"Hoy bata."
Naging dahilan ang malalim na boses ng binata upang manlaki ang mata ng nakababatang estudyanteng natigilan sa kanyang ginagawa at dahan-dahang lumingon at nakita ang diretsong tingin sa kanya ng kanyang Senior.
"Po?" Pilit ngiting harap ng lalaki sa kanya.
"Freshman ka palang diba?" Tanong nito sa batang wala paring imik na nag-iisip ng palusot at tinaasan ito ng kilay nang hindi ito sumagot. "Wala ba kayong klase?"
"A-ah ano po kasi..." paghahanap pa ng palusot ng mas nakababata ngunit hindi naman nakatakas sa paningin ng nakakatanda ang kahang pilit nitong itinatago sa kanyang likuran.
"Ano?" Apurang tanong nito habang matalas na nakatingin sa kaha na nasa kamay nito. "Nagcut ka ng klase para manigarilyo? E kung isumbong kaya kita sa Dean?"
Kinuha nito ang kaha mula sa kamay ng nakababata nang ito'y manlaban, ngunit nang mapagtanto nitong wala siyang laban sa kanya ay bumitaw nalang ito at tumakbo pababa mula sa rooftop ng building ng eskwelahan kung saan sila naroroon upang tumakas.
"Hoy! Bumalik ka ri—" Akmang hahabulin na nito ang bata nang may narinig itong isang pasigaw na boses mula sa kabilang sulok ng rooftop.
"Ano ba yan! Ang ingay naman!" Kunot noong sambit ng isang babaeng tumayo mula sa isang arm chair na nakatago sa gilid at nag-unat ng kanyang katawan.
Lumapit si Jeron sa kung saang banda nakapwesto ang dalaga at tinitigan ito.
"Kanina ka pa ba dito?" Tanong ng binata dito na tinanguan lamang ng dalaga. Unti-unti itong lumapit sa kanya dala-dala ang kahang nakuha nito mula sa estudyante kanina. "Alam mo bang may freshman dito kanina? At alam mo bang naninigarilyo yun?"
Iritang napatigil ang dalaga mula sa pagkamot ng kanyang mata dala ng kagigising pa lamang nito dahil sa sunod sunod na tanong ng lalaking nasa harapan niya. "Bakit ba?"
"Anong bakit ba? Alam mo naman sigurong non-smoking area ang buong campus diba?"
Tumayo ang dalaga at naglakad tungo sa harap ng binata, na pinagmamasdan naman siya at ang kanyang ginagawa.
"Una sa lahat, hindi na menor de edad yang mga batang 'yan. May sarili na yang mga choice sa kung anong gusto nilang mangyari sa buhay nila. Pangalawa, sila rin naman malalagot kung mahuli silang humihithit nito sa loob ng campus," panandaliang huminto ang dalaga sa pagdada at kumuha ng isang stick ng sigarilyo mula sa kaha at itinuro sa kanya. "Kaya di ko alam kung anong pinuputok ng butsi mo. Gusto ko lang matulog, pwede ba?"
Akmang sasagot na rin ang binata nang may biglang bumukas ng pinto patungong rooftop at nakita ang dalawang may hawak na mga sigarilyo sa kanilang mga kamay, na agad namang nakapagpatigil sa kanilang pagbabangayan. Matalas silang tinignan ng isa sa kanilang mga guro habang ang dalawa ay gulat na nakatingin sa kanya.
"Mr. Liamzon and Ms. Kastro. To my office. Now."
At gusto mang sumagot ng dalawa ay wala na silang nagawa kundi ang sumunod dito.
...
"Badtrip naman oh."
Kahit na rumason ang dalawa kanina na hindi naman sila gumamit ng sigarilyo nang ipatawag sila ng isa sa mga komon nilang guro ay wala na silang nagawa. Bilang parusa at bilang unang beses pa lang naman itong nangyari, pinatawan sila ng dalawang oras ng community service at pumalit sa mga dyanitor ng eskwelahan. Kasalukuyang nagwawalis ang dalawa sa isang maduming parte ng campus. Pinapasada ng dalaga ang walis tingting niya sa mga tuyong dahon na nasa lupa.
"Edi sana ngayon pa ako nagising," bulong pa ng dalaga nang marinig nito ang bell ng eskwelahan na tumutunog kada oras.
Hindi man siya tignan ng binata ay dinig nito ang kanyang mga hinaing. Hindi rin nito alam kung bakit pa siya nakialam sa freshman na nakita niya kanina. Masyado lang yata siyang naging OA.
"I'm sorry," sambit nito, rason para tignan siya ng dalaga. "Penelope, right?"
"Hm," tango ng dalaga. Ito ang unang beses na nag-usap ang dalawa mula nang makalabas sila sa office. "Okay lang."
"Di ka galit?"
Sarkastikong tumawa si Penelope at umiling. "Nandito rin naman na tayo."
The boy pressed his lips together, pinakikiramdaman ang kilos nilang dalawa habang parehong walang nagsasalita.
"Jeron Aries Liamzon. Tiga Arki." Pagpapakilala at pagbasag nito sa katahimikan, awkward na nakalahad ang kamay na tinignan naman ni Penelope. "Again, sorry sa kanina. I mean sa ngayon. Nadamay ka pa."
"Penelope Kastro. Second year Civil Engineering." Masyado nang matagal na nakalahad ang kamay ni Jeron kaya't tinanggap niya ito. "Bilisan nalang natin 'to nang matapos na kahit 'di pa ubos yung time. Gusto ko na umuwi."
"Right. May practice rin ako."
"Para saan?" Takang tanong ng dalaga.
"Swimming." Diretsong sagot ni Jeron. Hinubad nito ang jacket na kanyang suot dahil naiinitan ito. "Part kasi ako ng swimming team."
"Ah, sana all." Nagsimula na muli siyang magwalis. "Pa'no nalang yung mga nakahawak lang sa gilid ng pool tuwing swimming outings?"
Bahagyang napatigil si Jeron sa pagwawalis at interesadong tinignan ang kanyang kasama.
"Di ka marunong lumangoy?" Nangingiting tanong ni Jeron sa dalaga. Ang hindi nito pag-imik ang nakapagudyok ditong tuluyan nang matawa.
Totoo naman. Kahit noong bata pa lamang siya ay takot na siya sa malalim na tubig, dahil kung ano ano ang naiisip niyang nasa ilalim nito. May matatapakan ba siyang butas na hihigupin siya sa kung saan o may likhang di katulad natin na hihila sa kanya. Oo, kahit nasa pool. Kaya sa tuwing naiisip niya ang mga 'to, nagmumukha lang siyang asong nauulol kakagalaw.
Matalas niyang tinignan ang lalaki habang nakatuko sa hawak nitong walis. "Wag mo 'kong tawanan!"
Ngunit mas lalo lang itong natawa, habang si Penelope naman na nangingiti ay nahawa sa tunog ng halakhak nito.
Inakala man nilang ang unang pagkakataong ito'y siya nang huli, sila'y mali. Dahil iyon pa lamang ang simula.
BINABASA MO ANG
Penny and Aries
ContoDati pa man ay naniniwala na si Penelope na ang kinalalabasan ng mga bagay bagay sa buhay natin ay resulta ng mga sarili nating gawain. Na tayo ang may kontrol ng mga sarili nating buhay at kailangan nating panindigan ang bunga nito. Ngunit nung nak...