Chapter 7

200 19 5
                                    

🍀🍀🍀

HINDI makapagdesisyon si Jodelyn kung iiwan si Ico o hindi. Naging maayos na ang relasyon nila sa nakalipas na isang linggo, nabawasan na ang pagka moody ni Ico.

Hindi na rin nito binabanggit ang pangalan ni Frenzy, parang normal na ang relasyon na namamagitan sa kanila, parang hindi dumaan sa delubyo, dagli ang pagbabago ni Ico.

May business trip ulit ito sa susunod na araw, at iyon naman ang gagamitin niyang pagkakataon para makausap ang matandang Albanese. Ilang araw na din itong hindi nagpaparamdam, hindi katulad noong mga araw na parang tigre si Ico sa pagseselos, sa gabi ay palagi siyang pinadadalhan ng mensahe ng matanda. Itinatanong sa kanya kung maayos ba si Ico, naging spy nga ang labas niya sa tuwing kinakamusta nito ang anak. Umiiwas daw kasi dito ang anak nito.

Napakagat labi siya, nag iisip habang nakahalukipkip sa harap ng automatic washing machine. Laba day niya ng araw na iyon, nasa third floor naman si Ico, sa loob ng opisina nito. May mga inaasikaso daw ito, kanina nga halos ayaw paistorbo ng katukin niya para dalhan ng meryenda.

Okay naman sa kanya kung ayaw nitong magpaabala, ayaw din niya ng naaabala kapag naglalaba siya. Kaya lang nagtataka siya kung bakit noong isang gabi hindi siya niyakap ng asawa niya.

Bakit kaya?

Kung titingin siya sa salamin, malaki na talaga ang nagbago sa mukha niya, wala na siyang tigyawat at tanging mga pimple mark na lang ang natira at nagsisimula na din siya sa Diamond peel treatment niya, balak din niyang magpa lazer para tuluyang maprevent ang mga pimple mark sa mukha niya. Kahit paano hindi na din gaanong halata ang baku-bako niyang ngipin dahil sa makinang niyang brace. Alam niyang matagal ang proseso bago maging maayos ang mga ngipin niyang salik salik. Pero handa naman siyang maghintay.

Gusto niyang mas gumanda pa para hindi na maghanap si Ico ng iba. Smooth na ang relasyon nila, may patutunguhan na, ang kailangan na lang ay matibay na pundasyon para hindi sila mauwi sa hiwalayan. Pero kung ang habol niya ay ang alagaan si Ico at intindihin ang ugali nito. Paano na ang anak niya? Napabuga siya ng malalim na hininga.

Sabagay pwede naman siyang magdesisyon kapag nalaman niya na buntis na talaga siya. Saka na siya magpapasya ng gagawin pagkatapos ng resulta ng pregnancy test niya. May schedule na siya bukas sa OB-GYN.

Napabuntong hininga si Jodelyn at inabala na lang ang sarili sa paglalaba. Nang matapos siya, nagtungo naman siya sa kusina para magluto ng lunch. Habang abala sa paghihiwa ng mga rekado sa lulutuin niyang ulam, sumulpot naman si Ico sa kusina. Naglakad ito palapit sa ref, binuksan iyon matapos ay kumuha ng tubig. Nang makainom lumabas ulit ito ng kusina.

Nangunot ang noo ni Jodelyn, napaisip siya bigla. Hindi ba siya nakita ni Ico? Bakit hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin? Ano ba ang nangyayari dito?

Malalim siyang napabuntong-hininga. Hindi na normal ang kilos ni Ico, bukod sa hindi na nakakatuwa, nasasaktan na din siya sa hantarang pambabaliwala nito sa kanya na para bang wala siya sa bahay nito. Nagpahatid ito ng pagkain sa third floor sa halip na saluhan siya. Nawalan tuloy siya ng gana.

At ng gabi na matutulog na sila nasa third floor pa din si Ico, hanggang sa makatulog siya at magising hindi niya naramdamang tumabi sa kanya ang asawa. Sa inis niya umalis siya ng bahay ng hindi nagpapaalam. Hindi rin siya nag abalang magluto ng almusal.

Maaga pa kaya sa halip na magtungo sa ospital nagpalipas muna siya sa isang coffee shop. Bago lang iyon at mukang kabubukas palang, siya palang ang tao sa loob, ala sais palang ng umaga kaya wala pang gaanong tao. Pumwesto siya sa pinaka dulo. May lumapit agad na waiter sa kanya at kinuha ang order niya.

"Kahit PANGET ka pa" (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon