Chapter 32

4K 50 4
                                        

Marami na akong nahawakang kaso noong nasa PAO pa ako pero ngayon lang ako kinabahan nang ganito at ngayon lang din ako natakot nang ganito. Halos hindi na ako makatulog kagabi habang iniisip kung anong mangyayari ngayon. Halos hindi ako makahinga at parang humihinto na naman ang mundo ko habang pinapakinggan ang salaysay ni Isay sa witness stand.

"A-Aalis po sana kasi kami ni Jr kasama iyong iba naming kaibigan noon kaya nagpunta ako sa kanila. Wala kasi akong kasama doon sa waiting shed kung saan iyong tagpuan naming magkakaibigan...p-pagdating ko po n-nandoon na po ang s-sasakyan ni Sir Matthew...kilala po siya sa amin dahil nga po madalas siya kina Jr. A-Akala ko po n-nag-uusap lang sila kaya nagulat po ako noong tinutukan ni S-Sir Matthew si M-Mang Armando ng baril...k-kinausap pa po siya ni Mang Armando noon p-pero hindi po sumagot si Sir t-tapos pinaputok na niya p-po...s-sobrang natakot po ako kaya sumigaw na ako a-at n-nagtago...i-ilang minuto lang d-dumating na sina Mang Kanor tapos sina Aling Marie...n-nanginginig po ako noon at hindi ko po alam ang g-gagawin..."

Mariin akong napapikit nang makitang unti-unting lumabas sa mat ani Isay ang mga luha. Bumuga ako ng hininga. "No more questions, Your Honor," sabi ko at tumalikod na. Inalalayan ko pa si Isay pabalik ng upuan namin.

Nanatili akong nakayuko na lang nang makaupo ako. Nasapo ko ang aking noo. Bigla ay para akong nahihilo at parang bumabaliktad din ang aking sikmura. Humingi ng recess si judge kaya inihinto muna ang hearing. Rinig na rinig ko ang mga yapak ng mga sapatos at ingay sa buong courtroom. Nang bumukas ang pinto nito ay kita kong sobrang dami ng tao pala sa likod namin. Nahilot ko na lang ang aking sentido. Pinanatili ko na ang aking atensyon sa baba. Ayokong igalaw ang aking ulo papunta sa kabilang side. Ayokong makita sila. Ayokong makita si Tito at mas lalong ayokong makita si Teon dahil masasaktan lang ako.

Iniisip ko pa lang kung anong magiging resulta ng kasong ito ay nanghihina na ako. Malakas ang kaso namin, sigurado ako roon. Dapat masaya ako dahil nabigyan ko ng hustisya si Mang Armando, pero paano ako magiging masaya kung kaakibat naman ng hustisyang iyon ay ang pagkakulong ng taong malapit na rin sa akin at parang naging tatay ko na rin. Idagdag pang parang nawala rin sa akin lahat. Mag-isa ako. Wala na akong kaibigan. Wala na akong pamilya rito. Wala na ang lalaking mahal ko. Hindi ko alam pero parang ang sama pa rin sa pakiramdam. Masaya ako para sa pamilya ni Mang Armando, pero hindi katulad ng ibang kasong naipanalo ko... ito ang kasong hindi ko yata kayang ipagmalaki pag tumanda na ako. Ito ang kasong ayoko nang pag-usapan pa kasi ang bigat. Ang bigat – bigat sa pakiramdam na nagawa ko nga ang trabaho ko, nawala naman ang pamilya ko.

Bakit ganoon? Bakit kailangang mamili?

Nakagat ko ang aking labi nang maramdaman ko ang pagtulo ng isang mainit na tubig sa aking kamay. Grabe, ni hindi ko alam na umiiyak na pala ako. Madali kong kinuha ang panyo ko at mabilis na pinahid ang aking mga luha. Ilang minuto pa ay bumalik na ang session. Saglit akong pumikit at makailang beses na bumuntong-hininga. Humugot ako ng lakas ng loob bago dahan-dahang tumingin sa kabilang kampo at ganoon na lamang ang paninikip ng aking dibdib at pag-iinit ng aking mga mata nang makita kong nakatingin din si Teon sa akin.

Bahagyang umawang ang aking bibig at agad akong nag-iwas ng tingin. Sandali akong tumingala para pigilin ang mga luhang nagbabadya na namang bumaba. Shit.

~***~

"Ito na yata ang pinaka-kontrobersyal na kaso ngayong taon, mga kababayan. Isang respetadong retired Chief Justice ang nahatulan ng 40 years imprisonment nitong Biyernes lamang sa salang murder. Wala pang balita kung may naihain bang appeal ang kampo ng retired Chief Justice na si Matthew Escueda pagkatapos ng verdict nito. Matatandaang ang pamilyang Escueda ay pamilya ng mga Supreme Court Justices at tanging si Retired Chief Justice Escueda lang ang naging Chief Justice bago iti nagretiro Ilang justices ang nagpahayag ng pagkadismaya sa naturang judge at sinabing klarong klaro sa mga ebidensya at wala raw talaga itong lusot."

Isang bugang hininga ang aking pinakawalan. Agad kong inabot ang remote ng aking TV at mabilis iyong pinatay. Sumandal ako sa likod nga aking sofa at ipinikit ang aking mga mata. Halos mag-iisang linggo na rin ang nakalipas nang matuldukan ang kasong iyon pero hanggang ngayon ay laman pa rin iyon ng balita. Maging sa opisina ay usap-usapan din ang resulta noon. Sobrang daming nagtatanong sa akin tungkol doon pero wala akong sinasagot maski isa.

Marami ring media outlets ang gustong mag-interview sa akin pero wala akong in-entertain. Hindi ko makita ang gamit noon. Bakit kailangan kong magpa-interview? Ang sabi ng mga kasama ko ay exposure daw iyon. Hindi ko kailangan ng exposure. Hindi ako politiko at mas lalong ayokong humarap sa media. Gusto ko na lang kalimutan iyong kasong iyon. Gusto ko nang mag-move on kahit na sobrang sakit at sobrang naninibago ako.

Para akong bumalik sa simula, walang kaibigan, walang kausap, mag-isa lang. Hindi ko na mabilang kung ilang gabi akong umiiyak sa tuwing tinitingnan ko ang cell phone ko dahil naaalala ko si Teon at ang mga kaibigan ko. Ilang araw akong halos hindi makapasok dahil ayokong makita ang Clarke na nasa tapat. Sa tuwing napapadako ang tingin ko roon para akong nanghihina.

Maraming professor ko noon ang nagpaabot ng congratulations at marami ring faculty members ang inimbitahan pa ako sa kung ano-anong event. Proud na proud daw talaga sila sa akin. Ni isa wala akong sinagot na email. May nag-offer pa nga ng 'gift' kuno na condo, pero hindi ko rin tinanggap. Bahala na sila kung masabihan akong snob at maldita. Hindi naman nila alam ang pinagdadaanan ko. Gusto ko na lang ilublob ang sarili ko sa trabaho. Ayoko nang makaalala.

Gusto ko nga rin sanang lumipat dahil masyadong maraming alaala rito pero wala naman akong oras dahil sa dami ng tinanggap kong trabaho. Ayoko nang nauubusan ng papel ang opisina ko. Gusto ko iyong pakiramdam na parang walang katapusan ang trabaho dahil sa ganoong paraan ay trabaho lang ang naiisip ko.

Napaigik lang ako nang biglang tumunog ang cell phone na nasa aking tabi. Bumuntong-hininga ako at tamad na kinuha iyon. Si Ate Arra, tumatawag.

"Hello," pagod kong sabi. Agad kong narinig ang pagbuga niya ng hininga sa kabila.

"Kumusta ka na insan?"

"Okay lang naman ako."

Natahimik kami. Tanging narinig ko lang ay ang pagbuntong-hininga niya sa kabila. "Sigurado ka? Baka pwedeng magbakasyon ka muna?"

Bumuga ako ng hininga. "Hindi pwede marami akong trabaho. Okay nga lang ako," giit ko. Panay kasi ang text niya sa akin nitong nakaraan at panay din ang kulit niya kung okay lang ba talaga ako. Sinasagot ko naman siya ng oo kahit na hindi. Mas mangungulit lang kasi siya at saka isa pa, ayoko na muna talagang pag-usapan ang tungkol doon.

"Hmm. Sige nga, video call tayo?"

Napairap na lang ako sa sinabi niya. Ie-end ko na nga sana kaso ang sabi niya di niya rin daw ako titigilan kaya sa huli ay pumayag na rin ako at tinapat ang camera sa akin. Ang nakakunot niyang mukha ang bumungad sa akin.

"Bakit?" tamad kong sagot.

"Parang tumaba ka yata? Iyong pisngi mo ang bilog bilog na..." Agad na tumaas ang kilay ko.

"Ha? Iyan talaga ang napansin mo?" Bumuntong-hininga ako. Siya naman ang umirap.

"Okay ka talaga sa lagay na iyan?"

"Okay nga ako."

Ngumuso siya at hindi nagsalita. Sandali niya pa akong tinitigan. "Wag kang masyadong ma-stress. Kain ka siguro nang kain no? Lumulobo ka na, o." Bahagya pa siyang tumawa na para bang pinapatawa rin ako. Inilingan ko lang siya. Napatingin din tuloy ako sa sarili ko.

Sa dami ng trabaho ko, talagang kakailanganin kong kumain. Sobrang draining sa utak kaya mabilis din akong nagugutom. Pinupuno ko na nga ng pagkain ang cabinet ko na hindi ko naman talaga nakakain kasi palagi akong umu-order sa Mcdonalds. Minsan naman sa Greenwich. Hindi ako pala – fast food pero siguro dahil wala na rin akong time magluto pa ay nagpapa-deliver na lang ako.

Bumuntong-hininga ako. "Sige na, Ate. Marami pa akong babasahin," sabi ko.

Wala na rin naman siyang nagawa kundi ang tumango na. In-off ko yung tawag tapos ay tinabi na ulit ang cell phone. Muli akong bumuga ng hininga tapos ay hinarap na ang mga papel na nasa aking harapan. Magtrabaho ka na lang, Cassia. Ito na lang. 

Prosecuted (School of Law #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon