Chapter 28

1.1K 69 2
                                    

CHAPTER 28
_____________

Agad na inawat ni Ante Pamela si Zaphire nang akmain na naman nitong saktan ang halos hindi na makatayong si Barbie. Kahit na hindi pa masyadong napo-proseso ng utak ko ang mga narinig mula kay Zaphire, tinulungan ko si Barbie na makabangon.

Hindi siya makatayo nang maayos dahil sa pagkahilo dulot ng malalakas na sapak at sipa sa kaniyang mukha.

"Get away from that killer, Maria," garagal at matigas na utos ni Zaphire pero hindi ko siya sinunod.

Tinulungan kong makatayo si Barbie saka maiging tiningnan. Halos maluha ako nang makitang dumugo ang gilid ng ulo nito at nagkaroon pa ng pasa. Gusto ko sanang hawakan iyon at umaasang baka mawala ang sakit pero naisip kong madumi ang kamay ko at baka maging dahilan pa ng pagkalala ng sugat nito.

May kaunting bukol at pasa sa cheekbone nito na parang namamaga pa.

"Maria, don't you hear me?" naiiritang saad ni Zaphire

Kahit mukhang naiirita ito, halata pa rin ang selos sa boses nito.

Naiinis ko itong nilingon. "Fire, pwede ba? Maging mature ka naman? Pwede bang isantabi mo muna 'yang galit mo? Matalino ka naman, 'di ba? Alam mo dapat kung sa'n ilulugar 'yang pagiging agresibo mo."

Lagi na lang siyang nananakit.

Oo, alam kong masakit mawalan ng ina. Alam ko rin ang pakiramdam na gusto mong pumatay ng isang tao dahil sa kasalanang nagawa niya. Nagagalit ako noon sa mga nang-aasar sa akin, nanlalait na kulot-salot daw ako sa lipunan. Pero ang mas nagpagalit sa akin ay nang insultuhin akong walang magulang. Masakit 'yon para sa akin.

Isinumpa ko pa noon na maghihiganti ako't puputulan ko sila ng dila para 'di na makapanlait. Pero habang lumalaki, mas naiisip kong 'wag na sayangin ang oras sa mga taong walang magawang matino sa buhay.

"What the fuck, Maria? Does that mean na kinakampihan mo 'yan?" madidiin ang bawat salitang tanong nito saka hinagod nang malakas ang buhok.

"Mga ineng, huminahon nga muna kayo!" galit na saway ni Ante Pamela.

Sinermonan niya kaming tatlo lalo na si Zaphire dahil sa ginawa nito. Kasalukuyan ako ngayong nakaupo sa katre katabi si Barbie. May mga dahon sa kabilang pisngi niya na gawa ni Ante. Lumabas ako ng kwarto nang nakatulog na si Barbie.

Kanina ko pa tinititigan si Barbie at iniisip kung talaga bang kaya nitong pumatay. At Kung anong dahilan ba't humantong ang lahat sa pagkitil ng buhay. Pero hindi ako pwedeng manghimasok.

Ilang beses ko na bang pinaalala sa sarili kong labas na ako sa problema nila pero patuloy ko pa ring iniisip kung ano ba talaga ang nangyari noon. Galit ang magkapatid dahil pinatay ni Barbie ang mama nila.

Bumibigat ang dibdib ko tuwing naiisip kong nagawa ni Barbie na bawian ng buhay ang babaeng itinurin siyang anak. Pero noong kausap ko siya sa bahay nila, kita ko sa mga mata niya kung gaano niya kamahal ang nanay niya. Bakit niya magagawa ang bagay na 'yon?

Posible kayang dahil sa sobrang pagmamahal? Pagmamahal pa rin ba 'yon?

Huminga ako nang malalim. Nakapapagod mag-isip. Hindi ko dapat pakialaman ang bagay na dapat sila lang ang nakaaalam.

"Maria."

Nilingon ko si Zaphire na nakatayo at bagong hilamos ang mukha. Pero namumula ang ilong at mga mata nitong nakaaakit at nakaaawa.

"Sorry sa inasal ko kanina. But I won't regret that," malumanay na saad nito.

Tumango ako. Naiintindihan ko siya.

Curly LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon