Kabanata 22: Ang Kamatayan

35.4K 2.3K 6.3K
                                    

[Kabanata 22]

NAPATIGIL si Cristobal sa pintuan nang maabutan niya si Doña Josefa sa kaniyang silid kasama ang dalawang kasambahay na inutusan nitong palitan ang kurtina at maglagay ng mga sariwang bulaklak.

"Narito ka na pala," wika ni Doña Josefa sabay ngiti. Dahan-dahang isinara ni Cristobal ang pinto sa kaniyang likuran at nagmano sa ina. Tumingin si Doña Josefa sa mga kasambahay na naglakad papalabas ng silid.

"Mas mabuting magpahinga po muna kayo," saad ni Cristobal sa pag-aalalang nilulubos ni Doña Josefa ang mga oras na dapat ay nakaupo o nakahiga siya sa kama upang hindi kumirot ang kaniyang tuhod.

"Nais kong maglakad-lakad. Iyon din ang payo ni Feliciano," saad ni Doña Josefa saka napatitig sa bulaklak ng gumamela na iniligay niya sa silid ni Cristobal. "Ito ang paborito ni Juliana, hindi ba?" Ngiti ng Doña. Napatitig si Cristobal sa pulang gumamela, naalala niya ang mga araw na nagagawa siyang pangitiin ng bulaklak na iyon na tila isang hibang.

"Siya nga pala, kumusta ang inyong lakad sa patahian?" Tanong ni Doña Josefa habang pinupunasan ang porselanang paso. Hinubad na ni Cristobal ang kaniyang sapatos at naupo sa kama.

"Maayos naman po," tugon ni Cristobal na nagtanggal ng suot na tsaleko. Binuksan niya ang aparador upang kumuha ng bagong bihisan nang mapansin niya ang itim na abrigo na binigay ipinatong niya sa balikat ni Socorro.

"Dumaan nga pala si Socorro kanina. Siya'y aalis na pala bukas," saad ni Doña Josefa na napangiti sa ganda ng mga bulaklak na kaniyang napili. "Aking nakaligtaang itanong kung sasamahan ba siya ni Jacinto? Makakadalo rin ba ito sa iyong kasal?" patuloy ni Doña Josefa saka lumingon kay Cristobal na naabutan niyang nakatitig sa mga damit nito sa aparador.

"Narito pa naman si Jacinto, hindi ba?" Tanong ni Doña Josefa dahilan upang matauhan si Cristobal. Isinara na nito nang marahan ang pinto ng aparador matapos kumuha ng damit. Tumango nang marahan si Cristobal bilang tugon sa tanong ng doña. Ang totoo ay hindi rin siya sigurado kung makakadalo si Jacinto sa nalalapit niyang kasal dahil nagsabi ito na may kailangan siyang puntahan na proyekto sa Norte sa susunod na Linggo na magtatagal hanggang buwan ng Mayo.

"Iyong nababatid na nagdadalawang-isip ang iyong ama na imbitahan ang pamilya De Avila... ngunit si Juliana mismo ang nakiusap na anyayahan silang lahat upang maging maayos na ang lahat." Hindi nakapagsalita si Cristobal. Habang patuloy niyang iniiwasang pag-usapan ang nangyari sa nakaraan ay patuloy naman itong nagpapaalala sa iba't ibang paraan.

Pinakiramdaman ni Doña Josefa si Cristobal. Sumusulyap siya sandali sa anak ngunit mas pinaiiral niya ang kutob sa mga ganitong sitwasyon. Kailanman ay hindi nila pinag-usapan nang masinsinan ang nakaraan. Ang ginawang paglalapit ni Juliana sa kanila ay hindi humantong sa pagbubukas ng paksa tungkol sa pagiging anak ni Cristobal sa labas.

Tumikhim si Doña Josefa saka muling ibinaling ang tingin sa mga bulaklak na gumamela. Minsang nabanggit sa kaniya ni Juliana ang tungkol sa pagpapadala nito ng liham pag-ibig noon kay Cristobal. Ang bagay na iyon ay nagpapangiti sa doña lalo na't minsan na rin siyang nagsulat noon ng liham pag-ibig noong kaniyang kabataan.

Napatingin si Cristobal sa kaniyang paa na ngayon ay nakahinga na sa maghapong pagsusuot ng sapatos. Iniisip niya kung dapat ba niyang banggitin ang tungkol sa pagbabalik ng kaniyang ina. Kung dapat bang manggaling sa kaniya o sa kaniyang ama ang balitang iyon.

"Nabanggit sa akin ng iyong ama na hindi mo na tinanggap ang mangyayaring mga proyekto sa Maynila. Ako'y nanghihinayang sapagkat makakatulong din iyon sa iyong karanasan. Ikaw ba ay may naiwang proyekto sa Espanya?" Napayuko si Cristobal. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang pagtanggi niya sa malaking proyekto na isa rin sa mga dahilan kung bakit siya bumalik sa bansa.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon