[Kabanata 14]
NAPANSIN ni Socorro ang makailang ulit na pagtango ni Ambrosio habang binabasa ang gawa niya. Unti-unting napawi ang nararamdamang kaba dahil sa reaksiyon ni Ambrosio na tila ba sumasang-ayon sa lahat ng kaniyang suhestiyon.
"Maganda ang iyong ginawa rito," wika ni Ambrosio sabay turo sa sa ikaapat na kabanata kung saan nagbigay ng suhestiyon si Socorro tungkol sa mga linyang sinabi ni Felipe.
Napangiti si Socorro, ang mapansin at mapuri ang kaniyang gawa ay pumapawi sa lahat ng kaniyang pagdududa sa sarili at kawalan ng pag-asa. "Maganda rin ang iyong sulat-kamay," habol ni Ambrosio sabay ngiti at tumingin kay Socorro.
Hindi malaman ni Socorro kung dapat ba siyang ngumiti o mangamba dahil siya ang nagsulat ng liham ni Nova. Muli niyang inusisa ang reaksiyon ni Ambrosio na abala sa pagbabasa, sa palagay niya ay hindi nito nakilala ang kaniyang sulat-kamay.
Makalipas ang ilang sandali ay maayos na binalik ni Ambrosio ang kopya ng manuscrito sa maleta at itinupi ang gawa ni Socorro. "Kukunin ko muna ito upang ipakita sa may ari ng La Librería. Sa Linggo marahil ay may desisyon na sila ni Palabras." Ngiti ni Ambrosio saka muling tumingin kay Socorro na ngumiti pabalik sa kaniya.
Ang totoo ay nabawasan ang kaba ni Socorro dahil pakiramdam niya ay nagustuhan ni Ambrosio ang gawa niya, mas malaki ang pag-asa na maging pabor din ang mga nakakataas sa kaniya.
"Magkikita pa rin tayo sa Linggo. Malinaw na usapan iyon ha," paalala ni Ambrosio saka ibinalik kay Socorro ang maleta. Tumango si Socorro saka ipinatong sa hita ang maliit na maleta.
"Siya nga pala, wala kayong klase?" Tanong ni Socorro nang mapansin na nakabihis si Ambrosio na tila papasok sa paaralan. "Wala akong pasok, ngunit bukas ay papasok na ako," tugon ni Ambrosio sabay ngiti muli. Kahit papaano ay masaya siyang malaman na nagtatanong na si Socorro ng personal na impormasyon, nangangahulugang nakukuha na niya ang kuryosidad nito.
Nanatili silang nakaupo sa estrangque na tila ba wala pa sa kanilang plano ang umalis. "Maaari rin ba akong magtanong, Ginoo?" Tanong ni Socorro, tumango nang marahan si Ambrosio habang nakangiti. Itinukod niya ang dalawang kamay sa likod upang gawing sandalan.
"Oo naman, basta ikaw," tugon ni Ambrosio na umaasang mamumula ang pisngi ni Socorro ngunit nagpatuloy lang ito sa pagsasalita.
"Paano kayo nagkakilala ni Palabras?" Tanong ni Socorro, bakas sa hitsura nito ang matinding hangaring makakuha pa ng ibang impormasyon tungkol kay Palabras.
Tumingala si Ambrosio at pinagmasdan ang matataas na puno sa paligid. "Matagal na kaming magkakilala, ngunit hindi kasingtagal ng pagkakakilala niya sa akin. Sa totoo lang, walang sinumang mag-aakala na sa unang tingin kay Palabras ay isa pala itong manunulat." Tawa ni Ambrosio.
Napaisip si Socorro at marahang itinango ang ulo upang sumang-ayon sa sinabi ni Ambrosio. Kung hindi niya nakita ang mga manuscrito ni Cristobal ay hindi niya ring aakalain na ang isang tahimik, matalino, mayaman, at mahinahon na tulad niya ay si Palabras na palaban sa kaniyang mga nobela.
"Halos taglay ni Palabras ang lahat. May pangalan, nagmula sa marangyang pamilya, may kinabukasan, ngunit ayon sa kaniya, tila may kulang sa kaniyang buhay. Tila raw ba hindi siya nararapat sa karangyaan at katiwasayan gayong ang ilan sa malalapit sa kaniya ay naghihirap," patuloy ni Ambrosio habang nakatitig sa mga punong marahang isinasayaw ng hangin ang mga malalagong dahon nito.
Wala na ang ngiti sa labi ni Ambrosio. Sandaling pinagmasdan ni Socorro ang hitsura ni Ambrosio na tila ba may inaalala sa kaniyang isip at kinukuwestiyon kung bakit may mga dahong nahuhulog sa puno at may ilang nananatiling nakakapit doon.
BINABASA MO ANG
Socorro
Historical FictionDe Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorro from pursuing her dreams and passion for writing. Despite living in the 19th century, she believes...