MAXPEIN MOON

689K 38.6K 86.7K
                                    

"BABE..." PABULONG na pagtawag ni Deib Lohr. "Babe, look..." inginuso niya ang anak sa asawa.

Mula sa paghahalo ng kape sa kaniyang tasa ay nilingon ni Maxpein ang itinuturo ng asawa. Pareho silang namangha matapos makita si Maxspaun na noon ay wala namang ideya pero mag-isang nilalaro ang chess ng kaniyang ama. Tumitira ito sa hanay ng puting pyesa at lilipat sa pyesa ng mga itim upang depensahan ang naunang hakbang niya. Napangiti si Maxpein sa tanawing iyon. Dalawang taon at kalahati pa lang si Spaun ngunit napakarami na nitong ipinakikitang katangian na kahanga-hanga. Nang hindi niya inaalalayan, nang hindi niya tinuturuan, nang hindi niya inuutusan. Sa isip ay hiniling niyang sana ay madala ni Maxspaun iyon hanggang sa paglaki. Dahil nasisiguro niyang may sandali na mawawala sila sa tabi ng isa't isa, hindi dahil ginusto nila kundi dahil iyon ang kailangang mangyari. At sa sandaling iyon, gaya ng ginagawa nito ngayon, mag-isa itong susubok, mag-isa itong tatayo at hahakbang, mag-isa itong gagawa ng desisyon, mag-isa itong gagawa ng paraan, mag-isa itong lalaban at gagawa ng sariling pangalan. Na kahit anong takot at kaba ang maramdaman niya bilang ina, nagtitiwala pa rin siya sa kakayahan ng kaniyang anak.

"Gaano kahirap ang ensayo para maging rango, babe?" mahinang tanong ni Deib Lohr.

Tanaw pa rin nila ang kaisa-isang anak na noon ay kahanga-hanga ang pagkakatutok sa paglalaro. Na para bang nauunawaan na nito nang lubos ang chess sa ganoong edad.

Naroon sila sa dining area at tinatanaw mula sa sala ang abala nilang anak. Sa pagtanaw ay nakikita rin nila ang malawak at magandang bakuran na napalilibutan ng mabababang puno at mga halaman.

"Mahirap. Iyon 'yong hirap na hindi mo masusukat. Dahil ang tanging alam mo lang, sobrang hirap," pabuntong-hininga iyong sinagot ni Maxpein. "Lahat ng pinag-aaralan pa lang ay mahirap, Deib Lohr. Alam mo 'yon. Walang ipinangangak na marunong sa lahat ng bagay at kaya nag-eensayo ay para matuto. Mahirap sa una pero masarap matuto, lalo na kapag naging mahusay ka."

"Ano ang ginagawa sa ensayo?"

Pabuntong-hiningang binalikan ni Maxpein ang napakamura niyang edad. "Isandaang araw ng paghuhusay. Isandaang araw ng pag-eensayo sa mga bagay na mananakit sa 'yo, susugat sa pagkatao mo, huhubog sa iyong abilidad. Kelangan mong bumangon nang maaga para manghuli ng usa at iluto upang makapag-agahan. Kapag nakakain na ang lahat ay tatakbo kayo nang ilang ulit sa parang. Sa pagtirik naman ng araw ay sisimulan na ang pag-aaral ng pinakamadaling uri ng pakikipaglaban gamit ang kamay at paa. Kasunod no'n ay ituturo ang tamang pag-atake at depensa."

"Araw-araw 'yon?"

Tumango si Maxpein. "Araw-araw..." Gano'n kabigat niyang sinabi iyon na para bang kahapon lang natapos ang huling araw niya roon.

Bumuntong-hininga si Deib Lohr. Saka niya inalala kung ilang beses siyang nagreklamo sa paggising nang maaga dahil may practice siya ng basketball. Sa mga sinasabi ng kaniyang asawa ngayon, sa lalim ng buntong-hininga nito at damdamin sa bawat salita, nakaramdam siya ng hiya. Hindi na kataka-takang napakahusay ni Maxpein sa pakikipaglaban. Hindi na nakagugulat na tila hindi ito kakitaan ng takot. Kahanga-hanga lalong ito ang pinakamataas at pinakamahusay sa lahat ng rango.

"Sa tanghali, kailangang mong humuli nang malalaking isda sa ilog para makapananghalian," dagdag ni Maxpein. Ang kaniyang paningin ay naroon sa anak pero ang nakikita niya ay ang nakaraan.

"Babalik ka sa ensayo habang pinipigilang bumaliktad ang sikmura mo. Nakapapagod at walang pahinga o meryenda. Pagdating ng gabi, mahina ka na pero kailangan mo pang humuli ng baka. Kung hindi kasi ay matutulog kang gutom."

"Sa unang linggo ay basic skills ang sasanayin sa 'yo, hand and foot. Walang turuan 'yon, sasabihin lang sa 'yo na sumuntok ka at sumipa; sa ere, sa ilalim o kahit saan pa, basta magawa mo nang tama. Kailangan mong matuto sa sarili mong sikap."

MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon