Kabanata 15"Oscano..."
Sa boses pa lang ay agad ko na pinatay ang kakasindi lang na sigarilyo.
"Kapitan," bungad ko.
Tumango siya at inilahad ang kamay sa akin habang nakatingin sa hawak ko. Napahawak ako sa aking leeg at agad na inabot ang isang kaha ng sigarilyo. Tahimik ko naman siyang pinanuod magsindi ng isa.
"Bukas na ang baba mo, ah? Bakit parang hindi ka na naman masaya?"
Natawa ako at napailing na lang.
"Masaya naman po, Kap..."
Umiling siya habang hinihithit ang sigarilyo.
"Alam mo... Hindi talaga ako nagkamali sa'yo."
Natawa ako ng bahagya.
"Anong ibig niyo sabihin, Kap?"
Nagkibit siya ng balikat bago nagpatuloy.
"Na malayo ang mararating mo, Oscano..."
Natahimik kami pareho habang tinatanaw ang dagat.
"Ang totoo, matagal ko ng nakikita ang sarili ko sa'yo. Lalo na noong nagsisimula pa lang ako. Masipag ka, matayog mangarap, halos patayin ang sarili sa trabaho, akong - ako..." Humugot siya nang malalim na hininga. "Pero mali dahil tingnan mo naman kung saan ako dinala ng mga ambisyon ko. Tumanda akong mag - isa, iniwan ng pamilya dahil ilang beses ko pinili ang trabaho kaysa sa kanila..."
Umigting ang panga ko at hindi nakatiis magsalita.
"Para sa kanila naman 'to lahat, Kap..."
Tumango siya.
"Alam ko naman. Naiintindihan ko. Ganyan din ang pananaw ko noon. Para sa kanila naman kaya dapat lang na mag - ipon ako nang mag - ipon. Pero sa huli, higit sa pera, mas kailangan pala nila 'ko, mas kailangan ka nila..."
Umihip ang malamig na hangin pero damang - dama ko ang pag - iinit ng mga mata ko.
"Salamat, Kap..."
Narinig ko ang muling pagbuntong - hininga niya pagkatapos ay muli niya akong tinapik sa aking balikat.
"Umuwi ka na at ayoko na munang makita ka ngayong taon. Spend some time with your family. Ang mabuti nga ay mag - asawa ka na. Sa posisyon mo ngayon, panigurado naman na naka - ipon ka na. May pera na kayo, Joaquin. Hindi mo na kailangan patayin ang sarili mo sa trabaho. Walang humahabol sa'yo..."
Ilang minuto pang katahimikan ay iniwan na rin ako ni Kapitan. Nanatili naman ang mata ko sa dagat at sa iba't - ibang kulay ng ilaw na nanggagaling sa mga malalaking barko hindi kalayuan, pitong milya ang layo sa isang baybayin dito sa Istanbul kung saan ako bababa bukas. Mula naman rito, sasakay ako sa eroplano papuntang Dubai hanggang sa tuluyang maka - uwi sa Pilipinas.
Hindi ko maiwasan balikan ang huling sinabi ni Kapitan. Walang humahabol sa'yo... Napailing ako at mapait na napangisi. Wala talagang humahabol sa akin dahil para sa mga kagaya ko na lumaki sa hirap, ako ang may hinahabol araw - araw, kagaya na lang ng oras, oportunidad, at pangarap...
BINABASA MO ANG
Enduring Love
RomanceKung ang tanging pangarap mo ay mabuo muli ang pamilya mo, hanggang saan ang kaya mong gawin matupad lang ito?