"Pravahe-sampar-payami, pramahite-shada-cha-asmi"
Kung anong ibig-sabihin n'yan, hindi ko rin alam. Basta ang tanging alam ko lang ay tinatawag nila iyang Mantra. Ito ay tumutukoy sa mga banal na salita, parirala o tunog na binabanggit ng paulit-ulit bilang meditasyon. Sa pagkakaalam ko rin, nagmula ang mga Mantra mula sa relihiyong Budhismo. Sinasabi nilang iyan ay mga salitang proteksyon sa isip na nagbibigay ng pagpapala sa kung sino man ang magbabanggit o makikinig. Ngunit totoo nga ba?
Kung ako ang tatanungin, hindi ko rin alam. Hindi rin naman ako kabilang sa Budhismo at sa katunayan, pinanganak akong isang debotong Katoliko. Pero wala akong nakikitang pagkakaiba ng Mantra sa dasal ng Ave Maria na paulit-ulit ding sinasabi kapag nagrorosaryo. Dapat ay malakas ang pagkakabigkas at naniniwala kang magkakatotoo. Pagpapala ang dala ng rosaryo katulad ng Mantra.
Para sa akin, isa lang naman ang katotohanan sa bawat relihiyon; kung ano ang pinaniniwalaan mo, iyon ang nagaganap sa buhay mo.
Ngunit ewan ko ba kung bakit, simula nang umuwi si Mama galing sa ibang bansa, ginagawa na namin ang ritwal na sa tingin ko ay hindi naman gawing Katoliko o Budhismo. Hindi ko alam kung saang relihiyon galing ang ritwal ng Mantrang binanggit ko kanina. Sinasabi ng mga magulang ko na mahalaga ang Mantrang ito. Ito raw ang nagbibigay sa amin ng grasya.
Kay Mama nagsimula ang ritwal na ito:
Tuwing ika-13 ng araw ng bawat buwan, mag-aalay kami kay Laughing Red Buddha ng Mantra at isang buhay. Maaari kaming magkatay ng manok sa harap ng rebulto. Kung walang manok, maaaring baboy o kahit anong hayop ang ialay namin. Iniiwan namin sa loob ng liblib na kubo ang alay, pagkatapos sinasara namin ang pinto. Kinabukasan ay kukunin namin ang patay na katawan ng hayop at ililibing namin sa pinakamalapit na bukid.
Tinuruan kami ng aming mga magulang sa proseso ng ritwal na ito. Kapag wala ang aking ama't ina sa ika-13th na araw, inaasahan nila na kaming magkakapatid ang gagawa ng ritwal.
Sa totoo lamang ay hindi ko gusto ang buddha na iyon. Mas kakaiba iyon kumpara sa mga Buddha na nakita ko sa China Town. Masasabi kong "hindi friendly" ang ngiti ng rebulto. Kinikilabutan ako kapag nakikita ko ang ngiti nito. Pakiwari ko'y pinagtatawanan ako ng pulang estatwa.
Sa pagbabasa ko ng ilang artikulo tungkol sa Budhismo, napag-alaman kong malas ang ilapag ang rebulto ng Buddha sa sahig. Malas din na nakatago lamang, kaya dapat naka-display ito sa labas bilang pampaswerte. Isa pa iyon, sa aking pinagtataka. Bakit nakalapag lamang sa alikabuking sahig ang rebulto ni Buddha? At bakit din ito itinatago sa kubo na nasa likod ng aming bahay?
Minsan ay sinabi ko ito sa aking ina at hindi ko inasahan ang isinagot niya sa akin. "Basta! Ang kulit mo naman, e. Nagtatanong ka na naman," iritado niyang tugon, "Sumunod ka na lang. Kailangan nating gawin ang ritwal kundi maghihirap ulit tayo."
Hindi lingid sa aking kaalaman na simula nang umuwi si Mama galing sa India dala-dala ang Laughing Red Buddha, sunod-sunod ang naging swerte sa aming buhay. Nanalo ng Lotto si Papa, na-promote sa trabaho si Kuya, nanalo si Bunso sa isang Sport Competition. At ako? Hindi rin ako makapaniwalang natanggap ako sa dream job ko. Nakapagtayo kami ng sariling business. Nakabili rin ng sariling lupa at nakapagtayo ng sariling bahay. Sa isang iglap, yumaman kami.
Puro papuri ng mga tao ang aming natatanggap. Ang mga kapit-bahay naman ay nagtataka dahil sa biglaan naming pagyaman. Sa isip nila, baka may illegal kaming ginagawa. Hindi ko naman sila masisisi dahil ako rin ay nagtataka sa bilis ng aming asenso.
"Ma, sa'n mo ba napulot 'yang, Red Buddha?" usisa ko dahil punong-puno na ako ng kuryosidad tungkol sa rebulto.
"Sinabi ko naman sa 'yo, nang maging OFW ako sa India, may nagbigay sa akin n'yan. Isa 'yong kaibigan. Kung hindi dahil sa kanya, naghihirap pa rin tayo ngayon."
Hindi ako nakaimik. Paulit-ulit akong nagtatanong tungkol sa rebulto at mantra, paulit-ulit din naman ang sinasagot ni Mama.
Kailangan mong gawin ito. Kailangan mong maniwala ----- puro ganyan lang ang sagot niya.
"A Laughing Red Buddha gives good luck, always remember that, anak."
Ewan ko. Parang ayaw ko nang makinig sa kanya.
"Huwag kang papalya! Lagi mong tatandaan na gagawin ito kada-13th ng bawat buwan." At ito na naman ang walang katapusan niyang paalala.
"Oo, mama." At ito naman ako; napipilitan na lang na um-oo.
Pero paano kung hindi ko nagawa ang mantra at ritwal sa tamang oras? Ano kayang mangyayari?
***
Minsan naglaro sa aking isipan, paano kung hindi ko gawin ang ritwal? Pero wala naman akong intensyon na sadyaing kaligtaan. Laman lang iyan ng aking kuryosidad.
Pero ngayong ika-13 ng Oktubre, taong 2022... sobra akong napagod sa trabaho. Alas-dyis na ako ng gabi nakauwi sa bahay at pagdating ko sa loob ng tahanan ay walang katao-tao. Ako lang mag-isa. Nagpadala ako ng mensahe sa messenger para tanungin ang aking mga kapatid at mga magulang.
--- Nasaan na kayo?
Sa kanilang lahat, si Mama lang ang nag-reply. ---- Busy pa ko, 'nak. Sino nang tao sa bahay?
---Ako pa lang, Ma.
---Ikaw na ang magbigkas ng Mantra sa Buddha. Kunin mo 'yong isang kalapati sa hawla. Ialay mo do'n.
---Nasaan po si Laura, ba't di pa umuuwi?
--- Iyong kapatid mo, may school project na inaasikaso. Nasa bahay siya ng kaklase niya. Huwag mong asahan ang Papa mo na makakauwi nang gabi. Madaling araw na 'yon uuwi dahil dumalo 'yon ng birthday party. Ang kuya mo, nasa girlfriend n'ya.
Napahilamos ako sa mukha gamit ang palad nang marinig kong lahat sila ay mas abala kaysa sa akin. Ngunit pagod na pagod na rin ako at gusto ko nang magpahinga.
---Inaasahan kita. Ioseph, gawin mo ang Mantra.
---Opo. Mama.
Parang robot at walang emosyon akong tumugon sa aking ina. Pinutol ko na ang linya at binagsak ang katawan sa malambot na kama. Tinitigan ko ang phone, 10:00 pm pa lang naman. May oras pa ako para magpahinga. Kahit siguro gawin ko na lang ang ritwal nang mga bandang Alas-onse.
Pumunta ako sa kusina para maghanap ng makakain para sa midnight snack. Binuksan ko rin ang Netflix sa telebisyon at nanood muna ng paborito kong series.
Hindi ko inaasahan na biglang bibigat ang talukap ng aking mga mata at makakatulog sa kama. Hindi ko inaasahan na makakalimot ako sa oras.
Pagmulat ko ng mga mata. Natatarantang tumingin ako sa oras. Napamura ako nang malakas nang makita kong lumagpas na sa 12 ang maikling kamay ng wall clock.
12:02 am (Oct 14, 2022). Hindi na 13th ngayon. Lumipas ang buong araw na walang gumawa ng ritwal sa pamilya namin. Nagpa-panic na tumayo ako at nagmadaling pumunta sa likod ng bahay.
Okay lang kaya ito? Dalawang minuto lang naman akong na-late. Pagbibigyan naman siguro ako ni Red Laughing Buddha....
(TBC)
BINABASA MO ANG
MƖƊƝƖƓӇƬ ƦЄƊ : PROCRASTINATION
HorrorGenre: Horror-Thriller/Suspense/Paranormal/Drama (@2022) "It was because of your procrastination. Ikaw ang nagsimula ng sumpa, ikaw rin ang makakatapos nito. Can you handle the guilt, Ioseph?" Alam ni Ioseph na siya ang may kasalanan kung bakit suno...