Chapter 3
MALUNGKOT na bumaba ng tricycle si Anna. Matapos magbayad sa driver ay umakyat na siya ng hagdan na siyang daanan papunta sa kanilang bahay.
Hindi siya natanggap sa trabaho. Iyon ang ikinalulungkot niya. Nakaabot naman siya sa call time ng interview pero hanggang first interview lang ang inabot niya. Sabi ay tatawagan na lang daw siya pero 'yong mga kasamahan niya kanina ay nagte-take na ng exam.
Echosera sila! 'Don't call us, we will call you' daw pero nagpapaasa lang naman!
Padabog na binuksan niya ang pinto ng bahay nila pero nagulat na lang siya dahil wala doon ang nanay niya at si Mando. Tahimik ang paligid samantalang alas quatro pa lang ng hapon. Kapag kasi ganitong oras ay nakahilata lang si Mando sa mahabang upuan at natutulog na walang damit pang-itaas habang nakatutok ang electric fan. Ang nanay naman niya ay nasa kusina at naghahanda ng meryenda para sa lalaki. Minsan ay nasa kapitbahay nila at nakikipagkwentuhan. Biglang may namuong kakaibang kaba sa puso niya. Hindi niya maintindihan.
Tinawag niya ang kanyang ina, nagpunta siya sa kusina at sa kuwarto ng mga ito pero wala talaga. Bigla siyang may napansin na papel sa ibabaw ng TV nila. Kinuha niya iyon at binuklat. Sulat kamay ng nanay niya. Sinasabi nito na umalis ito kasama ni Mando sa Maynila dahil ipapakilala daw ng lalaki ang ina sa mga magulang nito na sa Pasay nakatira."Weh? Totoo naman kaya iyon? Ito namang nanay ko, sumama naman sa lalaki! Baka mamaya niyan ay iligaw pa siya doon sa Maynila, saka kailan nga pala ang uwi ng mga iyon? Wala man lang pasabi!" Hindi niya maiwasang mag-alala. Kung sana ay may cell phone ito ay namo-monitor niya ang ginagawa ng mga ito. Naupo siya sa mahabang upuan. "Diyos ko! Ako lang pala mag-isa rito." Napabuga siya ng hangin.
Ayos lang naman sa kanya na mag-isa dahil nasanay na siya. Saka 'buti nga ito, walang butete siyang nakikita sa paligid. Maaliwalas na ulit ang bahay niya! Ilang sandali pa ay nagpasya na siyang pumasok sa kuwarto niya para magpalit ng damit nang may maapakan siya. Kinuha niya ang tila kwentas pero ang pendant ay isang singsing na kulay silver na may mga magagandang bato bilang desenyo. Ang pinakamalaking bato roon ay hugis puso na kulay violet, nakakahalinang pagmasdan.
"Ay! Ang ganda!" Inalis niya sa gold lace ang pendant na singsing at isinuot iyon sa ring finger niya sa kanang kamay. Itinaas niya ang kamay para makita kung bagay ba sa kanya ang singsing at napangiti na lang siya dahil bagay na bagay iyon sa kanya. Kasyang-kasya pa na para bang sinukat iyon sa daliri niya. "Pero saan naman kaya galing ito at bakit pakalat-kalat dito? Teka, baka ninakaw ito ni Mando! Imposible naman kasi na magkaroon ng ganito rito kung hindi ninakaw ng butete na iyon!"Sa naisip ay pabigla niyang hinawakan ang singsing at akmang huhubarin sa daliri niya pero hindi na iyon mahubad. Parang na-stock na doon.
"Patay!" sabi niya habang nakatitig sa singsing. "Kailangan maalis ito sa daliri ko. Baka may naghahanap na nito at akalain pa na ninakaw ko. Letseng Mando talaga 'yon! Nag-iwan pa ng problema rito." Nagpunta siya sa kusina at nagsabon ng kamay, umaasa siyang mahuhubad ang singsing pero wala talaga. "Paano ba kita aalisin sa daliri ko?"
Iyon ang tanong na palaging naglalaro sa isip niya. Kailangan na mahubad niya ito ngayon din! Sa kakaisip ay nakatulugan na niya iyon. Pero hindi pa rin siya sumuko para matanggal ang singsing. Sa loob ng dalawang araw ay gumagawa siya ng paraan para mahubad ang singsing. Binabad niya ang kamay sa mantika, nilangisan din niya iyon para dumulas at nanood pa nga siya sa Youtube ng mga paraan kung paano matatanggal ang singsing pero wa epek. Bahala na lang si Batman! Siguro naman ay matatanggal din ito sa tamang panahon. Hindi na niya namalayan ang oras, basta kinabukasan ay nagising na lang siya dahil sa mga katok sa pintuan nila.
Pupungas-pungas siya ng mga mata na bumaba ng kama pagkuway binuksan ang pinto.
"Heto ba ang bahay ni Mando Lembot Jr.?" tanong sa kanya ng lalaking naka-uniform na pulis.
BINABASA MO ANG
Fated Ring
RomanceThe Wedding Symbol PHR Collaboration Series Book 3 Azrael and Anna