CHAPTER FOUR : MOKZ MOON
NAKANGITI AKONG nagmaneho patungo sa pamilyar nang lugar. Hindi ko alam kung dapat kong ipagpasalamat ang natural nang trapiko, dahil do'n ay nakikita ko ang pagbabago sa probinsya ng Laguna. May mga umaasenso, meron din namang hindi nagbabago. Kaliwa't kanan ang pampublikong sasakyan, may mababagal ngunit karamihan ay matutulin. Magkakasunod ang itinatayong exclusive village, kaliwa't kanan naman ang subdivision.
Bago tuluyang mawala ang mga kabahayan sa paningin ko ay binuksan ko ang bintana sa bubungan ng aking sasakyan. Sa parteng iyon ng Laguna ay presko at sariwa pa rin ang hangin. Bagay na nagpapaganda pa rin sa buong lalawigan.
Ang kaninang ngiti ay unti-unting nabahiran ng lungkot nang sa halip na pagbabago sa lugar ay masasakit na alaala ang nakita ko. Muli kong tinahak ang pamilyar na daan kung saan may hindi kaaya-ayang alaala ang aming pamilya. Masakit balikan, masakit maalala. Pero 'yon 'yong sakit na paulit-ulit kong pipiliing maramdaman, hindi ko kayang bitiwan. Sapagkat sa alaala ko na lang nababalikan at nakikita ang aming chairman. Inilingan ko na lang ang nakaraan saka tuluyang ipinarada ang mamahalin kong sasakyan.
Minsan ko pang sinalamin ang aking sarili, tiningnan kung may maipupuna ang sinumang makakita. Nang makontento ay kinuha ko ang mamahalin kong bupanda saka isinabit sa balikat ko. Matapos kong isuot ang brown kong shades ay pinatong ko ang brown ding hat sa aking ulo. Nang makababa ay doon ko pa lang inayos ang dark brown kong coat saka ako tuluyang lumapit sa entrada ng tatlong palapag na building.
"Magandang umaga," magiliw kong bati sa tauhan na sumalubong sa 'kin.
Sinuyod ako ng tingin ng tauhan, hindi ko siya mamukhaan. Alas otso pa lang nang umaga, nakasimangot na siya.
"Oh? Ano'ng kailangan mo?" istriktong tanong nito.
"Ang amo mo, natural," nakangiting sagot ko. "Mukha ba akong mangangailangan sa 'yo?"
Lalong sumama ang mukha nito. "Ayusin mo ang sagot mo, ah?" niyabangan ako nito. "Inaasahan ka ba ni Mr. Wood?"
"Hindi naman. Dumarating ako sa oras na hindi niya inaasahan."
"Hindi kami basta-basta tumatanggap ng bisita rito."
"Hindi rin naman ako basta-basta bumibisita sa isang tao."
"Oh, bakit ka narito? Piling tao lang ang nakakapasok dito."
"Sabihin mo na lang na may bisita siyang Moon."
"Moon?"
Bumuntong-hininga ako. "Hindi na 'ko bago sa lugar na 'to, ikaw ang bago kaya kumilos ka na. Paniguradong mabubulyawan ka kapag nalaman niyang ako ang bisita."
Kunot-noo akong tinitigan ng tauhan, nag-aalinlangan. Nakakainsulto sapagkat sa itsura kong ito, ipinagdadalawang-isip niya ang pagbisita ko. Sa huli ay pinili nitong sumunod sa akin dahilan para makapasok ako.
Panay ang iling at buntong-hininga ko sa bawat kwartong aking madaanan. Mula noon, hanggang ngayon ay hindi nagbabago ang kuta ni Mr. Wood. Nakakasulasok ang usok at iba pang amoy na nakukulob sa lugar na 'yon. Ganoon pa rin ang takbo niyon, sugalan, parausan at palitan ng iba't ibang mga ilegal na transaksyon. Wala talagang kadala-dala itong si Spider. Ginawang kabuhayan ang pagiging tuso.
Marami siyang koneksyon, marami ring kapit. Nalagay nga lang yata bingit ng kamatayan ang buhay nito nang magkapikunan sila ni Maxpein. Nagkamali ang mga Rewis nang isipin nilang mapasusunod nila ang isang Spider Wood dahil pera lang ang amo nito.
BINABASA MO ANG
M
Historical Fiction#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read thi...