MOON JIN AH

673K 28.9K 33.3K
                                    

IGINALA MULI ng cheotjae ang paningin sa kabuuan ng bahay ni Maxpein. Malayo iyon sa bahay na nakasanayan niya. Bukod sa masyado iyong moderno, hindi mawala ang paghanga niya sa uri ng buhay na tinamasa ng kaniyang apo. Hindi sa wala siyang tiwala rito, sadyang nahigitan lamang nito ang lahat ng pinangarap niya para sa kanilang pamilya.

"Napakaganda ng bahay ninyo," naisawika niya bago nilingon ang babaeng apo.

Muli ay natingnan niya ito nang may paghanga. Ilang taon na nga ba ang nakalipas mula nang huli niya itong makita? Bakit hanggang sa sandaling ito ay tila naririnig niya ang paghagulgol nito nang sandaling isara ang pinto ng Kaechon sa pagitan nila?

Ngumiti si Maxpein, hindi rin maalis ang paningin sa kaniyang lola. Hanggang sa sandaling ito ay hindi siya makapaniwalang magkaharap sila. Dahil hanggang sa oras na ito, ramdam niya ang sakit na idinulot nang nakaraan nila.

"Binigay sa akin ito ng asawa ko,"madamdaming isinagot ni Maxpein. Hindi malaman kung ang emosyon ay nagmumula sa katotohanang sobra ang magandang buhay na ibinigay ng kaniyang asawa o dahil sa paghanga na nababasa sa mga mata ng kaniyang lola.

Muling iginala ng cheotjae ang paningin sa kabuuan ng bahay. Abot-abot ang paghanga niya sa modernong bahay at uwi ng pamumuhay na tinamasa ng kaniyang pamilya. Nahigitan niyon ang pangarap niya. Ang lahat ng pamilyang Moon na naroon ay nakatunghay lang sa kaniya at malaya siyang pinanonood na humanga.

Tumayo si Maxpein at iginala ang cheotjae sa kabuuan ng unang palapag ng kanilang bahay. Talaga nga yatang hindi na mawawala ang paghanga nila sa isa't isa, ang cheotjae ay dahil sa buhay na tinamasa ng apo, si Maxpein ay sa katotohanang kasama niya muli ang kaniyang lola. Masaya nilang ginawa iyon, ang apo ay sabik na ipinakita ang lahat sa lola, ang matanda ay sabik na gumala at makinig sa kaniyang apo. Madamdaming pinanood iyon ng kanilang pamilya, oras na ang lumipas nang ganoon lang ang ginagawa nila.

Nauntag lang ang lahat nang pumasok si Dirk at ianunsyo ang pagdating ng panibagong bisita. "Heurt Moon is here." Tinanguan niya si More saka binigyang daan si Heurt.

Nilingon ng cheotjae ang bagong dating at matagal na nagdapo ang paningin nila ni Heurt. Naunang tumango ang huli, ngumiti ang cheotjae bago gumanti.

"Cheotjae..." hindi mapangalanan ang emosyon ni Heurt. Sa unang pagkakataon ay nakita at naramdaman ng mga naroon kung paano itong kabahan. Si Heurt Moon na walang kinatatakutan, sa cheotjae lamang nagkaganoon.

"Heurt Moon," nakakagaan ng kalooban ang tinig ng cheotjae, pinangiliran ng luha ang lahat ng nakarinig. "Ikinagagalak kong makita ka."

Muling tumango si Heurt. "Narito ako para ipagluto kayo ng hapunan."

Napamaang at palihim na nagkatinginan sina Yaz at Deib Lohr. Sa kabila nang emosyonal na sandali, 'ayun na naman ang hindi nila makatarungang dahilan, ang hapunan. Sabay ring nag-iwas ng tingin sa isa't isa ang dalawa, ang babae ay napailing, ang lalaki ay bumuntong-hininga na lang.

"Anyway, cheotjae's excited to see you, hindi kami nakapag-breakfast man lang," ani Maximor, si Maxpein ang kausap. "So, I asked Heurt a favor. For sure kasi ay magugustuhan ng cheotjae ang luto niya."

Nanlaki ang mga mata ni Maxpein. "Hindi pa kayo kumakain?" ang paningin niya ay nasa cheotjae.

Dali-dali siyang kumilos, inunahan ang sariling ina sa pagpunta sa kusina. Ngali-ngali niyang inilabas ang iba't ibang uri ng karne, mga gulay at prutas, maging ang iba't ibang sukat ng mga lutuan. Naghugas siya ng kamay at nang maharapan ang dami ng inihanda ay saka lang siya natigilan. Sa dami ng kayang gawin ni Maxpein, wala roon ang pagluluto. Napapamaang niyang nilingon ang pamilya nang humilera ang mga iyon sa entrada ng kusina nila. Pare-pareho nang nakakunot ang noo at may gulat sa mukha ang mga iyon nang akalaing siya nga ang magluluto.

MTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon