"Nag-iiba ang paniniwala ng isang tao habang tumatanda. Nagbabago ang tingin at pananawa niya sa mundo. Minsan 'yong dating pinaniniwalaan mo ay mapagtatanto mong hindi pala tama. At minsan iyong akala mong maling paniniwala ay tama pala. Ikaw rin Ioseph, darating ang punto sa buhay mo na magbabago rin ang paniniwala mo."
Hindi ko naunawaan nang una niya iyong sabihin sa akin, ngunit ngayon naiintindihan ko na rin kung ano ang ibig pakahulugan ng mga salitang binitawan ni Mr. Shan. Tunay ngang nagbabago ang paniniwala ng tao depende sa kanyang karanasan. Ngayon, masasabi kong nagbago nga ako.
Sa kasalukuyan, nilalakad ko ang kahabaan ng madilim na eskinita pabalik sa tahanan. Nanggaling ako sa pinakamalapit na talipapa. Bumili lamang ako ng incense stick at sisiw pero inabutan ako ng gabi. Marahan ang aking lakad at walang kislap ang mga mata habang nakatuon sa daan. Dito sa espaltong lupa na nilalakaran ng aking anino.
Ang naririnig ko lamang sa tahimik na paligid ay ang huni ng sisiw na dala-dala ko. Namamayagpag siya sa loob ng maliit na hawla. Patawad kung sa ganito ko tatapusin ang buhay mo munting sisiw pero kailangan ko itong gawin.
Nalulunod ako sa sarili habang inaalala ko ang mga nagdaan. Nakalimutan kong itanong sa kabit ng nanay ko... kung isang tao lamang ang interes ng Mara... E, bakit kailangan pa nitong idamay ang buong pamilya ng taong gusto niya?
Kung ang nanay ko lamang ang gusto ng demonyita, bakit pati kami ay nadamay? Ibig- sabihin ba nito ay... lahat kami ay nagustuhan din ng Mara? Pati sina Laura at Mr. Shan ba ay gusto din ng halimaw?
Kapag ba sinira ko ang rebultong tahanan nito, magagawa kayang masugpo ang Mara? O hindi nasisira ang rebulto? Sabagay, natandaan ko nang sinubukan kong sunugin ang Red Laughing Buddha pero hindi man lang ito nagasgasan.
Napagtanto ko, na kapag hindi mo kilala ang iyong kalaban ay hindi mo ito matatalo. Sa paghakbang ng mga paa ko patungo sa bahay, nakapagdesisyon na ako. Kikilalanin ko muna ang katunggali bago ako muling lumaban. Sa pagkakataon na ito, sisiguraduhin kong mananalo na ako.
Sabi ni Mama, hindi ko kasi naranasan na magsakripisyo kaya hindi ko siya maintindihan. Mali ang aking ina. Marunong din akong magsakripisyo pero sa sarili kong paraan.
Ginagawa ko ito, hindi para sa akin kundi para kay Laura. Hindi baleng ako na lang ang maging habambuhay na maging alipin, basta magawa lamang makawala ng aking kapatid. Sa aming lahat na nakatira sa pulbos na bahay na ito, si Laura ang pinakainosente. Hindi ko matatanggap na habambuhay na makukulong si Bunso sa Psychiatric Ward at mamatay na lamang na walang nakukuhang katarungan. Hindi ito ang nararapat sa kanya.
Pumasok ako sa dating tahanan namin o kung maituturing ko pa ba itong tahanan? Ang mga wasak na parte ng haligi ay nakakalat din sa sahig. Kulang-kulang na ang mga gamit na sa tingin ko'y ninakaw na ng mga taong nagsisipagdaungan dito para maki-tsismis. Wala na akong paki. Hindi rin ako makaramdam ng galit sa kanila. Naupos na ang aking pakiramdam para madama ang muhi. Manhid na ako sa lahat.
Ang tanging bagay lamang na magbibigay sa akin ng reaksyon at damdamin ay ang Red Laughing Buddha na nasa harap ko.
Hindi ko napansin o sabihin nating, kusang dinala ako ng mga paa rito. Hindi rin ako makapaniwalang sinusunod ko ang payo ng p***ng lalaki na lumandi sa nanay ko. Hindi ako magpapasalamat sa kanya dahil siya pa rin ang naging ugat ng gulong ito. Malandi siya. Parehas sila ng nanay kong makati.
Ay hindi... pareho silang nagmana sa haliparot na ugali ng Mara--- Nagkakagusto sa iba't ibang tao. Kapag nakakita ng iba ay itsapwera ang huli. Ibinibigay ang gusto upang siya ang maging sentro ng atensyon ng taong gusto niya.
Ang Mara ay repleksyon ng mga taong lugmok sa ganid at libog... ng galit at kamangmangan.
Mr. Shan, wala na sa akin ang mga binanggit na iyan. Sa katunayan, wala na akong pakiramdam. Ibig-sabihin, ako ang kabaliktaran ng Mara. Matatalo ko siya kahit wala ang tulong mo.
Nanatili akong nakaupo sa harap ng rebulto at hindi binibilang ang oras na dumaan. Hinihintay ko ang tamang tiyempo. Nang pumatak ang ika-13 ng Nobyembre sa relong nakakabit sa kamay ko, tumayo ako ng tuwid dahil oras na para gawin ang nararapat. Sa pagkakataon na ito, may determinasyon at buo ang aking puso.
Kinuha ko ang walang laban na sisiw sa loob at sa harap ng Buddha, ginamit ang lansetang nakatago sa bulsa upang gilitan ng leeg ang munting ibon. Mabilis kong kinitil ang buhay nito dahil ayokong maghirap din na katulad ko. Bumulusok ang dugo nito sa katawan dahilan para mapintahan ng pula ang harapan ng Red Laughing Buddha.
Dumako ang nagbabagang paningin ko sa mukha nitong nakatawa. May pagtitimpi ngunit masama pa rin ang aking tingin na lumuhod sa harap niya. Sinindihan ko ang incense sticks gamit ang lighter sa bulsa at pinikit ang mga mata habang hawak iyon.
Binigkas ko ang mga katagang matagal ko nang hindi nabibigkas. Binigkas ko ang mga katagang wala pa ring kahulugan pero siyang nagpasimula ng sumpa sa akin...
"Pravahe-sampar-payami, pramahite-shada-cha-asmi."
Pitong beses kong inulit. Bawat kataga ay nadadama ko ang presensya ng Mara.
Matapos kong bigkasin ang Mantra Chant, hindi ko na ikinagulat ang pagbungad ng babaeng demonyo sa likod ng rebulto. Nakapalumbaba siya habang mapang-akit na nakangiti sa akin.
***
BINABASA MO ANG
MƖƊƝƖƓӇƬ ƦЄƊ : PROCRASTINATION
HorrorGenre: Horror-Thriller/Suspense/Paranormal/Drama (@2022) "It was because of your procrastination. Ikaw ang nagsimula ng sumpa, ikaw rin ang makakatapos nito. Can you handle the guilt, Ioseph?" Alam ni Ioseph na siya ang may kasalanan kung bakit suno...