MAXSPAUN PROLOGO
"WAKE UP, Spaun..." Mahinahong ginising ni Maxpein ang anak na lalaki. Marahan itong nagmulat at nagtama ang paningin ng mag-ina.
Si Maxspaun ang nagtataglay nang pinakamatatalim na mga mata sa kanilang pamilya. Lalo iyong binibigyang buhay nang makakapal nitong pilik-mata na umaarko paitaas. Nakuha nito ang biloy ng kaniyang tiyuhin, malalim at nakakaakit. Ang labi nito ay tila inukit dahil sa perpektong hugis. Para namang nililok ang ilong nitong may sapat na tangos.
"Bangon na," nakangiti pang dagdag ni Maxpein. Bilang ina ay ang mata ng kaniyang anak ang pinakamagandang tanawing kaniyang nakita. "Ito ang unang araw ng iyong ensayo."
Sandali pang tumitig si Maxspaun sa kaniyang ina bago nilingon ang ama na noon ay kapapasok lamang sa silid. Sa kamay nito ay naroon ang isang baso ng tubig na araw-araw niyang iniinom pagkabangon. Ngumiti si Deib Lohr at inilapag sa side table ang bitbit na tray. Saka siya yumuko upang halikan sa noo ang pitong taong gulang na anak.
"Good morning, son," mahina niyang sinabi.
Tumitig si Maxspaun sa kaniyang ama saka muling bumaling sa kaniyang ina. Tumango si Maxpein dahilan upang marahan na siyang bumangon. Iniabot ni Deib Lohr ang baso at pinanood ng mag-asawa na laghukin nito ang tubig doon.
Emosyonal na binantayan ni Deib Lohr ang anak sa pagligo. Tinulungan naman ito sa pagbibihis ni Maxpein. 'Ayun at siya ang pinakamataas na rango sa Emperyo pero siya ang higit na kinakabahan sa sandaling iyon. Hindi niya malilimutan ang sandaling siya ang gisingin ng chairman. Maging ang pananabik niya nang sandaling iyon ay kaniyang natatandaan. Pero ngayong nakikita niya ang kaniyang anak, pinanghihina siya ng takot. Sinisikil siya ng katotohanang magiging rango ang anak niya gayong magkaiba naman ang kasarian nila.
Tinulungan ni Maxpein na maisabit sa likuran ni Maxspaun ang kahita nito ng palaso. Saka siya naupo sa kaniyang mga paa upang pagpantayin ang kanilang mga mata.
"Magmula sa araw na 'to..." ngumiti siyang pigilan ang sariling emosyon ngunit nabigo si Maxpein. Nakikita ng kaniyang anak ang lahat ng iyon sa kaniyang mga mata. "Araw-araw kang gigising nang ganito kaaga para mag-ensayo, Maxspaun."
Tumitig lang si Maxspaun sa ina at saka tumango.
Tiningnan ni Maxpein ang lahat ng parte ng mukha ng kaniyang anak at saka ngumiti. "Isandaang araw, Spaun. Mag-isa kang titira sa parang at makakahalubilo ang iba't ibang uri ng tao na ngayon mo lamang makikita at makikilala. Maipapangako mo ba sa 'kin na iingatan mo ang sarili mo?"
Tumango si Maxspaun at muling tumango.
Napabuntong-hininga si Deib Lohr. "Don't be sick, Spaun. Eat on time and be brave, I know you can do it," maging siya ay itinago ang emosyon.
"Lalabas ka ng Emperyo at doon ay hihintayin ang ibang bata na makakasama mo sa ensayo,"dagdag ni Maxpein. "Ikaw ang mauuna roon dahil ayaw kong may makakita sa 'yo na nagmula ka rito sa templo."
Nilingon ni Maxspaun ang labas ng bintana, hindi makita sa madilim na langit ang umaga. Pero nasisiguro niyang ilang saglit pa ay magliliwanag na.
Nasa 'baba na ang pamilyang Moon at hinihintay ang ikalawang henerasyon ng kanilang pamilya. Ang legasiya ni Maxpein at siyang pinananabikan ng Emperyo.
Ngunit maliban sa pamilyang ito ng mga Moon, walang nakakikilala kay Maxspaun. Pumaroon sila sa Emperyo nang hindi nakikita ng mga tao ang pinakahihintay na rango.
Muling naupo si Maxpein upang pagpantayin ang paningin nila ng kaniyang anak. "Wala ni isa sa mga iyon ang nakakaalam na nagmula ka sa pamilyang ito. Magpapakilala ka bilang Moon ngunit hindi sa pangalan mo. Malinaw ba ang sinabi ko?" Tumango si Maxspaun. "Maaari kang magpakilala oras na tanungin ka ng reyna."
BINABASA MO ANG
M
Historical Fiction#ProjectM II This work of fiction may include potentially disturbing readings, scenes and discussions around topics such as self-harm, physical violence, emotionally triggering materials, death and suicide. Please engage in self-care as you read thi...