CHAPTER SIX: MAXSPAUN MOON
NAALIMPUNGATAN SI Deib Lohr nang maramdaman ang kaniyang asawa na bumangon mula sa kama. Naglalaban ang antok at kuryosidad siyang nagmulat at sinilip ang gagawin ng kaniyang asawa. Dumeretso si Maxpein sa banyo at mabilis na naligo. Nag-ayos siya ng sarili, nagpalit ng damit saka tuluyang lumabas ng kwarto. Inaantok man ay bumangon si Deib Lohr. Mukhang kapuputok lang ng liwanag. Naghilamos din siya at lumabas upang tahimik na sundan ang kaniyang asawa.
"Wake up, Spaun," ginising ni Maxpein ang anak. Naroon ang dalawa sa kwarto ng nag-iisang anak. Na hindi naman kumilos kaya kinailangang hawakan sa braso para tuluyang magising. "Wake up." Gano'n na lang kaganda ang ngiti ng ina rito.
Nagmulat si Maxspaun at tumitig sa kaniyang ina. Saka niya kinusot ang mga mata at bumangon. "Mama..." Lumaylay ang mga balikat ni Maxspaun at humikab sa mukha mismo ng kaniyang mama.
"Bangon na," muling anyaya ni Maxpein. "I will show you something exciting."
Nangunot ang noo ni Maxspaun at bumuntong-hininga. Kasunod no'n ay muli itong humikab saka ibinagsak pabalik ang katawan sa kama.
"I'm going back to sleep, mommy," pinikit ni Maxspaun ang kaniyang mga mata.
Nangingiting tinawanan ni Maxpein ang inasal ng kaniyang anak. Tumango-tango siya rito saka tuluyang lumabas ng kwarto nito.
"Inaantok pa?" sinalubong ni Deib Lohr ang asawa na noon ay muling natawa saka tumango sa kaniya.
"Hayaan mo," nilingon ni Maxpein ang anak saka isinara ang pinto ng kwarto nito. "Gigising din 'yan kapag narinig uli ako."
Inihanda ni Maxpein sa bakuran ang gagamitin nila sa pagsasanay kay Maxspaun. Magkatulong nilang binuhat ng asawa ang mahabang mesa na gawa sa kahoy saka isa-isang inilapag doon ang mga gagamitin. Iba't ibang sukat ng espada, pana at palaso, isa hanggang limang palapag na patungan, mga pawang gawa sa kahoy.
Magkatulong nilang isinabit ni Deib Lohr sa puno ang tudluan, pinaglumaang dart board, iyon ang aasintahin nila ng palaso.
"Ito agad ang ituturo mo?" hindi napigilang magtanong ni Deib Lohr. "Come here, uminom ka muna."
Natatandaan niyang nang siya ang sanayin at turuan ni Maxpein at pamilya nito, nagsimula siya sa pisikal na pagsasanay hanggang sa matuto. Kahit pa hindi naging ganoon kahirap 'yon dahil mahaba ang pasensya ni Maksimo. Pero matapos no'n ay saka sila gumamit ng mga armas na gawa sa kahoy. Doon siya medyo nahirapan dahil naghalo ang takot niyang matamaan at alinlangang makapanakit ng nag-eensayo. Nakahawak lang siya ng tunay na mga armas nang dalhin siya ng mga Moon sa archery arena, hindi inaasahang isa sa mga kinaadikan niya. Halos araw-araw siyang magyaya papunta ro'n nang matuto. Hindi lang kasi ang pumana sa iisang direksyon ang kaniyang natutunan kung hindi marami. Nariyan 'yong nakatayo lang, basic, hanggang sa naglalakad o tumatakbo.
"Dito ko lang kukunin ang atensyon niya," tugon ni Maxpein na nasa tudluan ang paningin habang tinatanggap ang bote ng tubig mula sa asawa. "Thanks."
Humakbang siya papalayo ro'n habang pinupunasan ang gilid ng labi na nabasa ng tubig. Naupo siya nang bahagya sa paanan niya at umastang inaasinta iyon kung aakma sa taas ng anak niya. Sa tingin niya ay masyadong mababa 'yon kaya bumalik siya para muling ayusin ang tudluan hanggang sa makontento.
Saka niya kinuha ang maliliit na lobo at nilagyan ng hangin ang mga 'yon. Nang matapos ay isa-isa nilang ikinabit ni Deib Lohr ang mga 'yon sa tudlaan. Ang mga 'yon ang mismong pupuntiryahin ni Maxspaun. Ang bawat kulay ay may akmang premyo. Sinadya ni Maxpein na piliin 'yong mga lobo na kakulay sa markahan ng archery target board.
BINABASA MO ANG
M
Historical Fiction#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read thi...