Kabanata 21
Déjà vu. Ito ang nararamdaman ko ngayon.
"Iyan! Ang ganda mo!" Pumalakpak si Chia pagkatapos niya akong lagyan ng kung anong kulay pula na nakalagay sa bote, sa aking labi. "Ang ganda-ganda mo talaga! Kung hindi ko lang kilala si Selena ay baka ikaw na ang pinakamaganda sa mga mata ko!"
Ngumuso ako sa sinabi niya. Ramdam ko ang pamumula ng mukha ko dahil sa papuri niyang iyon pero bigla akong napangiwi nang marinig na naman ang pangalan ni Selena.
Sino ba 'yang Selena na 'yan? Hindi ba hiwalay na sila ni Justin?
"May kung ano sa hitsura ni Selena kaya masasabi kong isa siya dyosa." Tulalang sambit ni Chia habang inaayos ang suot kong bestida na may bakal sa may dibdib, gaya ng suot ko noon.
"Mukha ka ng Selena. Iisipin ko tuloy na ikaw ang may gusto roon." Medyo inis na ang tono ko.
Tumawa si Chia, 'yong mahinhin pa rin. "May paghanga ako kay Selena, aaminin ko 'yon. Siguro kahit ikaw, lalo na pag nakita mo siya." Inayos niyang muli ang damit ko, sinilip niya pa ang likod ko at pinasadahan akong muli bago pumalakpak. "Ayos na! Maaari ka nang pumunta sa silid ng mahal na prinsipe!"
Nakamot ko ang kilay. Sa silid? Bakit? Anong gagawin namin at inayusan pa talaga ako ng ganito?
Nakaltukan ko ang sarili nang may imaheng lumabas sa isip ko! Gulat na gulat talaga ako sa ipinakita ng utak ko!
Baka mapatay na ako ni Harris pag nangyari 'yon. Para ngang diring-diri sa akin ang lalaking iyon, well the feeling is mutual!
Natahimik si Chia at biglang tumango. "Masusunod po, mahal na prinsipe." Humarap siya sa akin. "Sa tanggapan ka raw dumiretso. Wala ang mahal na prinsipe sa kaniyang silid."
Napanganga ako. "Paano mo nalaman? Eh magkasama tayo rito?"
Tumaas ang kabilang bahagi ng labi niya. "Kinausap niya ako gamit ang isip."
Napa 'Ahh' naman ako. Para kasing ang bobo ko para itanong pa iyon sa kaniya. Siguro, lahat ng tao rito ay ginagawa na naman iyon. Kaya ko rin ba 'yon?
"Madali lang?" Tanong ko habang naglalakad na kami papunta sa tanggapan daw kuno ni Harris. Hindi ko kasi alam kaya nagpasama na ako.
Hindi ko nga rin alam kung taga saan 'tong si Chia at laging available. Dito ba siya nakatira? O kung hindi naman baka malapit lang ang bahay niya rito.
"Oo, madali lang. Siguro magagawa mo iyon kapag kinausap na ng mahal na prinsipe. Ngunit hindi ko rin sigurado kung lahat kami rito ay kaya iyon. Minsan kasi nararamdaman ko na lang na kinakausap ako ng mahal na prinsipe gamit ang isip."
Mangha naman akong napatango sa kaniya. Titig na titig ako kay Chia, buti naman at hindi na siya biglang nagpapalit ng anyo. Nakakagulat kasi talaga.
"Titig na titig ka sa akin. Hihihi." Lumingon siya sa akin, kitang-kita ko tuloy ang kulay green niyang mga mata.
"Ang ganda ng mga mata mo."
Napakurap-kurap siya kaya lalo akong namangha. Kinagat niya ang pang-ibabang labi. Napansin ko ang pagpula ng pisngi niya.
"Luh, kinikilig ka ba, Chia?" Pang aasar ko.
Mahinhin siyang tumawa at hinawakan ang pisngi. "Kinikilig? Ano ba 'yon?" Lumingon siya sa akin at pulang-pula talaga siya. "Masarap sa pakiramdam ang sinabi mo. Nararamdaman ko rin na mainit ang buong mukha ko." Inosenteng aniya kaya ako naman ang natawa.
"Ang cute mo!" Inakbayan ko siya. "Kinikilig ka nga kung ganoon." Napatili ako nang bigla siyang lumiit at lumipad palayo sa akin. "Chia!"
Dinig ko ang mahinhin niyang tawa na lalong naging mahina. "Narito ka na sa tanggapan ng mahal na prinsipe, Almerie."
BINABASA MO ANG
Almerie At Ang Mahiwagang Libro (COMPLETED)
काल्पनिकIsang babaeng walang ginawa kung hindi ang magbasa nang magbasa. Sabi nila ang pagbabasa ay isang mabuting gawain. Pero sa sitwasyon niya, isang dalagang...hmm? Dalaga siya, hindi lang halata. Isang dalagang sobrang hilig ang pagbabasa ng love stor...