EPISODE 1

10.2K 78 2
                                    

Malungkot ang mukha ni Matthew nang pumasok siya sa loob ng tinutuluyan nilang apartment ng asawa.

"Nandito ka na pala," wika ni Christine nang makita ang asawa. "Kumusta ang trabaho Sweetie? Napagod ka ba? Nagugutom ka ba? Gusto mo ipaghanda kita ng makakain?" tanong ni Christine sa kapapasok lamang na asawa. Sinalubong niya ito sa pamamagitan nang paghalik sa pisngi ng asawa.

Hindi sumagot si Matthew. Nagpatuloy lamang itong naglakad at tinungo ang sofa na nasa gilid lamang ng pintuan at doon ay naupo.

Bahagyang kumunot ang noo ni Christine. Napansin niya ang lungkot sa mukha at mga mata ni Matthew na kanyang ikinataka.

"Bakit ganyan ang mukha mo? Nakabusangot?" pagtatanong ni Christine. Naupo rin ito sa tabi ni Matthew at nakatingin sa asawa. Nakakaramdam siya ng pag-aalala.

Napatingin naman si Matthew sa asawa. Hindi pa rin nawawala ang lungkot nito sa mukha.

Napabuntong-hininga ito ng malalim. "Wala na akong trabaho... Sweetie," dismayadong wika niya at muling humugot ng malalim na hininga.

Nagulat naman si Christine sa sinabi ng asawa. "Ha? Bakit naman?" magkasunod na tanong niya.

Marahas na nagbuga nang hininga si Matthew. Iniwas niya ang tingin sa asawa at bahagyang yumuko ang ulo.

"Bago lang kasi ako sa pinapasukan ko. Kailangan nilang magbawas ng tao at since na bago nga ako, isa ako sa tinanggal nila," wika ni Matthew. Ang trabaho nito ay isang messenger sa isang kilalang kumpanya. "Wala naman akong magawa kasi empleyado lang nila ako," saad pa niya sa dismayadong boses.

Lumapit nang bahagya si Christine sa asawa. Nang makalapit ito ay niyakap niya ito.

"Okay lang iyan, Sweetie. Makakahanap ka pa rin naman ng ibang trabaho diyan," ani ni Christine. Pinapagaan niya ang loob ng asawa.

"Hindi iyon okay, Sweetie." Nag-angat nang mukha si Matthew saka tiningnan ang asawa na humiwalay sa pagyakap sa kanya. Seryoso siya. "Wala na akong trabaho. Ano na lang ang ipangtutustos natin sa pangangailangan natin? Si Liam, papasok na sa grade one sa darating na pasukan. Maraming dapat alalahanin," dagdag pa nito sa tono na nag-aalala. "Ang hirap pa naman makahanap ng trabaho ngayon," wika pa niya.

Si Liam, limang taong gulang at papasok na sa grade one sa darating na pasukan. Napaka-cute ng batang ito at kahawig ang amang si Matthew.

Huminga nang malalim si Christine. "May naipon pa naman tayo para kahit papaano'y may ipangtustos sa mga gastusin dito sa bahay. Pwede muna natin iyong gamitin habang wala ka pang nahahanap na trabaho."

"At hanggang kailan tayo bubuhayin niyang naipon mo? Hanggang bukas? Hanggang sa isang linggo? Sweetie, mauubos rin 'yan lalo na ngayon na lahat ay nagmamahal," ani ni Matthew. Hindi nito mapigilan na uminit ang ulo dahil sa dami nang iniisip.

"Bakit kasi hindi mo ako hayaan na tulungan ka? Maghahanap ako ng trabaho para kahit papaano'y makatulong sa gastusin dito sa bahay," saad ni Christine.

Lalong sumeryoso si Matthew.

"Napag-usapan na natin 'yan, 'di ba? Ako ang maghahanap-buhay kasi ako ang lalaki. Ikaw, dito ka lang sa bahay at alagaan mo si Liam," may diin na salita ni Matthew. Pamaya-maya ay bumuntong-hininga siya. "Hayaan mo, bukas na bukas rin, maghahanap ako ng trabaho."

Napabuga nang hininga si Christine. Iniwas niya ang tingin kay Matthew at tiningnan ang nakapatay na telebisyon sa harapan nila.

"Hay! Bakit ba kasi ang hirap ng buhay dito sa Pilipinas? Ang hirap maghanap ng trabaho at ang mga bilihin, tumataas ng sobra," naiinis na saad ni Christine. "Parang wala ng pag-asang umahon pa ang mga tao sa bansang ito."

Steal Him If You Dare (Romance Drama)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon