Chapter 2
TULOY-TULOY na pumasok si Anna sa loob ng bahay nila. Kakauwi lang niya galing sa Busay at ngayon ay tinatawag niya ang Mama niya. Wala ito sa sala kaya dumeretso siya sa kusina, wala rin ito doon. Lalabas sana siya sa backdoor nang biglang bumukas ang pinto ng C.R nila. Lumabas doon si Mando na bagong ligo lang. Nakatapis ng puting tuwalya sa ibabang bahagi ng katawan.
Feeling pogi ang gago! Mukha namang butete ang hitsura! Payat kasi si Mando pero malaki ang tyan. Paano hindi lalaki ang tyan, puro alak ang laman!
"Oy, dumating na pala ang anak ko." Lumapit ito sa kanya at akmang yayakapin siya pero mabilis niya itong dinuro.
"Huwag kang makalapit-lapit sa akin dahil sasapakin talaga kita," banta niya rito habang umaatras.
Ngumisi naman ang lalaki pagkuway naglakad palapit sa kanya. Parang walang pakialam sa naging banta niya. Shit! Kapag talagang ganito na nasosolo siya ng hinayupak niyang amain ay lumalabas ang pagkademonyo nito. Sana lang ay nakikita ito ng nanay niya para naman magising na ito sa katotohanan na isang kalaban ang lalaking ito!
Pero teka, bigla niyang naisip, ano kaya kung magpahawak siya sa lalaking ito at hayaan na gawin ang gusto sa kanya? Tapos ay maabutan sila ng ina na ganoong posisyon, iiyak siya na lalapit dito saka siya magsusumbong na balak siyang halayin ng amain! Siguradong kakampihan na siya ng ina at maniniwala na itong masamang tao si Mando!
Pero magandang ideya nga ba 'yon? Napailing na lang siya. Siya rin ang kusang nagtapon ng ideyang nasa isip. Eww, iniiwasan nga niya ito kapag nasa paligid na tapos ay papahawak lang siya para maging pain? No way!
Kinuha niya ang kutsilyo na nasa gilid lang ng lababo. Hindi pa nahugasan iyon at may bahid pa ng dugo ng isda na siyang naging ulam nila kanina. Itinutok nito ang patalim sa lalaki, umatras naman ito habang nakataas ang dalawang kamay.
"Hoy, baka matamaan ako niyan!"
"Talagang tatamaan ka nito sa oras na hawakan mo ako. Nakikita mo itong dugo ng isda? Gusto mo ihalo ko ito sa dugo mo?"
"Ikaw-"
"O, ano? Natakot ka? Tandaan mo, Mando, hindi ako magdadalawang-isip na butasan ang lalamunan mo kapag may ginawa kang masama sa akin." Siya naman ang lumapit sa amain. Nakakuha na siya ng tapang dahil sa kutsilyong hawak. "Kung ang nanay ko ay nauuto mo dahil sa pakitang-tao mo puwes huwag ako! Matagal ko nang alam na may balak kang masama sa akin pero hindi ko hahayaan na mahawakan mo kahit dulo ng buhok ko!"
Muli ay ngumisi ang lalaki sa kanya, pinaraanan ng dila ang sariling labi. "Ang tapang mo talaga, Anna. Hindi ka pa rin nagbabago. Pero wala naman akong gagawin sa 'yo na masama. Sadyang mapanghusga ka lang sa kapwa mo, lalo na sa akin dahil simula pa lang na nagkarelasyon kami ni Judith ay ayaw mo na talaga sa akin, 'di ba? Kaya nga noon ay nagpatawag ka pa ng baranggay para ipahuli ako dahil ano? Dahil lang sa tinititigan kita?"
Mas humigpit ang hawak niya sa kutsilyo. Totoo ang sinabi ni Mando, tatlong taon na ang nakakaraan nang pumunta siya sa baranggay para isumbong si Mando dahil sa mga titig nito sa kanya na malaswa. Bagong magkarelasyon pa lang ang nanay niya at ang lalaking ito. Ayaw kasi maniwala ng nanay niya sa kanya dahil alam din kasi nito na ayaw niya na magkaroon ito ng karelasyon. Akala siguro ng nanay niya ay gumagawa lang siya ng istorya para mahiwalayan si Mando.
Dumating ang mga tanod at kinausap sina Mando at Judith tungkol sa naging sumbong niya. At ang nanay niya, ipinagtanggol na naman ito. Wala naman daw ginagawang masama si Mando. Sinagot niya noon ang nanay niya, naging bastos siya dahil sa sobrang inis kaya hayon, nasampal siya nito at mas lalong nadagdagan ang tampo niya sa ina noon.
BINABASA MO ANG
Fated Ring
RomanceThe Wedding Symbol PHR Collaboration Series Book 3 Azrael and Anna