Oras ng Hagulhol
By: redeyes24
"Kuya! Ayusin mo na raw 'yung mga gamit mo!" sigaw ko kay kuya habang inaayos ang sariling gamit. "Oo, ito na papasok na!" balik na sigaw sa akin ni kuya mula sa labas ng bahay..
Dahil sa trabaho ni papa ay kinakailangan naming magpalipat-lipat ng bahay. Hindi ko na nga alam kung pang-ilang beses na kaming lumipat ng bahay ngayong taon. Kaya minsan tuwing pumapasok ako sa eskwelahan eh tinatamad na akong makipagkaibigan dahil alam ko rin namang aalis rin agad kami, kahit pa sabihin na senior high student na ako, nakakalungkot pa rin na wala kang kaibigan na masasandalan at nakakakwentuhan. Hindi nagtagal ay natapos ako sa pag-aayos ng aking gamit kaya napagdesisyonan ko na magligid-ligid sa bagong bahay namin."Pero iba rin pala 'tong nalipatan namin ngayon, pang-yayamanin! May pa-second floor pa at chandelier sa sala, pati 'yung kulay pangmayaman, white na may gold!" napapanganga na lang ako sa mga bagong bagay na aking nakikita. Dahan-dahan ko namang hinahaplos ang mga kumikinang-kinang na figurine at antigong kagamitan na mukhang hindi na dinala ng dating nagmamay-ari ng bahay. Meron ding isang orasan na malaki, grandfather clock yata ang tawag nila rito, na kulay itim na may ginto sa gilid. "Totoong ginto kaya 'to?"
"Hoy, Maribel! Maribel! Tama na 'yang tingin-tingin na 'yan, ayusin mo muna mga gamit mo." napalingon naman ako kay mama na abalang-abala sa pag-aayos sa kusina.
Naks, ang laki ng kusina, may pa-counter na malaki at talagang naka-tiles pa. Sabi ko sa aking isipan habang binabagtas ang daan papuntang kusina.
"Maribel, alam mo ba kung bakit umalis ang dating nagmamay-ari ng bahay na ito?" kuryos akong napalingon kay kuya na punong-puno ang bibig habang nagsasalita. Kahit alam kong baka kalokohan lang ang sasabihin niya ay tumango na lang ako. "Sabi kasi nung kapitbahay natin na nakiki-chismis kanina sa labas eh, simula raw ng naitayo itong bahay may naririnig daw silang iyak ng mga bata tuwing gabi, eh wala naman daw anak 'yung mag-asawang nakatira rito noon. Sabi pa nila parang nabaliw daw 'yung mag-asaw—"
"Mama! Si kuya oh! Nananakot na naman!" alam kong parang bata ako dahil sa mabilis akong matakot pero hindi ko maiwasang kilabutan sa kinukwento ni kuya dahil sa sobrang laki nitong bahay eh baka may kung anong maligno o aswang na nga ang nanirahan dito.
"Jefferson! Huwag mo ngang tinatakot 'yang kapatid mo, alam mo namang iyakin 'yan eh." saway ni mama at pinanlisikan ng mata si kuya. "Aray naman, Ma! Wala namang hampasan oh!" reklamo ni kuya ng tampalin siya ni mama sa balikat, pinanlakihan naman siya ulit ni mama ng mata dahil sa pagsagot nito sa kaniya. "Saka totoo kaya 'yung sinasabi ko, sabi pa nga nung Aling mataba na nakakwentuhan ko Engineer daw 'yung mag-asawa at baka raw ang ginamit na pagpapatibay ng pundasyon nitong bahay eh dugo ng mga bata. May ilang bata pa nga ang nawala noong ginagawa itong bahay kaya mas naging sigurado sila." isang malakas na dagok ang napala ni kuya mula kay mama na napapailing-iling na lang. Masnatakot naman ako sa pinagsasasabi ni kuya kaya nilingon ko si mama.
"Nako, Maribel, huwag mo nang pansinin itong kuya mong abnoy. At ikaw naman Jefferson tama na ang pananakot mo sa kapatid mo ang tanda-tanda mo na, magtatapos ka na sa kolehiyo pero ito't nananakot ka ng bata. Tignan mo ang kapatid mo namumutla na! Alam mong matatakutin 'yan tapos magkukwento ka pa ng ganiyan. Saka chismis lang 'yan, baka gawa-gawa lang 'yan ng mga Marites nating mga kapitbahay na wala na namang magawa sa buhay nila." lintiya ni mama bago magpatuloy sa pagkain, wala naman ng nagsalita sa amin ni kuya at nagpatuloy na lang din sa pagkain.
Lumipas ang halos dalawang buwan at magno-Nobyembre na, laking pasalamat ko naman dahil wala namang kahit anong nakakatakot na bagay ang nangyari. 'Ngayon, mas sigurado akong gawa-gawa lang ng mga kapitbahay namin ang kwentong iyon!' May pagkakataong naichichika pa iyon sa akin tuwing lumalabas ng bahay ngunit ipinagsasawalang-kibo ko na lang din.
