Chapter Fifteen: Una't Huli

18 2 2
                                    

Ang mataas na na sikat ng araw na pumasok sa maliit na bukas ng bintana ang nakapagpa-gising kay Penelope. Sa kanyang paggalaw ay naramdaman niya ang pagpintig ng kanyang ulo, ngunit mas mabigat ang kanyang damdamin. Kasabay ng dahan-dahan niyang pagbukas ng kanyang mga mata ay ang pag-alala niya sa kung anong araw na. Dahil doon, para bang mas nawalan lamang siya ng lakas na simulan ang araw kahit na hindi pa man siya nakakabangon.

Sa nakalipas na isa't kalahating oras ay hindi bumangon si Penelope mula sa kanyang kama. sinusubukan niyang matulog muli, isang bagay na hindi niya halos magawa sa mga nagdaan na araw. Muli niyang bahagyang binuksan ang kanyang mata nang marinig niyang bumukas ang kanyang pinto, ngunit 'di niya ito tinignan at tumalikod siya kanina para umiwas sa ilaw mula sa labas para maiwasan niyang masilaw.

Pitong araw. Pitong araw na ang nakararaan mula nung insidente sa El Cuervo, ngunit kahit isang linggo na ang nakakalipas ay dala niya parin ang bigat. Kahit dumaan man ang mga linggo, mga buwan, o kahit taon. Hindi niya alam kung kailan, at hindi niya alam kung paano babangon.

Naramdaman niya ang maliit na kamay ng kanyang kapatid na hinawakan ang kanyang balikat. Mula do'n ay tinignan na nito ang mata ni Zeke na may maliit na ngiti sa kanyang labi.

"Ate, let's get ready?"

Hindi niya alam kung ano, ngunit parang may humatak sa kanya na tumayo at magpatuloy, bago tumango si Penelope dito at ibinalik ang ngiti na bigay ng nakababata sa kanya.

Hanggang sa pagkain nila ng tanghalian ay hindi pa rin gaanong nagsasalita si Penelope at nakafocus lang sa kanyang pagkain. Kasama niya sa hapag sila Nestor at Minerva, ang kanyang kapatid, pati na rin ang kanyang mga magulang na humanap kaagad ng paraan na makauwi sa bansa nang umabot sa kanila ang balita. Matapos madaliang kumain ni Penelope ay nagpaalam itong aakyat na muli sa kanyang kwarto para maghanda. Wala nang ibang nagawa ang mga nakatatanda kundi ang tignan ang isa't isa nang may pag-aalala sa kanilang mga mata.

Tinignan ni Penelope ang kanyang repleksyon sa salamin sa kanyang kwarto. Maputla na labi at malalim ang eyebags. Dahan-dahan ay pinasada niya ang kanyang kamay sa kanyang buhok na nakaayos na't nakatali ang itaas na kalahati at nakalugay ang pangbaba. Patuloy niyang pinasada ang kanyang kamay hanggang sa mga kusot ng kanyang puting bestida, bago huminga ng malalim at muling inalala ang mga bagay na naganap sa nagdaang linggo.

Isa..

Dalawa..

Tatlo..

Apat..

Lima..

Limang beses niyang tinawagan ang numero bago may tuluyang sumagot. At kahit na rinig ni Penelope ang boses mula sa kabilang linya, hindi pa rin nito naibsan ang kaba at pagkabahala nitong nadarama.

"Aries? Buti nalang talaga at sumagot ka na. Kanina pa ako kinakabahan kasi may narinig akong balita na may mga naaksidente daw sa beach kung saan kayo ngayon? Okay lang ba kayo, Aries?" Hingal na tanong ni Penelope, naghihintay ng tugon mula sa kabilang linya.

"Ate..."

Ngunit hindi niya alam na hindi si Jeron ang kanyang kausap, kundi si Eric.

Si Eric na basag ang boses, bakas rito ang kaba at pagkaluray.

"Eric?" Muling tanong ng dalaga sa kausap. "Eric, okay lang kayo, 'di ba?"

Unti-unting tumataas ang boses ni Penelope na bahagyang ikinalalaki ng mata ni Zeke na kanina pa siya pinagmamasdan.

"A-Ate... kanina po kasi... nagsurf sina Kuya Jeron at Kuya D-Derek," rinig sa boses ni Eric ang pagka-bigla at ang tangka na makahanap ng mga tamang salita na sasabihin. "Naunang makabalik si Kuya Derek... pero hindi nakaya ni K-Kuya Jeron ang a-alon."

Penny and AriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon