Chapter 8
"MASAYA ako para sa 'yo, Azrael. Kasama mo na ang babaeng magpapasaya sa 'yo habang buhay. Alam ko na magiging mabuti siyang asawa dahil ang singsing ko mismo ang naghatid sa kanya para sa 'yo."
Napakurap na lang si Azrael nang mahimigan ang boses na iyon. Nang lumingon siya ay nakita niya si Lea. Nakangiti ito at payapang-payapa ang hitsura. Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit."Oh, God! Totoo ba ito? Nayayakap kita, nahahawakan kita!" Hindi niya mapigilan na mapaluha dahil sa sayang nararamdaman.
Napangiti naman si Lea. "Wala na ako, Azrael. Matagal na akong patay pero patuloy pa rin akong nabubuhay sa isip at puso mo dahil ayaw mo akong pakawalan."
"Iyon ay dahil mahal na mahal kita!"
"Alam ko, nararamdaman ko pero hindi lang iyon ang dahilan kaya nasa puso mo pa rin ako. Sa iyong isip ay sinisisi at pinaparusahan mo ang sarili mo at dahil doon ay nasasaktan ako. Kaya para matigil na ang ginagawa mo sa sarili mo ay hinatid ko sa 'yo si Anna."
"Si Anna..." kusang lumabas sa bibig niya at sa isang saglit ay lumitaw ang imahe nito sa likod ni Lea. Napatitig siya rito at nang makitang umiiyak ito ay parang may isang libong karayom ang tumusok sa puso niya. Nang makitang maglaho ito ay natigilan siya saka napatingin kay Lea.
"Habulin mo siya at huwag nang pakawalan pa. Mapapasaya ka niya, magiging mabuting asawa siya sa 'yo." Ngumiti ito pagkuway bumitaw na sa pagkakahawak niya. "Sana pagkatapos nito ay mapakawalan mo na ako. Gusto ko nang magpahinga, Azrael..." at tuluyan na itong naglaho sa harapan niya.
"Lea!" Hinabol niya ito pero walang hanggang kadiliman ang bigla ay bumalot sa kanya.
NAALIMPUNGATAN si Anna dahil sa naririnig niyang ungol sa kanyang tabi. Si Azrael, pabaling-baling ang ulo na para bang binabangunot ito. Pinilit niya itong gisingin pero parang may glue sa mga mata nito dahil ayaw bumukas ng mga mata nito.
"Lea, bumalik ka. Huwag mo akong iwan!"
Natigilan siya sa tinatawag nitong pangalan. Napapanaginipan nito ang dating asawa. May kung anong kirot ang biglang sumundot sa puso niya. Hindi niya maintindihan kung bakit niya kailangan maramdaman iyon.
"Azrael! Azrael! Gumising ka!"
"Lea!" Tumitig ito sa kanyang mga mata at nang mahimasmasan ay tinawag na siya nito sa pangalan niya. "I-i mean, Anna. I'm sorry, hindi ko sinasadya na matawag ka sa pangalan ni Lea."
"Okay lang. Naiintindihan ko." Sandali siyang nanahimik saka hinapit ang kumot sa kanyang dibdib. "Ayos ka lang ba? Pawis na pawis ka." Pinunasan niya ang pawis sa noo nito. "Napanaginipan mo siya 'no?" Tumango ito bilang sagot. "Anong panaginip iyon? Puwede ko ba malaman?"
Bumuntong-hininga ito saka napahilamos sa mukha. "H-hindi ko na maalala, nagparamdam lang yata siya sa akin."
Napatango-tango na lang si Anna saka umalis na sa kama. Nagpunta na siya sa banyo para maligo. Binuksan niya ang gripo ng shower at tumingala. Ano kayang napanaginipan ni Azrael tungkol sa asawa nito? Baka naman kaya nagpaparamdam ay dahil sa mga nangyayari sa kanila ng lalaki? Baka nagseselos ito? Baka multuhin siya nito dahil akala ay inaagaw niya si Azrael!?
BINABASA MO ANG
Fated Ring
RomanceThe Wedding Symbol PHR Collaboration Series Book 3 Azrael and Anna