"Maribel, ikaw muna ang tumao rito sa bahay at mamimili kami ng kuya mo para sa Halloween at Undas." napalingon ako kina mama at kuya na nasa pintuan na at handa nang umalis. "Ingat kayo at huwag kalimutan ang pasalubong ko!" sigaw ko at kumaway pa ako sa kanila habang tinatanaw sila palabas ng gate. Nang makitang wala na sila ay ipinangpatuloy ko ang panonood ng pelikula.
Tick... Tock... Tick... Tock
Napalingon ako sa grandfather clock na nakatayo malapit sa malaking salamin, ngayon ko lang din napansin na medyo may kalakasan pala ang tunog nito.
"Uwaaaaaa!!!"
"Ano 'yon?!" gulat akong napatayo at nilibot ang tingin, muli kong binaling ang tingin sa orasan at alas-otso na ng gabi. "Sabing sino 'yan?!" muli kong sigaw ng marinig ko ulit ang malakas na palahaw ng bata. Bigla akong nangilabot ng maalala ko ang kwento ni kuya noon, na may bata daw na naiyak simula ng na itayo ang bahay na ito. Napatingin ako sa itaas ng maulinigan ko na parang doon nagmumula ang iyak. Papatayin ko sana ang TV ngunit biglang nawalan ng kuryente na mas lalong nagpakabog ng dibdib ko.
"Ahhh! Aray!" napatingin ako sa paanan ko ng may maramdaman akong bumaon sa aking talampakan. "Ahh, ba't may lego rito?!" inis kong sigaw at ang mga luhang kanina ko pa pinipigalan ay tuluyan ng bumagsak dahil sa halong takot, kaba, at sakit ng paa. Ngunit hindi ito nagtagal dahil sa muli kong narinig ang iyak ng mga bata na parang sumasabay sa aking iyak. Sisinghot-singhot akong tumayo upang magpatuloy sa paglalakad. 'Bakit gano'n? Parang hindi ako nakakalapit sa kwarto ko?' Naguguluhan kong tanong sa sarili.
"Maribel..."
"Ha? Ha?" nagpalingon-lingon ako ngunit wala akong makita... wala akong makita, bukod tanging kadiliman na biglang bumalot sa akin. "Mama? Kuya? Mama! Kuya Jef!" ngunit walang tugong akong narinig. "Kung prank lang 'to itigil niyo na, please!"
"Maribel... Maribel..."
Napaupo ako mula sa aking kinatatayuan at napayukyok na lamang habang pigil-pigil ang luhang hindi na maawat sa paglabas, mas lumakas naman ang mga sigaw na aking nadidinig. Paulit-ulit nilang sinasambit ang aking pangalan na para bang may gusto silang sabihin, parang pinapapunta nila ako sa kung ano man ang meron sa dulo ng kadilimang ito.
"Ano 'yon?!" nagsitayuan ang aking mga balahibo ng may naramdaman kong humaplos mula sa aking balikat papuntang braso, naging dahilan ito upang mas lumakas ang aking iyak at masmangilabot sa kung ano man ang mga susunod pang mangyayari.
"Uwaaaaa! Maribel... gis... ka... oh!"
"Sabi ko naman kasi sayo Jeff, huwag mong tinatakot si Maribel eh! Huwag ka nang umiyak Maribel, nandito na si Mama hindi ka na ulit namin iiwanan ni Kuya Jeff." mga salitang binitawan ni mama na nagpagaan sa loob ko, napakamot naman sa batok si kuya at bahagyang tinapik-tapik ang balikat ko. Nakahinga man ako ng maluwag dahil nandito na sila, ngunit hindi pa rin mawala sa isipan ko na baka maulit muli ang pangyayaring ito.
Napatingin ako sa sahig ng mapansin ang isang pulang bagay. 'Teka, ayan 'yung lego na naapakan ko!' Humiwalay ako ng yakap kay mama upang makatayo at doon lang ako natauhan na nasa second floor ako at hindi imahinasyon ang narinig... ang mga nangyari sa akin, niligid ko ang aking paningin hanggang sa napadpad ito sa grandfather clock na nakatayo malapit sa salamin, '8:05'.
Limang minuto lang ang lumipas simula ng marinig ko ang atungal ng mga bata, ang pangyayari sa buhay ko na pakiramdam ko ay parang ilang oras o dekada kong naranasan. Ang kadilimang bumalot sa akin na kahit kailan ay hindi ko makakalimutan. Mga pangyayaring hinihiling kong isang masamang panaginip na lang sana.
'Pero, parang may mali...' Napaluhod na lang ako at dahan-dahang nagsidaluyan ang aking mga luha ng may napagtanto akong bagay na mas lalong nagpagimbal sa buong pagkatao ko dahil...
"MATAGAL NG HINDI GUMAGANA ANG ORASAN NA 'YON..."
--- tHe eND---
Oras ng Hagulhol
By: redeyes24
"There are always unexplained events that might happen once in our lifetime; it's either good or bad, and real events that we wish that those events should be the dream."
BINABASA MO ANG
One Shot Stories
Storie breviMga kwentong gawa-gawa ni author at ang iba ay real life stories... Puro ka-dramahan at kakatawanan samahan na din ng katatakutan. Hindi mahilig sa romance si author eh. Also follow my other stories... Love yah my REDeras and REDeros! •-• Aishite...