PROCRASTINATION: CHAPTER 10

45 11 3
                                    

At aking napagtanto ang isang bagay, kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kalakas , at kahit pa busilak ang iyong kalooban, ay wala ka pa ring laban sa mga nilalang ng kadiliman. Mali ang sinabi ng Shaman na may pag-asa kami. Napatunayan ko iyon nang makita ko siyang walang kalaban-laban na sinasaktan ng Mara sa isang sulok ng silid.

Wala na akong ideya sa kung anong nangyayari, halos nanlalabo na nga ang paningin ko dahil sa natamong pinsala. Basta, naaaninag ko na pinapaangat ng Mara ang katawan ng kasama namin sa hangin, nakataas ang isang kamay nito at halos hindi makahinga si Mr. Shan kahit hindi naman nakahawak ang kamay ng halimaw sa kanya. 

Pinikit-pikit ko ang mga mata at sa wakas nakakita na rin ako nang malinaw. Nagimbal ako nang mapagmasdan ko ang mukha ni Mr. Shan na hindi na makahinga at pinipilit na lamang labanan ang halimaw. Sa ganoong punto, alam kong mamamatay siya kapag hindi tumigil ang demonyo.

Kailangan kong gumawa ng paraan. Not another dead person because of me... Pinilit ko ang sariling makabangon mula sa pagkakalugmok sa sahig. Napansin ko ang mga butil ng kosher salt na nagkalat sa paligid. Dumakot ako ng lumpon ng mga butil at tumayo saka binato sa likod ng Mara.

Natigilan ito sa pananakal kay Mr. Shan at ininda ang likod na ngayo'y umuusok na dahil sa asin na sinaboy ko. Nawala ang pokus nito at lumagapak ang lalaki sa sahig habang sapo-sapo ang dibdib at leeg na piniga ng Mara.

Masama ang tingin na bumaling ang demonyo sa akin. Itinaas nito ang kanang kamay at may kung anong bumalot sa katawan ko dahil hindi ako makagalaw. Iwinaksi nito ang mga palad sa hangin at kasunod n'yon ay para akong bola na humagis. Ang kaibahan lang ay hindi ako tumalbog, dire-diretsong tumama ang aking katawan sa pader. Sobrang sakit at hindi agad ako nakatayo.

Nagkaroon ng pagkakataon si Mr. Shan na gamitin ang exorcism box. Nanghihina na lumapit siya sa mga gamit at pinulupot muli ang prayer beads sa mga kamay. Binuksan niya ang kahon at nagbigkas ng mantra ng proteksyon.

Nang mahimasmasan ang aking diwa, nakita ko na parang hinihigop ng kahon ang Mara patungo sa loob. Hindi ako makapaniwalang makikita kong masisindak ang demonyo. Nagkaroon ako ng kaunting pag-asa na baka nga... baka nga magawa naming matalo ito.

Tumayo ako para tumulong. Dumampot ako ng mga butil ng asin at sinaboy ko sa halimaw.  Napapasigaw ito dahil sa hapdi. 

"Om amarani, jiwantiye soha. Om vajrapani hayagriva garuda hum phat." Malakas, madiin at panay lamang ang bigkas ng Shaman ng mantra habang tila may hangin na humihigop sa katawan ng demonyo papasok sa loob ng exorcism box.

Ngunit kahit anong pagpupumiglas at pagsisigaw nito ay mas malakas pa rin ang puwersa na nagmumula sa Shaman. Hindi rin nagtagal at nagawa ng exorcism box na mahigop ang katawan ng Mara. Mabilis at nagmamadaling isinara ni Mr. Shan ang kahon at ipinulupot ang hawak na prayer beads sa kabuuan nito.

Inalapag niya ang kahon sa sahig. Hinihingal na nakakapit pa rin doon na lumingon siya sa akin. Hinahabol ko rin ang hininga na napatingin sa kanya. "A-Ayos ka lang, Mister?" iyon ang una kong nasambit at tumayo ng tuwid.

Tumango siya. "Si Laura, nasaan?"

Nang tanungin n'ya iyon, saka ko lang naalala ang aking kapatid na babae. Lumapit ako kay Bunso na nakahiga pa rin sa sahig at walang malay. "Laura..." Bahagya ko siyang niyugyog at ilang saglit pa'y minulat niya ang mga mata.

"Kuya Ioseph," usal niya at umupo saka humawak sa noo na para bang ininda ang sakit nito. "A-Anong nangyari?"

"Mamaya na kami magpapaliwanag. Kailangan muna nating umalis dito at ibaon ang exorcism box sa isang lugar na hindi makukuha ninoman," sabat ni Mr. Shan sa amin. 

Tumingin muna kami sa kanya bago bumalik ang linya ng mga mata sa isa't isa. "Nagawa n'yo siyang i-seal?" tanong ni Laura sa akin. May pangamba pa rin sa boses niya.

MƖƊƝƖƓӇƬ ƦЄƊ : PROCRASTINATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon