Chapter 1
Five years later...
NAPABALIKWAS nang bangon si Azrael nang mapanaginipan na naman ang huling sandaling kasama niya ang asawa. Napahilamos siya ng mukha. Pawis na pawis siya na para bang hinabol siya ng isang mabangis ng hayop na ang tawag ay bangungot. Kailan kaya siya magigising na hindi ang bangungot na iyon ang huli niyang matatandaan sa kanyang panaginip?
Sa totoo lang ay napapagod na siya. Pero ano naman ang magagawa niya? Si Lea ay hindi na matatanggal sa kanyang sistema dahil ito ang natatanging babae na kanyang minahal. Si Lea sana ang babaeng magdadala sa kanyang mga anak at makakasama niya habang-buhay pero isang malagim na pangyayari ang naganap kaya sila pinaghiwalay.Kahit kailan siguro ay hindi na niya makakalimutan iyon. Ang putukan ng mga baril, ang duguang katawan ni Lea, ang pagpikit ng mga mata nito at ang katawan na wala nang buhay sa kanyang mga bisig.
Kasalanan ito lahat ni Juancho, nakuyom niya ang kamao.
Si Juancho ay anak ng isang grupo ng terorista sa Mindanao. Five years ago, si Azrael ay isang sundalo. Ang bansag nga sa kanya noon ng kanyang mga kasamang sundalo ay Angel of Death, dahil lahat ng mga nagiging kalaban niya ay hindi na nasisikatan pa ng araw. Bagay na bagay din daw sa pangalan niya dahil ang Azrael sa Hebrew bible ay identified as Angel of Death.Pinadala siya, kasama ng ganyang grupo sa Mindanao para gapiin ang mga terorista doon. Umabot ng dalawang buwan ang pananatili nila roon dahil bukod sa kailangan nilang makipagbakbakan sa mga terorista ay kailangan din nila na siguruhin ang kaligtasan ng mga sibilyan doon.
Sa dalawang buwan na iyon ay nagbunga ang pananatili nila roon dahil na-corner na nila ang ugat ng terorismo. Si Ka Berto kasama ang mga kamag-anak nito na nagbabalak pa lang tumakas para makalabas sa Mindanao. Nagkaroon ng matinding bakbakan at hindi maiiwasan na nalagasan sina Azrael ng mga tao. Pero mga sundalo sila at mamamatay sila para sa kaligtasan ng kanilang bayan. Nagtagumpay naman sila na magapi ang lahat ng kasapi ng grupo ng mga terorista at matapos niyon ay pinarangalan silang lahat. Nobya na niya noon si Lea na masayang-masaya din dahil sa karangalan na dinala niya.
Isang taon matapos niyon inaya na niyang magpakasal si Lea, tutol ang mga magulang ng dalaga noon sa kanya dahil sa isa siyang sundalo. Natatakot ang mga ito para sa anak dahil baka raw maagang mabalo. Naiintindihan naman niya ang mga ito dahil wala naman talagang kasiguruhan ang buhay ng isang sundalo lalo na kapag nasa isang misyon. Kaya naman para mapanatag ang mga ito ay na-quit siya, sinakripisyo niya ang pagiging sundalo para kay Lea, ganoon niya ito kamahal.
Pero may mga tao pa pala sa kanyang nakaraan ang hindi tuluyang nawala. Bumalik si Juancho na akala niya ay napatay niya noong nabaril niya ito at nahulog sa bangin. At talagang sinakto pa ng gago kung saan kakatapos lang ng kanyang kasal. Pinatay nito si Lea, naipaghiganti naman niya ang asawa dahil nang araw na iyon ay siniguro niya na patay na talaga si Juancho sampo ng mga kasama nito. Pero kahit nawala na ang mga ito ay hindi naman naibalik ang buhay ng kanyang asawa.
Napapikit siya nang mariin pagkuway marahas na napabuntong-hininga. Bumaba na siya sa kanyang kama at nagpunta sa kusina para maghanda ng makakain niya. Siya lang mag-isa rito sa bahay niya sa Bicol. Tatlong taon na ang nakakaraan nang magpatayo siya ng bahay rito sa dulong bahagi ng bayan ng Daraga.
Itong bahay na ito dapat ang magiging tahanan nila ni Lea, palagi kasi itong nagkukuwento sa kanya noon na gusto nito ang Mayon Volcano, na gusto nitong manirahan kung saan kapag titingin ito sa labas ng bintana ay makikita nito ang malawak na karagatan at makakalanghap ng sariwang hangin. At heto na ang dream house ng kanyang asawa.
Napailing na lang siya. Matapos na mag-toast ng bread at magtimpa ng kapeng barako ay umupo siya sa stool at nagsimula nang kumain. Dito sa bahay na ito, siya lang mag-isa. Wala siyang katulong, walang kamag-anak, siya lang gumagawa ng mga bagay-bagay rito sa bahay niya. Mula nang maipatayo ito ay rito na rin siya nanirahan.
BINABASA MO ANG
Fated Ring
RomanceThe Wedding Symbol PHR Collaboration Series Book 3 Azrael and Anna