Kabanata 3: Ang Misteryosong Obra

56.8K 3K 5.7K
                                    

[Kabanata 3]

"MULI!" Sigaw ni Doña Marcela habang nakaluhod si Socorro sa tabi ng kaniyang kama at may nakapatong na libro sa kaniyang kamay.

"Sa lahat ng oras ay dapat pakatandaan ng isang babae ang pagkilos nang wasto sa anumang sitwasyon. Ang paglalakad ay tulad ng paghakbang sa mga ulap. Ang pananalita ay kasinglamig ng hangin. Ang kilos at galaw ay pakaingatan at alagaan. Ang pagtitig sa mata ng iba ay hindi katanggap-tanggap."

"Sa lahat ng pagkakataon ay maging magalang sa lahat ng kausap. Humingi ng permiso bago magsalita. Ang mga sasabihin ay tiyaking malinaw, wasto, at tama. Humingi ng tawad sa lahat ng pagkakamali. Ang pagpapakumbaba ay kaluluwa ng isang babae..." Napatigil si Socorro, maka-sampung ulit na niyang binibigkas ang mga aral na pinakabisado sa kanila ng Ina mula pagkabata.

Hindi niya mawari kung bakit sumisikip ang kaniyang dibdib. Lalo na sa huling aral na sinabi niya. "Ipagpatuloy," Wika ni Doña Marcela habang hawak ang mahabang pamalo na gawa sa palutsina.

Naglalaban ang loob ni Socorro. Gustuhin man niyang kuwestiyunin ang lahat ng aral na itinuturo ng Ina ngunit nababatid niyang mas mapaparusahan siya at maaaring sumama ang pakiramdam ni Doña Marcela.

"Marapat na makinig ang mga anak sa kanilang mga magulang. Ang paghingi ng payo sa magulang ay mahalaga sa pagpapasiya. Sikaping maging marangal, tapat, at malinis ang budhi sa lahat ng pagkakataon. Panatag ang loob ng magulang na may masunurin at mabuting anak. Ang taong sinunggaling ay hindi karapat-dapat pagkatiwalaan. Iwaksi ang sarili sa mga kasalanan. Ang kasalanan ang nagdudulot sa tao sa kapahamakan. At pagbabayaran ng taong makasalanan ang lahat ng kaniyang pagkakasala sa impyerno magpakailanman."

"Mula sa umpisa." Wika ni Doña Marcela habang palakad-lakad sa silid ni Socorro.


TINITIGANG mabuti nina Leonora, Amor, at Agustino ang obra na ibinalik sa silid kung saan nagpipinta si Leonora. "Inyo rin bang naiisip ang nasa isip ko?" Tanong ni Amor. Naunang lumayo sa obra si Agustino.

"Ang sabi niya sa akin ay bunga lang ng kaniyang imahinasyon ang karakter na ito." Wika ni Leonora saka humakbang paatras upang mas makita ang tindig ng iginuhit niyang obra.

"Bunga lang ba ito ng imahinasyon?" Usisa ni Amor na mas lalong lumapit sa obra.

"O bunga ng katotohanan." Wika ni Agustino habang nakasuksok ang isang kamay sa bulsa. Naglakad na siya patungo sa pintuan. Unang tingin niya pa lang sa obra ay napagtanto niya agad kung sino ang kahawig nito.

Nang makalabas si Agustino ay nagkatinginan sina Amor at Leonora. "Kamukha talaga ng kaibigan ni kuya Jacinto ang lalaki sa obrang ito." Saad ni Amor at muling tinitigan ang obra. Nanatiling tahimik si Leonora. Ang naging kilos ni Socorro ay sadyang kahina-hinala.

"Ano nga muli ang ngalan ng ating panauhin?" Tanong ni Amor.

"Cristobal." Tugon ni Leonora sabay tingin sa obra. Naalala niya ang pakiusap ni Socorro noong gabing humingi ito ng pabor sa kaniya. Manatiling lihim sa kanila ang ipinaguhit niyang larawan. Naunang lumabas si Amor na agad bumati sa kanilang ina na patungo na ng kusina.


MALUHA-LUHANG nakaupo si Socorro sa kama habang ginagamot ni Segunda ang kaniyang mga sugat sa tuhod. Sinusuklay naman ni Amor ang mahaba at kulot na buhok ni Socorro.

"Hindi ko maunawaan kung bakit para kay Ina ang lahat ng aking gagawin ay isang malaking kasalanan? Hindi ko sinasadya na mapatid kanina at... Ah!" Napahawak si Socorro sa kaniyang ulo na nabanat ni Amor nang hindi sinasadya.

Ngumiti si Amor, "Pasensiya na. Kay haba ng iyong buhok. Tiyak na babawasan ito ni Ina sa oras na mapansin niya."

Muling napalunok si Socorro at nagpatuloy sa paglalabas ng kaniyang hinaing, "Kahit ako ay hindi maghahangad na mapahiya nang ganoon sa harap ng ibang tao. Subalit para kay Ina ay wala na akong nagawang tama. Nais niya pang humingi ako ng paumanhin sa hindi kaaya-ayang kilos na natunghayan ng lalaking iyon." Patuloy ni Socorro saka napapikit nang lagyan ng gamot ni Segunda ang sugat niya.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon