi mo darating ka,
maghintay lang ako.
na sa pagsapit ng takipsilim,
ikaw ay magsisilbing ilaw sa dilim.
naghintay ako,
naulinigan ko na lang ang mga kuliglig,
ang tunog ng hanging umiihip,
tinatangay ang pag-asang darating ka pa.
ngunit 'di ata kaya ng kapangyarihan ng oras,
na tangayin ang luhang dulot ng pusong naliligalig.
masyadong mabigat ang nararamdaman ko,
masyado akong umasa sa mga pangako mo.
saan na ang mga kamay na aakap,
sa paglubog ng araw, ang mga matang lumiliwanag,
nasaan na ang mga iyon?
ilang araw pa ba akong maghihintay sa ilalim ng punong acacia?
sa dating tagpuan, kung saan puno ng alaala,
sabi mo maghintay ako at darating ka.
puno ng galak ang pusong dumadaguhoy sa haplos ng uyayi,
ngunit ang mga uyayi ay nagdulot ng nakaririmarim na panaginip.
saan ka na ba?
ilang oras na ay matatanaw ko na ang hilagang bituin,
nakahanda na ang aking daksipat upang tignan ang ating pag-ibig,
ngunit nasaan ka na?
nasaan na ang 'narito na ako, huwag ka ng mag-alala',
heto, nandiyan na ang buwan,
kumakaway pa.
martir nga ata kung sasabihin kong kaya ko pa,
kaya ko pang maghintay ng ilang taon, ilang dekada,
basta ba't makasama lang kita,
maghihintay ako,
sa mga pangako mo.
nandito lang ako sa ilalim ng ating acacia,
na may ukit ng pusong magmamahal pa.
ikaw ang pipiliin, walang mas hihigit pa,
hanggang sa muli nating pagkikita,
hanggang ika'y tuluyan na ring lamunin ng dilim,
ang punong ito ang gagabay sa'yo pabalik sa akin.
sa hintayan ng langit, uubusin ang sandali,
para lang maabutan mo ako, hanggang sa muli.

Read This When Your Internet Connection SucksWhere stories live. Discover now